I: Liham ng pusong sawi na nauwi ang luha sa pagsulat ng kung anong makapagpapaliwanag ng tampo at pait na nadarama.
Cavite, Philippines
Ika-16 ng NobyembreMahal ko,
Inaamin kong labis na nagtataka ang puso ko ngunit hindi na lamang iimik. Napakarami ng tanong ngunit siguro’y hanggang doon na lamang iyon. Ni katiting na lakas ay wala ako upang tanungin ka kung paanong sa isang iglap ay nagbago ka.
Bakit nga kaya?
Siguro nga’y may hinahanap ang sistema ko. Siguro nga’y nangungulila ako sa iyo ngunit hindi sa iyo mismo. Nangungulila ako sa dating ikaw. . . sa dating ikaw na nakilala ko.
Malay ko bang aabot din pala tayo sa puntong ‘tulad nito? Malay ko bang ang dating ikaw ay mawawala rin pala? Ni hindi ko iyon nakitang darating. O baka naman, ikaw pa rin iyan at sa akin ka pa rin sa ideya ko ngunit sa reyalidad ay hindi na? Baka naman may bago na. . . sadyang hindi mo lang maamin sa akin?
Oh, kay pait naman isipin na lahat ay nagbago sa iyo. Nawala na ba ang galak sa tuwing kausap ako? Hindi na ba ako hinahanap ng sistema mo? Nawala na ba ang lahat ng dating nadarama para sa akin? Hindi na ba ako espesyal para sa iyo? Hindi na ba ako ang gusto mong makausap minu-minuto?
Hindi na ba ako?Kahit maliliit lamang na detalye ng pagbabago sa iyo ay napupuna ko. Kahit nga ang maliit lang na pagbabago sa paraan ng pagkilos mo. . . maging ang paraan ng pakikipag-usap mo.
Nakatatakot isipin pero oo. . . Naiisip ko nang may bago ka nang nakilala na sa tingin mo’y mas maayos kasama. Unti-unti mong itinatapak ang mga paa mo sa ubod ng berdeng damo sa paraan ng pagtapak mo rito noon palapit sa akin ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ito palapit sa akin kundi palayo na. . . at papunta na siguro sa kaniya.
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha ko habang isinusulat ito. Mahal ko, saan ka nagbago? Sa relasyong ito, saan may nagbago? Bakit biglang lumihis ang direksyon nito? Sumobra ba ako sa pagkaselosa? Sumobra ba na umabot ka na sa puntong ayaw mo na at humanap ka ng iba upang may makausap ka at mapagsabihan ng nadarama?
Mahal, nagseselos ako dahil may nakikita ako. Hindi ako nagseselos dahil lang sa gusto kitang manuyo o ano. Nasaktan ako.
Pero baka siguro nga ay sumobra. . . siguro nga ay kasalanan ko. Nakasasawa ba talaga?
Kailan ma’y hindi ko nakita ang sarili kong nagsusulat ng ganito dahil pakiramdam ko’y kapag ako ay sumulat ng ganito ay tanggap ko na at hindi na masakit sa akin ngunit hindi iyon ganoon. Mahal, hindi ko pa kayang lunukin ang katotohanang posibleng humanap ka na ng ibang tao upang may makausap ka. Hindi ko pa rin kayang lunukin ang posibilidad na baka ayaw mo na. . . na baka suko ka na at ako na lang ang hinihintay mong bumitaw para makalaya.
Hindi ko magawang tapusin ang sulat na ito dahil masakit. . . napaka. Bawat letra na nilalaro ko ay humihiwa sa puso kong nangungulila sa presensya mo at sa dating ikaw na hanggang ngayo’y hindi ko pa rin alam kung paano nawala sa akin.
Labis na nasasaktan,
k
YOU ARE READING
The Anthology of Unspoken
Poezjaかて:: 𝐬 𝐨 𝐟 𝐞 𝐢 𝐧 𝐠 𝐜 𝐮 𝐭 :: collectenea of unspoken thoughts.