Nakita na ni Raine ang Ninong niya. Halos maiyak siya sa awa dahil sa nakitang paghihirap ng matanda. Nakahiga ito sa kama, wala nang lakas ang kaliwang bahagi nito. Hindi na rin ito makapagsalita ng maayos, pero nang magpakilala siya na anak ng mga magulang niya, ay ngumiti sa kaniya ang matanda kahit na ang kanang labi lang ang gumalaw.
Hindi na rin ito nakakakain sa bibig kaya may tubo ito na nakalagay sa ilong na konektado nang diretso sa tiyan nito. Siya ang magtitimpla sa espesyal na gatas na magsisilbing pagkain nito at magpapakain sa matanda na idadaan niya sa tubo every 4 hours. Meron din siyang dalang pang-tsek ng Blood Pressure na gagamitan niya sa Ninong niya. Sa pag-bed bath naman sa matanda ay magtutulungan sila ng caregiver na makakasama niya sa pag-alaga sa Ninong niya. Trabaho naman ng caregiver na lalaki ang magpalit ng diaper sa Ninong niya. Natutuwa na rin siya dahil may makakasama naman pala siya. Mabait naman ang lalaking caregiver at nakasundo niya agad ito.
“Dalawang buwan din na nagstay si Senyor Roberto sa ospital. Kaya suhestiyon ng doktor niya na alagaan na lamang ang senyor sa bahay basta may kasama itong private nurse at caregiver na lalaki.” wika ni Francis.
Matanda siya kay Francis ng dalawang taon pero dahil bata ang itsura niya ay mapagkakamalian pang magkaedad lang sila o di kaya ay matanda pa sa kaniya ang lalaki.
“Mabuti na lang talaga at nandito ka Francis, kahit papaano ay may makakausap naman pala ako rito.” sagot naman niya.
“Mabait naman ang magkakapatid. Sina Anna at Annie ay sobrang bait, kapag nakauwi ang mga iyon ay makikipagkuwentuhan pa sila sa iyo.”
“Oo nga napansin ko nga na mabait si Anna. Ganoon nga din siguro ang kakambal niya.”
“Mabait naman si Sir Josh. Medyo mainitin lang ang ulo minsan.”
“Siya ang magiging problema ko rito. Mukhang hindi niya gustong nandito ako eh.” Naikuwento na kasi niya kay Francis ang nangyaring paghaharap nilang dalawa sa ospital ng mamatay ang mama ni Josh.
“Hindi naman siguro. Baka iniisip mo lang yun?”
“Hay naku, kung alam mo lang Francis. Ayaw ko na nga sanang magtrabaho dito nang malaman kong dito pala siya nakatira eh. Kaya lang naisip ko, trabaho naman ito, walang personalan.” wika ulit niya.
Nang marinig nila ang pagbukas ng pinto, si Josh ang pumasok sa loob. Naniningkit ang matang tiningnan siya ng lalaki. Nakaupong magkatabi sila ni Francis sa maliit na sofa ng kwartong iyon. Natutulog ang Ninong niya kaya nagkuwentuhan muna sila ni Francis para malibang.
“Kumusta ang Tito Roberto?” matigas na tanong ni Josh.
Si Raine naman ay tumayo at hinarap ang lalaki. “Tulog siya ngayon Mr. Alberto. Napakain ko na rin siya kaninang alas-kwatro. Normal naman ang vital signs niya st blood sugar. Napaliguan na rin namin siya kanina ni Francis.” pormal niyang sagot.
“Well... That’s good. Nagawa niyo naman pala ang trabaho niyo ng maayos kaya nakakapagkuwentuhan na kayo.” sarkastikong wika naman ni Josh.
Nainis si Raine sa tinuran na iyon ni Josh. Bakit ba parang lagi na lang galit ito sa kaniya? Wala naman siyang ginagawang masama.
Tumalikod si Josh sa kaniya at lumabas ng pinto. Napansin naman niyang tumayo si Francis at nagkunwaring may ginagawa. Hindi na niya mapigilan ang sarili na mainis kay Josh. Sumunod siya rito palabas. Sinara din niya ang pinto para hindi marinig ng caregiver ang magiging usapan nila.
BINABASA MO ANG
RN on Duty 1: The Nurse and I
RomanceGinagawa ni Raine ang makakaya niya sa trabaho. Hindi madali ang maging nurse pero dahil passion naman niya ito, nageenjoy naman siya sa ginagawa niya. Not until he came along. Joseph Hanz Alberto accused her which leads to her resignation. Sinira...