KABANATA I

137 1 0
                                    

"Ayoko mag pari!" Ito ang mga katagang naaalala ko sa tuwing binabalikan ko ang aking nakaraan bago ako pumasok ng Seminaryo. Ito ang linyang hinding-hindi ko makalimutan sa tuwing naaalala ko kung paano ako napadpad sa Seminaryo. Marahil, may malaking kadahilanan kung bakit hanggang ngayon, nalilito pa rin ako sa mga bagay-bagay na nangyayari sa aking buhay.

Sa kasalukuyan, nakasakay ako sa bus na kung saan hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung saan ako bababa. Para akong nasa ilog na hindi ko alam kung saan patungo ang tubig. Agos na hindi ko maintindihan kung nasaan ang hangganan. Ilog na siyang tumatangay sa akin sa kalaliman at tuluyang malunod na walang kalaban-laban.


Sa murang edad ko, naranasan ko na ang mga bagay-bagay na masakit, malungkot at ang unos ng buhay. Hindi tulad ng mga bata, laro, kain, at tulog lamang ang nasa isipan (siguro likas na ng bata ang mga bagay na ito). Subalit sa isang tulad ko, isang katanungan ang namulat sa aking isipan, " Bakit ako pinabayaan ng Diyos?" Marahil magtatanong ka, "Bakit? Ano'ng nangyari?" Hindi ko lubos maisip kung bakit sa murang edad ko, nawala ang mga masasayang araw sa aming pamilya. Mga araw na kung saan, hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin at para bang bangungot na ng aking buhay. Mga katanungang "Bakit? Ano? Paano?" ang siyang namuo sa aking isipan. Mga problemang dumating sa buhay ko at humantong sa pagkakataong gusto ko nang sumuko at bumitaw sa aking mga pangarap sa buhay.


Hindi ko maikakaila ang katotohanang mahirap sundin ang kalooban ng Diyos. Bakit? Maraming mga bagay ang dapat kong isaalang-alang. Mga bagay na kung saan kinakailangan kong isakripisiyo hindi lamang sa pansarili kong kapakanan kundi sa kapakanan ng ibang tao. Bakit ko nasasabi ang mga bagay na ito? Unang-una, hindi ko maikakaila na pumasok ako ng Seminaryo hindi dahil sa sarili kong desisyon. Pangalawa, wala sa isip ko at kailanman ay hindi pumasok sa isipan ko ang pagpapari. At pangatlo, alam kong hindi ako karapat-dapat na maging pari sapagka't ako ay makasalanan. Ngunit, sino nga ba ang karapat-dapat?


Gayunpaman, alam kong may malaking dahilan at plano sa akin ang Diyos na alam kong ikabubuti ko na hindi ko lang makita sapagka't pilit kong isinasara ang aking puso at isip na makita ang katotohanan sa likod ng mga nangyari sa buhay ko at ng aking pamilya. Mas nangingibabaw ang mga negatibong pag-aalinlangan at katanungan sa aking puso kung ako ba talaga ay tinatawag ng Diyos. Mas pinangungunahan ako ng aking takot at pangamba na baka pagsisihan ko din lang naman ang daan na aking tinahak. Ayokong humantong sa pagsisisi ang bokasyon na aking pinili. Sa kabila ng lahat na ito, pilit akong nagpapakatatag at nananatiling malakas para sa aking pamilya at sa Diyos. Kahit na may mga taong humihila sa akin pababa, alam kong ito ay isang malaking hamon at pagsubok lamang sa akin upang mas tumibay ang aking pananampalataya at lumakas ang aking pananalig sa Diyos sa likod ng aking kahinaan at kakulangan. Isang desisyon na kinakailangan kong pangatawanan at panghawakan habambuhay.


Ayoko mag pari hindi dahil sa ayaw kong magsilbi sa Diyos at sa Simbahan. May mga iba pang dahilan na siyang bumabagabag sa aking isipan. Kung ako ba talaga ay para sa pagpapari? Karapat-dapat ba talaga akong maging pari at ordinahan sa darating na panahon? O tama ba ang daang aking tinahak? Gayunpaman, sinusubok lamang ako ng tadhana na sumabay sa agos ng aking buhay.


Gaya nang nabanggit ko na para akong nakasakay sa bus na kung saan hindi ko alam kung saan tutungo. Para akong nasa ilog na kung saan hindi ko alam kung saan patungo ang agos ng tubig. Dahil dito, nagkaroon ako nang pagninilay-nilay at reyalisasyon sa aking buhay. Binalikan ko ang mga pangyayaring nangyari sa akin noon na nagsisilbing bangungot sa akin sa pangkasalukuyan. Napagtanto ko kung bakit hindi ako makapag-pokus sa aking bokasyon sapagka't pilit kong binubuhay ang nakaraan sa hinaharap. Pilit kong pinagtutuunan ng pansin ang mga pangyayaring nagsisilbing dahilan kung bakit nadadala ako ng aking emosyon at natatalo ng aking mga pag-aalinlangan.


Nang pumasok ako ng Seminaryo, mas nakilala ko pa ang aking sarili. Mas nalaman ko pa ang mga kahinaan ko sa buhay na siyang nagpapalakas sa aking pagkatao. Alam ko na ang bawat problemang dumarating sa aking buhay ay may malaking kadahilanan. Alam kong may plano sa akin ang Diyos. Dahil sa mga problema na aking naranasan sa buhay, marami akong natutunan at nalaman ko kung ano ba talaga ang kahulugan ng aking buhay. Nagkaroon ako ng mga pangarap ng gusto kong abutin, liparin, at tuparin. Nandiyan palagi ang aking mga magulang at mga kapatid na buo ang suporta at pagmamahal anumang bokasyon ang aking tahakin. At ang higit sa lahat, kasama kong nakasakay sa bus ang Diyos hanggang sa kahuli-hulihang pag-patak ng aking gasolina. Amen.



THE JOURNEYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon