3-Luha

95 46 18
                                    

Kanina pa ako hikab nang hikab. Alas-nuebe na pala ng gabi. Halos patapos na ako sa aking binabasa at tatlong pahina na lang ang natitira. Napagdesisyonan kong tapusin na lang ito ngayon. Marami pa kasi akong gagawin bukas at sa mga susunod pang araw.

Napako ang tingin ko sa sunod kong binabasa. "Happy first monthsary, Elle," nakangiting bati ni Colby sa akin bago ako tinabihan sa bangko.

Mahina lang niyang sinabi iyon dahil pinili naming gawing pribado ang tungkol sa amin. Tanging ang kaibigan ko lang na si Kaye at ang mga kaibigan niya ang nakakaalam.

Pasimple niyang ibinigay sa akin ang isang paper bag. Halos mapatili ako nang masilip sa loob nito ang paborito kong stuff toy.

Gumanti ako ng ngiti bago ko siya binati. "Happy monthsary din, Colby," namumula kong sabi sabay inabot sa kaniya ang isang box na naglalaman ng mga sulat at love quotes na ako mismo ang gumawa. Nakakahiya nga dahil iyon lang ang kaya kong ibigay sa kaniya.

"S-sorry kung ito lang ang—" Pinigilan niya akong magsalita at dumiretsong tumingin sa mga mata ko.

"Hindi na importante sa akin kung may regalo kang maibibigay o wala, Elle. Sapat na sa akin na nandito ka palagi sa tabi ko." Nangilid ang luha ko sa sinabi niya. Ngunit bago pa man ito pumatak sa aking pisngi, pinunas niya ito gamit ang kaniyang hinlalaki.

Hindi pa rin ako makapaniwalang parte na ako ng buhay ni Colby. Alam kong masyadong mabilis ang lahat pero noong mga panahong 'yon, pakiramdam ko, siya na ang taong nakalaan para sa akin.

Kaswal lang kami kung mag-usap sa school. Talagang walang mag-aakala na kami na dahil hindi kami katulad ng ibang magkasintahan na halos hindi na mapaghiwalay kapag magkasama.

Wala akong masabi sa mga effort na ginagawa niya para sa akin. Mas lalo akong nagkaroon ng inspirasyon upang pagbutihan pa ang pag-aaral kaya mas lalo ko pang napataas ang aking marka.

Nakakatuwa nga dahil pareho kami ni Colby na achiever sa klase. Nangako kasi kami sa isa't isa na uunahin muna namin ang pag-aaral bago ang ibang bagay.

♡♡♡

Umabot kami ng isang taon. Fourth year high school na siya at third year high school naman ako. Iyon din ang taon na itinigil ko na ang pagsusulat. Sayang dahil huling kabanata na lang ang kulang para makumpleto ito.

"Dude, paano 'pag nalaman ni Eloa ang totoo?" Natigilan ako nang marinig ang pamilyar na tinig. Boses iyon ni Kenji at wari ko'y si Colby ang kausap nito.

Nasa library ako ng mga oras na 'yon dahil may isinauli akong libro na ginamit ko sa isa naming asignatura. Mukhang kapapasok lang nila sa loob pero paanong hindi nila napansin ang pangalan ko sa logbook?

"Hindi niya malalaman 'yon kung walang magsasabi," natatawa nitong tugon. Imbes na lapitan sila, mabilis akong nagtago at siniksik ang sarili sa likod ng bookshelves.

Kakaiba ang kaba na nararamdaman ko ngayon. Hindi ito katulad no'ng dati sa tuwing nakikita ko si Colby.

"Ayaw mo talagang matalo sa pustahan, ano? Eh, kailan mo siya hihiwalayan?" Halos kapusin ako ng hininga sa narinig ko. Ano'ng pustahan ang pinagsasabi nila?

"Bahala na, Dude. Ga-graduate na rin naman tayo. Siguradong hindi na kami magkikita pagkatapos noon," saka siya tumawa ulit.

"Ano, Riley? Naisulat mo ba 'yong pangalan namin ni Colby?" tanong ni Kenji kay Riley na tila kararating lang din.

"Yes, boss," natatawang tugon nito. "Swerte mo, Colby. Nandito pala si Eloa eh."

"Nandito si Eloa?" halos sabay na tanong nina Colby at Kenji.

Tinta, Luha, at Ikaw [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon