1-Tinta

241 51 37
                                    

Eloa "Elle" Medina's POV


"Nasaan na ba kasi 'yon?" nayayamot kong sabi habang kinakalkal ang mga gamit ko sa kuwarto.

Kapiraso ng papel lang naman ang hinahanap ko ngunit gan'to na ako kadesperadang hanapin 'yon. Hindi ko naman kasi akalaing importante pala ang laman no'n kaya't wala sa isip ko itong nilamukos kasama ng ibang papel na nagkalat sa aking kuwarto noong naglinis ako.

Sinimulan ko ang paghahanap mula sa shoulder bag na palagi kong dala tuwing pumapasok ako sa school ngunit bigo kong makita ang aking hinahanap. Naimasahe ko ang aking sentido. "Saan ko ba naitapon 'yon?"

Mahigit kalahating oras na akong pinagpapawisan ng butil-butil dahil inisa-isa ko pang binuklat ang mga papel sa basurahan sa labas ngunit nakapagtatakang wala iyon doon.

"'Pag ako talaga napikon, hindi na kita hahanapin." Nagmukha akong timang dito sa likod ng aming bahay dahil nagsasalita akong mag-isa.

Nakakaasar! Nakapag-general cleaning tuloy ako ng wala sa oras. Bakit kaya gano'n? Kapag hindi natin hinahanap ang isang bagay, pakalat-kalat lang. Pero kapag kailangan na, saka naman nawawala.

Malinis naman ang buong kwarto dahil araw-araw akong nagwawalis ng sahig. Tuwing weekend nga lang ako nagpupunas ng bintana, mesa at cabinet.

Ayaw ko kasing kinakapitan ng alikabok ang mga gamit ko dahil may asthma ako. Hindi kumportable ang pakiramdam ko kapag gano'n.

Nagpalinga-linga ako. Wala talaga. Nag-aksaya lang ako ng oras ngayong gabi. Napaupo na lang ako sa kama matapos i-on ang electric fan. Sumuko na ako.

Ika nga nila, "Huwag ng piliting hanapin ang ayaw magpakita."

Mabuti na lang at sabado ngayon. Dahil kung nagkataong may pasok kinabukasan, hindi talaga ako mag-aaksaya ng oras na iyon na lang ang gawin 'pag pag-uwi. Abala pa naman ako nitong mga nagdaang araw dahil malapit na ang midterm exam namin.

Napabalikwas ako ng bangon nang maalala kong may hinihiram nga palang libro sa akin si Thalia, isa sa mga kaibigan ko na kaklase ko rin. Hindi iyon libro tungkol sa subjects namin kung 'di libro ng mga sikat na awtor sa Wattpad.

Kaya ako nagkaroon ng koleksiyon ng iba't ibang libro dahil sa kasunduan namin nina Mama at Ate noon. Pinagbigyan nila ako sa hiling kong bilhan ako ng libro kapag napanatili kong mataas ang aking mga grado.

Nagawa ko naman 'yon na walang kahirap-hirap. Kaya simula nang tumuntong ako sa high school at college, iyon na ang reward nila sa akin kapag napapabilang ako sa top.

Kapag naman nagbi-birthday ako, iyon pa rin ang regalong ni-re-request kong ibigay nila sa akin. Gano'n ako ka-obsessed sa mga libro.

Hinanap ko kaagad ang librong may pamagat na 'Loving My Best Friend Secretly'. Matagal ko na kasing ikinukuwento kay Thalia ang tungkol sa librong ito pero palagi ko namang nakakalimutang ilagay sa bag bago ako umalis ng bahay.

Akmang kukunin ko na iyon mula sa bookshelf nang umagaw sa atensiyon ko ang isang malaking kwaderno na nakasiksik sa pagitan ng dalawang libro. Pamilyar 'yon sa akin.

Buong akala ko'y naiwala ko na ito noong high school ako pero nakapagtatakang maayos pa rin ito at walang punit. Hindi ko natatandaang inilagay ko ito rito at mas lalong hindi ako ang gagawa no'n dahil nawaglit na ito sa isip ko noon.

Marahan ko iyon na binuklat. Napataas kaagad ako ng kilay sa aking nabasa. Noon pa man talaga ay baduy na akong gumawa ng pamagat sa mga kwentong isinusulat ko. "My First Crush ampotek!" natatawa ko pang sabi.

Ito ang kauna-unahang kuwento na ginawa ko noong high school. Hindi lang basta kuwento ang laman nito dahil naging diary ko na ito noon.

Dito ko madalas isulat ang mga 'di malilimutang sandali ng buhay pag-ibig ko noon. Ang taray ko sa parteng iyon pero walang pakialamanan dahil kuwento ko 'to.

Normal lang namang magka-crush sa edad na labingdalawa 'di ba? Ang epal ko naman kung hindi ko aaminin 'yon. 'Yong iba nga ngayon, elementary pa lang pero may jowa na.

Bumalik ako sa kama at naupo. "Mamaya ko na lang hanapin ang nawawala," mahina ko pang sabi sa sarili.

Hindi ko na masyadong matandaan ang eksaktong nakasulat sa kuwadernong ito kaya naisipan kong silipin ang laman no'n. Wala naman akong gagawin ngayon kaya ito na muna ang pagkakaabalahan ko.

Imbes na mag-umpisa sa unang kabanata, dumiretso kaagad ako sa pinakahulihang pahina ng kuwaderno.

Kagaya ng inaasahan, hindi ko iyon natapos na isulat. Hindi katulad ng mga nobelang nakumpleto ko na at nai-published sa aking Wattpad account ngayon.

Napangiwi ako. Ito sana ang kauna-unahan, kaya lang walang wakas. Sa pagkakatanda ko, isang kabanata na lang dapat ang kailangan kong isulat noon upang makumpleto ito ngunit hindi ko na nagawa.

Nag-umpisa na akong magbasa. Tila naglakbay ako pabalik sa panahon kung saan tahimik akong nakaupo sa pinakahulihan no'ng mga oras na 'yon.

Pabor na pabor sa akin na roon ako nakapuwesto. Puwede kasi akong um-exit anytime kapag nalingat ang teacher namin.

Palibhasa'y unang araw namin sa eskwela, puro introduce yourself lang ang ginawa namin sa maghapon. Bigla tuloy akong inantok. At dahil malapit ako sa may pintuan, maya't-maya akong napapasulyap sa labas.

Maghihikab sana ako no'ng mga oras na 'yon dahil sa pagkaantok ngunit bigla itong naudlot. "Hi," nakangiting bati sa akin ng isang lalaki habang naglalakad sa pasilyo kasama ang dalawa nitong kaibigan.

Bigla ko na lamang natutop ang aking bibig kahit halatang nanunubig na ang aking mata. Awtomatiko akong napalingon sa katabi ko upang kumpirmahin kung ako talaga ang kausap niya. Tahimik naman ang lahat at diretsong nakatingin sa unahan maliban sa akin.

Nang lingunin ko ulit ang lalaki, lumagpas na ito sa tapat ng classroom namin. "Bilib na talaga ako sa 'yo, Colby," dinig kong wika ng isa sa mga kasama niya bago nag-apiran.

Napasimangot ako. "Ang yabang naman no'n," mataray kong saad.

Akala ko tuluyan na siyang naglaho ngunit nagulat ako nang bigla siyang bumalik. Tumambay pa talaga siya sa tapat mismo ng classroom namin kung saan mas buwelo niyang napagmasdan ang pagmumukha ko.

"Ang lakas naman niyang mang trip," bulong ko. Hindi ko ipinahalata sa kaniyang kanina pa nag-uusok ang ilong ko. Kita ko sa peripheral vision ko na nakatitig siya sa akin.

Noong mapasulyap ako sa kaniya, bigla na lamang niya akong kinawayan. Hindi ko siya pinansin. Nagkunwari na lang akong hindi ko siya nakikita.

Unang araw pa lang pero ito na kaagad ang bumungad sa akin. Base sa sticker ng ID na suot niya, nasa ikalawang taon na siya sa hayskul at ako naman ay first year pa lang. Sa isip-isip ko pa'y, "Nandito ako sa school para mag-aral hindi para lumandi."

Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang umalis siya kaagad. Ni wala sa hinagap ko na mayayakap ko pa siya noong uwian dahil bigla na lamang nagkatulakan ang mga kaklase ko habang papalabas kami sa classroom.

"Aray ko po!" sambit ko nang tumama ang aking ulo sa matigas na bagay. Ganoon na lamang ang pagkagitla ko nang iangat ko ang aking mukha.

Kaagad akong napabitaw sa kaniya sabay sabing, "Pasensiya na Kuya, hindi ko talaga sinasadya."

Tinawanan lang niya ako bago sinabing, "Okay lang. At least sa akin ka sumubsob kaysa sa riyan sa sahig. Mas masakit 'yon."

Sa sobrang hiya ko, bigla na lamang akong kumaripas ng takbo palabas sa gate at kaagad na nag-abang ng sasakyan pauwi.

Akala ko roon na nagtatapos ang mala-Wattpad naming eksena ngunit nagkamali ako. Iyon pala ang simula— ang simula ng kabanatang kaming dalawa ang magiging bida.

Sa unang pagkakataon, hinayaan kong isulat ng tinta kung paano niya napukaw ang nahihimbing kong puso.


♡♡♡

Tinta, Luha, at Ikaw [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon