"Ano ba talaga ang kailangan mo sa akin????!!!!" nanginginig na ang batang si Mary Kate habang sumisigaw. "Tama na......"
Mula sa kanyang kinauupuan, habang ang tanging liwanag ng buwan ang siyang nagbibigay ng liwanag sa kanyang buong kwarto ay aninag nito ang isang nilalang, nakatayo habang pinagmamasdan siya. Ilang saglit pa ay humakbang ito ng isang beses paatras patungo sa kadiliman, at kitang kita niya na ngumiti ito.... Ngiti ng parang isang demonyo.
****************
Huminto ang isang puting kotse sa isang hindi kalakihang bahay sa labas ng siyudad. Bumaba ang isang doktor dito hawak ang isang kulay berdeng folder, binuklat ang hawak at saglit na tiningnan ang nakasulat dito bago pinagmasdan ang nasa harap na bahay. Gawa sa kahoy na animo'y hindi na napinturahan ng matagal athalatang niluma na ng panahon. Ang isang parte ng bubong ay nakaangat, na parang hinihintay na lang ng malakas na hangin para liparin. Tiningnan niya ulit ang nasa folder na isang profile data ng isang bata.
"Mary Kate Olivar....." mahinang sabi niya. Sa litrato nito ay kapansin-pansin ang namumugtong mga mata, ang kutis ay maputla at tuyo ang mga labi. May mga pasa rin ito sa ibang bahagi ng katawan. Hindi angkop sa edad nitong labindalawang taong gulang ang katawan nitong payat. Nguni tang pinakanapansin niya sa lahat ay bakas sa mukha nito ang matinding kalungkutan at takot.
Nang ibigay kay Dr. Jimenez ang kaso ay hindi na siya nakatanggi. Dahil siya ang pinakamagaling na child psychiatrist at doctor sa institusyon nila at humahawak ng mga mabibigat na problema ay umaasa ang lahat na siya ang makakadiskubre sa tunay na problema ng bata. Bago siya humakbang papasok sa bakuran ay binasa niya muli ang mga paunang diagnosis. Pinag-aralan na niya ito ng nakaraang gabi subalit kailangan pa niya ng mas detalyeng eksplanasyon kaya pupuntahan niya ang pasyente. Sinasabi sa report na pagkakaroon ng insomnia at extreme hallucination. Idinaan na sa maraming test subalit hindi naman ito nagpositibo sa droga at walang ibang sakit ito.
Nagsimula na siyang maglakad at marahang kumatok sa pintong parang tutumba na kapag kinatok ng malakas. Sumilip ang isang babaeng kamukha ng nasa litrato.
"Dr. Jimenez?" tanong ng babaeng malat ang boses.
Ngumiti siya at tumango. Patuloy na siyang pinagbuksan ng babae. Halata sa hitsura nito ang hirap na dinadanas sa buhay.
"Mrs. Olivar, napari——"
"Tulungan n'yo po ang anak ko dok, hindi ko na po alam ang gagawin sa kanya dok." Naiiyak nitong sabi, sapo ng dalawang palad ang mukha. Napaupo sa silyang kahoy na walang sandalan at tuluyan na itong lumuha. Dama ni Dr. Jimenez ang hirap ng kalooban na nararamdaman ng nanay. Tulad ng ibang mga magulang na may problema sa anak ay alam niya kung gaano ito kasakit.
Lumapit siya dito at tinapik tapik ang balikat. Ilang sandali pa ay napansin niya ang isang kwarto. Marahil ay dito na mismo naglalagi ang kliyente. Hindi na siya nagtanong at nagpaalam pa, dumiretso na siya at dahan-dahang pumasok sa loob. Pumasok agad sa ilong niya ang mapanghing amoy. Nakita niya ang bata na nakatalikod at nakatayo malapit sa bintana.
Saglit na pinagmasdan ang buong paligid. Nakabukas ang kabinet at mga sulong ng kahoy na drawer sa gawing kaliwa at nakakalat ang mga damit sa sahig. May maliit na papag na nakalagay sa harap ng kabinet. Nakakapagtaka na mas malaki pa ang kwarto kaysa sa sala.
Hahakbang na sana siya papalapit nang biglang magsalita ang bata ng hindi siya nililingon. "Naparito kalang ba para kuwestyunin ang pagkatao ko?"
Napahinto siya. Nabigla siya sa tinanong ng bata kaya hindi agad siya nakapagsalita. Hindi niya sinagot ang tanong nito.
"Halika ka rito, mag-usap tayo."sabi ni Dr. Jimenez.
"Kung hindi mo ako matutulungan tulad ng iba, sinasayang mo lang ang oras mo dok."
Sa batang edad nito ay parang matanda na ito kung makipag-usap sa kanya. "Gagawin ko ang lahat para matulungan kita."
"'Yan din ang sinabi nung ibang doktor na pumunta rito. Naniwala naman ako, pero wala din naman nangyari. Niloko lang nila ako. Paulit-ulit lang, nakakasawa.... nakakapagod...."
"Magaling akong doktor, gagawin ko ang lahat para matulungan kita Mary Kate."
"Ayoko nun...."
Naguluhan ang doktor. "Ayaw mo ng ano?"
"Huwag mo akong tawagin sa ganoong pangalan."
"Ah.. okay sige, anong gusto mong itawag ko sa'yo?"
"Kat." Sabi nito at ipinakita sa kanya ang isang papel na may nakasulat ng gusto nitong itawag sa kanya. Ngunit hindi pa rin lumilingon ang bata.
"Magandang palayaw yan, bakit naman Kat?"
"Kasi paborito ko ang pusa."
"Hindi pa dapat C imbes na K?"
Tumawa ang bata. "Alam ko 'yan dok. Hindi ako tanga. Nag-aral naman ako. Pero pareho lamang sila ng bigkas diba?"
Hindi na naman nakapagsalita ang doktor. Alam niyang mahaba pa ang kanilang pag-uusap at makakahanap pa rin ito ng mga pambabara laban sa kanya. Matalinong bata, nasabi niya sa sarili.
Sa puntong 'yon ay humarap na ang bata sa kanya. Walang pinagkaiba ang hitsura nito sa litrato at sa personal subalit ang napansin niya ay may marami itong galos sa mukha at mga braso. Umupo ito sa gilid ng kama at humarap sa kanya. Magulo ang buhok nito na halatang matagal ng hindi sinusuklay. Nanlilimahid ng dumi ang suot nitong tshirt na may nakaburdang larawan ng isang pusa. Ang maikli nitong shorts ay basa na ng ihi. Sinenyasan siya nito na umupo rin. Hinila ni Dr. Jimenez ang isang silya malapit sa kanya at umupo sa harap nito.
Saglit na napatingin si Kat sa gawing likuran niya at napansin nito ng doktor. Nakita niyang medyo nanlaki ang mata ng bata, banaag ang takot at kalungkutan sa mga mata. Lumingon siya subalit wala naman siyang nakita pero ramdam niya ang biglaang paglamig ng hangin sa may pwesto niya. Dahil sa kyuryosidad ay nagdesisyon siyang ilihis ng kaunti ang upuan para habang kausap si Kat ay makita rin niya ang tinitingnan ng bata.
"Wala na siya.." biglaang sabi ng bata.
Naguluhan agad siya. "Sinong siya?" tanong niya agad.
Hindi umimik ang bata at imbes ay kinuha ang dulo ng suot na damit at pinunasan ang namamawis na leeg at mukha.
BINABASA MO ANG
The Case of Mary Kate Olivar
Mystery / Thriller1ST CASE of "THE CASE" SERIES Isang panibagong kliyente ang panghahawakan ng child psychologist na si Dr. Alfred Jimenez. Pero sa lahat ng pinanghawakan niya, ang kaso ni Mary Kate ang kakaiba.... isang kasong tunay na mag-iiba ng kanyang mundo. Tot...