BALISA ako buong araw. Bawat tunog ng wind chimes na nakasabit sa pinto ay nagmamadali akong silipin kung si Wayan ba ang dumating. Panay din ang tingin ko sa puno ng mangga na lagi nyang tinatambayan kapag nagbabantay lang sya o nagmamasid sa paligid.
"Ate!" Tawag sa akin ng isang dalaga na kapapasok lang. May kasama syang dalawa pang babae na mas matangkad sa kanya.
Namumukhaan ko sila dahil regular customers namin sila.
"Nasaan 'yong matangkad na lalaki dito na crew nyo? 'Yong gwapo. Parang hindi na namin sya nakikita." Nakangiting tanong nya.
"Oo nga, ate. Parang ilang araw na syang wala eh." Sabi nung isa pa.
Tama sila. Tatlong araw na mula noong umalis si Wayan. Posible bang hindi na sya bumalik? Hindi ko alam ang isasagot dahil abala ako sa sariling pag-iisip, mabuti na lang at mabilis na sumingit si Misha.
"Makikita nyo sya ulit kapag magaling na sya!" Masiglang sabi ni Misha. Sinenyasan nya akong bumalik sa counter.
"Ahhh, may sakit pala sya." Sabi ng mga babae. Makikitang nalungkot ang mga mukha nila. Tumango si Misha.
Hindi ko na alam kung ano pa ang mga pinag-usapan nila dahil hindi ko na sila inintindi.
"You okay?" Tanong sa akin ni sir Asher nang makita nya kong tulala.
Mabilis akong tumango at ngumiti. Tinapik lang nya ang balikat ko tapos ay naglakad papunta kay Matt na noon ay nagpupunas ng salamin na pader. Nakita kong may inabot syang papel kay Matt. Tumango si Matt at kinuha ang papel kay sir Asher.
Dinikit nya iyon sa may pintuan. Hiring: service crew.
Nang makauwi sa bahay ay hindi ako mapakali. Iniisip ko pa din ang mga posibleng dahilan ng pag-alis ni Wayan nang biglaan. Pwede naman syang magpakita ng saglit sa akin at magpaalam, pero nag-iwan lang sya ng note at wala man kahit anong salita ang nandoon.
Ibig sabihin ay nagmamadali syang umalis. Pero bakit?
Napahigit ako ng hininga nang ma-unawaan ang nangyari.
May nangyayari sa Vadronia.
Tama! Miyembro ng hukbo si Wayan. Kung may nangyayari man sa kaharian at kailanganin ang buong hukbo ibig sabihin... may pagsugod na nangyari? May giyera?
Nagmadali akong lumabas ng bahay at hinanap ang tinago kong kahoy na susi sa isa sa mga paso na naroon. Mabilis ko naman nahanap 'yon. Hinagis ko ito sa hangin sabay sapo sa dibdib ko.
"Aperi cuniculum Vadronia." Pagbitaw ko ng salita ay lumabas ang mahabang pasilyo na nag-durugtong sa lupa ng mga tao at engkanto.
Ilang sandali pa akong natulala doon. Pagkatapos ng higit isang daang taon ay ngayon lang ulit ako papasok sa lagusan na ito. Tama ba itong gagawin ko? Unti-unti nang lumiliit ang lagusan, senyales na nagsasara ito.
Bahala na! Kailangan kong malaman kung ano ang nangyayari sa Vadronia, kung tama nga ang hinala ko. At isa pa, alam ko na kung paano bawiin ang sumpa kay Wayan at Ranaya. Tumango ako sa sarili ko. Kailangan kong gawin ito.
Tumapak ako sa loob ng lagusan at tuluyan nang sumara ito.
NAPAKATAHIMIK ng paligid pagdating ko sa Vadronia. Tanging mga huni ng mga ibon at kuliglig ang maririnig habang naglalakad ako. Napatingin ako sa paanan ko nang mapa-tapak ako sa maliit na baha ng tubig.
Napasinghap ako nang makita ang repleksyon ko doon.
Wala na ang kahit na anong suot ko galing sa lupa ng mga tao, sa halip ay nakasuot ako ng mahabang puting damit, putik-putik na ang laylayan nito. Suot ko din ang korona na gawa sa mga dahon, bulaklak at maliliit na sanga ng puno.
Ito ang suot ko nang gabing umalis ako sa Vadronia.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa matanaw ko na ang mataas na palasyo kung nasaan si ama at Ranaya. Palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko sa bawat hakbang ko. Para akong masusuka sa sobrang tensyon na nararamdaman ko.
Ano kaya ang magiging reaksyon ni ama kapag nakita ako? Magagalit ba sya? Palalayasin ako? Ipadadampot sa mga kawal para ipadala sa mga nakatatandang engkanto at hatulan?
"Ina, tulungan mo ko." Bulong ko sa hangin. Pagsambit ko ng mga salitang 'yon ay naramdaman ko ang mainit na hangin na pumalibot sa katawan ko.
Napatigil ako sa paglalakad. Naluluha ako, alam kong ginagabayan ako ni ina kahit nasaan sya. Nagpatuloy ako sa paglalakad.
Malapit na ako sa tarangkahan ng palasyo at mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko ang isang grupo ng mga kawal na nagbabantay sa labas. Sa tantya ko ay nasa dalawampu silang naroon. Seryoso silang nakatanaw sa malayo na para bang may inaasahan na kaaway. Pero nang makita nila ako ay nakita ko ang pagka-gulat sa mga mata nila.
Napansin kong biglang naglaho ang isa sa kanila at pagbalik ay kasama na si Xerxes, ang puno ng mga kawal. Sabay-sabay silang lumuhod nang tumigil ako sa harap nila.
"Prinsesa Ralna." Sambit ni Xerxes sa pangalan ko.
Tinapik ko ang kaliwa kong balikat papunta sa kanan at sabay-sabay silang tumayo.
"Tulad ng sinabi ni Wayan, nagbalik ka." Sabi nito. Agad na nagrambulan ang kung ano mang nararamdaman ko sa loob ko nang marinig ang pangalan ni Wayan.
"Nasaan sya?" Nag-aalalang tanong ko.
"Nasa loob ng palasyo." Magalang na sagot nito.
Nakahinga ako nang maluwag. Atleast alam kong ligtas pala syang nakabalik sa Vadronia.
"Ano ang nangyayari? Bakit tila may giyera na paparating?"
Natahimik sandali si Xerxes. Napansin ko din na wala sa mga kawal ang gustong tingnan ako sa mata.
"Ang mabuti pa ay sumama kayo sa akin sa loob, mahal na prinsesa." Sabi ni Xerxes.
Mabilis na bumukas ang tarangkahan ng palasyo at naglakad kami papasok sa loob.
Para akong binabawian ng hininga sa bawat hakbang ko. Napakalaki ng ipinagbago ng palasyo ng Vadronia. Kung noon ay punung-puno ng liwanag, mga namumulaklak na halaman, mga paru-parong lumilipad sa paligid, mga punong hitik sa bunga ngayon ay madilim at walang buhay.
Dahil ba sa akin?
Kinakain na naman ako ng aking konsensya. Pero hindi ako dapat magpatalo. Kailangan ko nang harapin ang mga ginawa ko.
"Ralna."
Narinig ko ang boses nya sa isip ko bago ko pa sya makita. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko si Wayan. Nakatayo sa tabi saradong pinto ng palasyo habang pinagmamasdan akong palapit sa kanya.
BINABASA MO ANG
Ralna: Engkanto Series 2
FantasyRalna was once the prettiest and the most powerful fairy in the kingdom of Vadronia. Pero nagbago ang lahat ng tumapak sya sa lupa ng mga tao para takasan ang ginawa nya sa kaharian nila. Namuhay sya ng tahimik kasama ng mga mortal na tao. She can d...