April 11, 2005
9 Years Earlier...
"Happy Birthday, Andres." Masayang pagbati ni Jerry sa dalawang taong gulang na bata na kalong ng kanyang asawa.
"Tom-Tom..." nakakatuwang boses ni Andres.
"Happy Birthday... Tom-Tom..." muling pagbati ni Jerry sa nakakatuwang si Andres.
"Hay naku, nasaan na kaya yang anak mo, Jerry?" Naiinip na puna ni Lorie.
Ilang sandali lang ay may pumasok sa pintuan.
"Lolaaa..." masayang bati ni Andres kay Perlita.
"Apo ko...Happy Birthday Tom-Tom." pagbati ni Perlita bago ito humalik kay Andres.
"Ano ba naman yan, Loreta. Nahirapan pa akong hanapin itong bagong bahay ninyo." Iritableng boses ni Perlita, ang nanay ni Lorie.
"Ma, mabuti po nakarating kayo." pagbati ni Jerry habang nagmamano, kasunod ang kanyang asawa.
"Kuya Sito, pasok ho kayo." sabi ni Lorie sa driver ni Perlita na nginitian at tinanguan naman nito.
"Bakit naman kasi di na lang kayo doon tumira sa mansyon, e wala naman akong kasama roon. Ang ate Eliza mo, ganon din, matatagalan pa raw bago magbakasyon... at ang kuya Danilo mo naman mukhang napikot ng bagong nobya, kung dalawin man ako halos isang beses lang sa isang buwan... Hay naku..." mahabang litanya ni Perlita.
"Lorie, saan ko ba ilalagay ito?" mahinang tanong ni Lusito.
"Idiretso niyo na ho yan sa kusina." tugon ni Lorie.
"Merriam, salubungin mo nga ang kuya Sito." pagtawag niya sa kanilang kasambahay.
"Ma, hayaan niyo na kami dito, isa pa magbebente anyos na si Jacinto, at ito may bunso pa kami." wika ni Lorie na tinanguan naman ni Jerry bilang pagsuporta.
"Hmmm! Baka ayaw lang ni Jerry" ekspresyon ni Perlita na tinawanan naman ng mag-asawa.
"O, Merriam akala ko ba'y nag-asawa ka na?" pagbati nito sa kasambahay nina Lorie na abala sa paghahanda ng pagkain.
"Naku, si ma'am talaga. E wala namang nagkakamali sa akin e." pabirong tugon nito.
"E ano bang ginagawa nitong si Lusito, e tumatanda nang binata." wika ni Perlita na tinawanan ng lahat.
"Nasaan na nga ba si Jacinto, nakalimutan ba niyang ngayon ang Birthday ni Andres." wika ni Jerry.
"Akin na nga muna yang apo ko..." paglalambing ni Perlita.
"Happy Birthday, apo." pagbati niya sa kalong niyang bata.
Pagkalipas ng halos dalawampung minuto ay dumating na ang kanina pa nilang hinihintay na si Jacinto.
"Lolaaaa..." bungad ni Jacinto sabay halik sa pisngi ng kanyang lola na si Perlita.
"Apo, saan ka ba galing at ngayon ka lang?" tuwang-tuwa na wika ni Perlita.
"Ma, Pa," pagbati niya kasabay ng pagmano sa kanyang mga magulang.
"Dumalaw po muna ako sa puntod ni Andrea." maikling tugon ni Jacinto kasama ang pilit na ngiti.
"Tom-Tom... Happy Birthday..." masayang pagbati ni Jacinto sa kanilang bunso.
"Akin ka muna Tom-Tom..." pagpapaalam kay Perlita.
"Naku anak, magbihis ka muna." wika ni Lorie.
"Sige po." tugon ni Jacinto at agad itong pumasok ng kanyang kwarto.
"E kumusta na ba yang anak mo? May nobya na ba yan? Parang di pa yata nakakalimutan ang dating nobya." pabulong na tanong ni Perlita sa mag-asawa, na ang tinutukoy ay si Andrea na isang taon nang namayapa.
