Persona Non Grata

316 19 3
                                    

PERSONA NON GRATA | Draven Black

SA BAGONG nobela na sinusulat ni Mark Lapena, isang lalaki ang hinahabol umano ng mga kakaibang nilalang sa panaginip nito. Pinahirapan daw ito, sinaktan, binugbog. At nang magising ito, laking gulat ng lalaki dahil naiwan sa katawan nito ang bakas ng pambubugbog ng mga ito.

Punong-puno ng enerhiya si Mark habang sinusulat ang kuwentong iyon. Balak niya itong ilimbag sa isang publishing house kapag natapos. Ito na siguro ang magiging pinakamatinding horror novel na magagawa niya.

Kilala siya bilang Father of Horror Stories ng bansang Maharlika. Dalawampung libro na ang nailimbag niya na nagbigay ng bangungot sa marami. Sampu sa mga ito ay nagkaroon pa ng movie adaptation.

Katunayan nga, itong bagong kuwento na sinusulat niya ay isang metaphor tungkol sa bagong halal na pangulo ng bansa na si Manuel Dizon.

Kabilang lamang si Mark sa mga taong patuloy na nagpoprotesta at hindi matanggap ang resulta ng eleksyon na nagsilbing boses ng taumbayan sa kung sino ang gusto nilang maging pinuno. Naging presidente rin noon ang tatay nito na nakilala dahil sa pagdulot nito ng pinakamatinding korapsyon noong kapanahunan nito. Marami ang naghirap, nagutom, naabuso at napatay dahil sa mga maling batas na naipatupad.

Kaya naman natatakot siya na baka maulit ang nangyari sa kasaysayan kapag ito ang nanalo. Hindi niya akalaing magiging landslide pa ito sa naganap na botohan. Ilang beses pang inimbestigahan ang pagbilang sa botohan ngunit lumalabas na walang pandarayang naganap. Talagang ito ang tunay na ibinoto ng milyun-milyong Maharlikano sa bansa.

Maraming nag-rant sa online. Karamihan ay tulad niyang hindi rin tanggap ang naging resulta ng eleksyon. Ngunit siya ay piniling huwag na lang makisali. Sa halip ay idinaan na lang niya sa pagsusulat ng nobela ang galit at opinyon niya sa mga nangyayari sa paligid.

Si Mark, tahimik lang. Pero sumisigaw ang gawa. Para makapagbahagi ng kaalaman sa buong bansa. Si Mark, masipag 'yan. Nakakatapos ng nobela. Kahit may writer's block pa. Sa paraang ito, mas malaya niyang naipapahayag ang kanyang mga saloobin nang hindi direktang pinatatamaan ang kanyang mga kalaban.

Inabot ng mahigit dalawang oras si Mark bago natapos ang ikalimang kabanata ng nobela niya. Balak niya itong paabutin ng hanggang dalawampung kabanata. Marami siyang naiisip na idea para mapahaba ang kuwento.

Ngunit naisipan niyang magpahinga muna. Nagtimpla siya ng juice at binuksan ang TV. Tulad ng kanyang inaasahan, tungkol na naman kay Manuel Dizon ang laman ng mga balita. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tinitigil ang pagbabalita sa pagkapanalo nito. Sawang-sawa na itong marinig ang balitang iyon.

Naisipan niyang ilipat ang channel. Nanuod na lang muna siya ng tagalized movie habang hinihintay na matapos ang balita tungkol sa bagong presidente.

Sa kalagitnaan ng panonood ay biglang may bumato sa bintana niya. Nabasag tuloy iyon. Galit na tumayo si Mark at sumilip sa labas. May mga tao sa paligid pero hindi niya alam kung sino roon ang puwedeng bumato.

May mga vendor sa gilid, may mga tricycle naman sa kabila, may mga taong nakatambay sa isang tindahan at may mga tao ring naglalakad. Umagaw pa sa pansin niya ang isang lalaking unano na tila hirap maglakad sa dami ng dala-dalang mga gamit.

Hindi niya alam kung sino ang pagbibintangan doon. Wala rin naman siyang nakitang mga batang naglalaro na puwedeng maging suspect sa pagbabato sa bintana niya.

Hinayaan na lang niya ito. Bukas ay balak niyang bumili ng CCTV camera na ilalagay sa labas. Inisip niyang baka nagmamasid sa paligid ang isa sa mga taong may galit sa kanya dahil sa kanyang mga panulat. Hindi na rin naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na isa siya sa mga bumabatikos sa gobyerno sa pamamagitan ng kanyang mga nobela.

The Nightmare Within [Horror Stories Collection]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon