Do You Believe in Humans?

228 15 1
                                    

DO YOU BELIEVE IN HUMANS? | Draven Black

"NANINIWALA ka ba sa tao?" tanong ni Adamus sa kaibigang si Harculo habang nakatanaw sa malamlam na kalangitan.

"Siyempre naman," mabilis na sagot ng lalaki. "Pagdating ng itinakda nating panahon, doon din tayo mapupunta."

"Paano kung hindi pala totoo ang konsepto ng langit? Paano kung wala naman talagang panibagong buhay oras na maglaho tayo sa mundo?"

"Alam mo, masyado ka na namang nabababad sa pagbabasa mo ng libro tungkol sa mga tao. Mabuti pa, samahan mo na lang ako at kumain tayo."

Nagpatuloy sila sa paglalakad at naghanap ng pinakamalapit na kainan. Bumili sila ng buhangin at iyon ang isinawsaw nila sa itim na sabaw.

Sila ay nasa kabaligtarang mundo kung saan puro mga multo ang nabubuhay. Sa kanilang mundo, matagal nang pinagdedebatihan kung totoo nga bang may tao.

Ayon sa nakalakihan nilang pilosopiya, oras na maglaho na raw sa mundo ang isang multo, ito ay iaangat ng dakilang lumikha sa langit para maging tao. At oras na maging tao raw sila, magkakaroon sila ng panibagong buhay sa isang mundo na malayo sa nakagisnan nilang mundo.

Ngunit magagawa lamang daw nila iyon kung may naidulot silang sapat na kabutihan sa mundo. Dahil kapag naglaho silang puno ng kasalanan, sila ay magiging hayop at dadalhin naman sa ibabang mundo na puno ng lungkot at pagdurusa.

Ang isa pang paniniwala sa kanilang pilosopiya ay may mga tao na raw na naninirahan sa ibang bahagi ng dimension. Subalit lubhang napakalayo niyon para maabot o mapuntahan nila.

Naniniwala kasi ang kanilang mga eksperto na hindi lang sila ang tanging mga nilalang na naninirahan dito sa kalawakan.

Maaaring sa ibang bahagi ng napakalawak na dimension o kalawakan ay may iba pang nilalang na maaaring may buhay din gaya nila pero hindi nga lang katulad nila. At maaaring iyon mismo ang mga tao.

Ayon naman sa mga lumang libro sa kanilang kasaysayan, ang tao ay may pagkakahawig daw sa kanilang mga multo. Ang pinagkaiba lang ay wala raw itong kakayahang lumipad, tumagos sa pader o sumisid sa pinakamalalim na bahagi ng tubig gaya ng nagagawa nila.

Limitado lang daw ang kakayahan ng mga tao. Ngunit ang kagandahan sa kanila ay maaari silang mabuhay sa mundo ng hanggang 80 o 90 na taon. O higit pa. Hindi gaya nilang mga multo na nasa 30 to 40 years lang ang life span.

Kaya nga marami sa kanila ang naghahangad na maging tao pagdating ng panahon upang maranasan nila ang sinasabing mas mahabang buhay.

Isa si Adamus sa mga simpleng multo na pinag-aaralan ang history ng tao. Ginugugol niya ang lahat ng oras ngayon para tukuyin kung tunay nga ba ang konsepto ng tao at kung doon ba talaga sila mapupunta oras na mawala na ang buhay nila.

Pagkatapos kumain ng dalawa sa kainang iyon, lumipad sila at nagtungo naman sa banal na tulay. Doon sila naglakad-lakad habang ipinagpapatuloy ang usapan.

"Alam mo, kung may kapangyarihan tayong makalipad o makapunta sa ibang bahagi ng kalawakan, bakit hindi pa rin tayo nakakapunta sa mundo ng mga tao? O bakit wala pa ring tao na nasisilayan sa mga kalawakan na kaya nating libutin?" tanong muli ni Adamus sa kasama.

"Sabi nila, ang dakilang lumikha lang daw ang may kakayahang gawin iyon. Siya ang lumikha sa ating mga multo. Siya lang din ang may kakayahan para gawin tayong tao, o kung karapat-dapat ba tayong maging tao sa susunod nating buhay."

"Pero ikaw ba, naniniwala ka rin ba sa dakilang lumikha? Meron ba talagang ibang nilalang na mas makapangyarihan pa sa atin?"

"Ano ka ba naman! Naniniwala ako na mayroong dakilang lumikha! Dahil lahat ng mga bagay at dimensyong nakikita mo ngayon ay hindi mabubuo kung wala siya. Lahat ng tinatapakan nating ito ay galing sa kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Bakit mo naman pinagdududahan ang kanyang kakayahan?"

The Nightmare Within [Horror Stories Collection]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon