Big Bad Mouth

170 14 0
                                    

BIG BAD MOUTH | Draven Black

MAY NALIGAW na pusa sa bakuran nina Aling Tesang. Bigla itong nagulantang nang lumabas sa pinto at sumugod ang isang German Shepherd. Bago pa ito nakatakas ay nasagpag na ito ng agresibong aso.

Lutay-lutay na ang katawan ng pusa nang abutan ito ni Gerald. Kasalukuyan na itong nilalapa ng alaga niyang aso. Normal na sa paningin ni Gerald ang senaryong iyon. Maliit pa lang kasi ang aso ay sinanay na niya itong lumapa ng tao at ibang hayop na hindi nila kasundo.

Tanging siya at ang mga kasama lang niya sa bahay ang kinikilala nitong pamilya. Matinding training ang ibinigay dito ni Gerald para maging cannibal at agresibo pa sa inaakala ang kanyang German Shepherd pagdating sa ibang tao o hayop.

Kung tatanungin siya kung bakit, matindi kasi ang galit niya sa mundo. At ang galit na ito ang nagtulak sa kanya para turuan ding magalit sa mundo ang kanyang aso.

Galit siya dahil basura kung iturin siya ng sariling pamilya. Minamaltrato siya ng ama, tinuturuan siyang magbisyo ng ina, at hindi siya kasundo ng mga kapatid. Wala siyang ibang kakampi sa bahay kundi ang aso niya.

Bukod dito, hindi rin niya matanggap na ampon lang siya ng mga ito. Okay lang naman sana sa kanya na maging ampon siya. Pero bakit ang mga ito pa ang nakapulot sa kanya? At nasaan na ang tunay na mga magulang niya?

Ang mga bagay na ito ang isa pa sa nagpapadagdag sa kanyang galit sa mundo. Hindi na nga niya nasilayan ang totoong mga magulang, hindi pa siya binigyan ng pagmamahal ng mga magulang na kumupkop sa kanya.

Mula nang magkaisip na siya sa mundo, sa kanya na lagi ibinabagsak ang trabaho. Habang nasa inuman ang kanyang ama at nasa sugalan ang kanyang ina, siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay.

Habang nag-aaral ang mga kapatid niya, siya ay maaga nang nagtatrabaho para buhayin ang sarili. Lalo na't madalas ay hindi na rin siya pinapakain nang mabuti. Kaya ang kakaunting kinikita niya sa pangangalakal at sa mga sideline sa palengke ang pinangpapakain niya sa sarili niya.

Madalas din ay sa labas na siya kumakain dahil hindi naman siya iniimbitang kumain sa loob. Ni hindi nga siya binibigyan ng sariling pinggan at baso. Pati unan ay wala siya. Ang sira-sirang bag lang niya ang nagsisilbing sapin niya sa ulo tuwing matutulog.


Buti na lang ay nakapulot siya ng aso noong binatilyo na siya. Dito niya ibinuhos ang lahat ng pagmamahal na alam niya.

Noong una ay itinataboy din ito sa bahay ng pamilya niya. Pero nang malaman nilang may pakinabang ito laban sa mga magnanakaw at akyat-bahay, pinayagan na rin itong tumira sa kanila.

Kung ang mga ito ay ginagawa lang tagabantay ng bahay ang kanyang alaga, siya naman ay itinuturin niya itong pamilya, kaibigan, kapatid, lahat-lahat na. Ito ang nagsisilbing mundo niya. At siya rin ang nagsisilbing mundo nito.

Silang dalawa lang ang nagkakaintindihan. Kahit hindi nakakapagsalita ang kanyang aso, alam na alam nito ang kanyang emosyon. Ito lang din ang nagpapasaya sa kanya ngayon.

Kung tutuusin, puwede rin niyang ipakagat at ipakain ang sarili niyang pamilya pero hindi niya ginawa. Kahit ganoon ang turin ng mga ito sa kanya ay tinatanaw pa rin niya bilang utang na loob ang pagpapalaki nito sa kanya.

Ang mahalaga ay hindi siya minaltrato ng mga ito noong wala pa siyang malay sa mundo. Iyon lang ang pumipigil sa kanya na saktan ang sariling pamilya gamit ang kanyang aso. May araw din ang mga ito. Naghihintay lang siya ng tamang pagkakataon.

Isang gabi iyon nang makauwi si Gerald sa bahay. Agad nagwala sa kulungan ang kanyang asong sabik na sabik sa kanya. Pinakawalan niya ito at inilapag ang binili niyang pagkain para dito. Karamihan doon ay mga hilaw na karneng may dugo-dugo pa.

The Nightmare Within [Horror Stories Collection]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon