Hell Elevator

166 11 0
                                    

HELL ELEVATOR | Draven Black

HINDI na alintana ni Puroy ang mga paninda sa palengke na nasagi niya habang kumakaripas ng takbo. Ang mahalaga ay matakasan niya ang mga pulis na kanina pa humahabol sa kanya.

Matagal nang wanted sa batas si Puroy dahil sa patung-patong na kaso kabilang na ang pagnanakaw, panggagahasa at pagbebenta ng bawal na gamot.

Ngayon ay wala na siyang malalapitan. Lahat ng mga kakilala at kamag-anak niya ay umiiwas na sa kanya. Pati ang mga kasamahan niya sa illegal na mga gawain ay nilaglag na rin siya.

Dumating na ang araw na hindi niya inaasahan, kung saan bigla na lang mang-iiwan sa ere ang lahat ng mga taong inaakala niya'y mapagkakatiwalaan.

Wala na siyang kailangang gawin kundi ang tumakas, magtago at tumakbo. Isang buwan din siyang nagtago rito sa Maynila bago may nakakilala sa kanya at isinuplong sa mga pulis.

Dahil sa panlalaban niya kanina, napilitan na ang mga ito na paputukan siya ng baril. Mabuti na lamang at mabilis siyang kumilos kaya hindi pa rin siya natatamaan. Pero nanganganib pa rin ang buhay niya.

Hinding-hindi siya papayag na makulong. Kapag nangyari iyon, para na rin siyang nagpatalo sa laban. Iyon pa naman ang pinakaayaw niyang mangyari sa kanya—ang matalo. Kaya naman kahit wala nang pag-asa ang buhay niya, pinipilit pa rin niyang lumaban para lang magmukhang panalo, kahit pa sa illegal na paraan.

Isang abandonadong gusali ang nadaanan niya habang tumatakbo. Dito niya naisipang lumiko upang iligaw ang mga pulis. Luminga-linga siya sa paligid. Wala siyang ibang nakita roon kundi mga sirang pinto, bintana at isang elevator sa bandang gitna. Nagtaka pa siya dahil umiilaw pa ang pindutan nito. Nangangahulugang gumagana pa iyon.

May hagdan din sa bandang kaliwa ngunit wasak-wasak na ito at malabo nang madaanan. Puro mga alikabok at sapot na lang ng gagamba ang namamahay sa loob. Kahit isang gamit na magpapatunay na dating inookupa iyon ng tao ay wala.

Tamang-tama lang ang gusaling ito. Puwede niya itong pagtaguan ng ilang araw habang nag-iisip kung saang lugar naman siya lilipat. Habang naghahanap ng puwesto na mapagtataguan doon ay bigla niyang narinig ang sasakyan ng mga pulis.

Laking gulat niya dahil nasa harapan na ng gusali ang mga ito. Hindi niya inakalang nasundan pa pala siya kahit ang bilis na ng itinakbo niya kanina.

Sobrang bilis din kumilos ng mga ito. Agad nilang pinalibutan ang gusali at tatlo sa kanila ang pumasok para hulihin siya.

Sa pagkakataong iyon wala na siyang matatakasan. Napilitan siyang pindutin ang button ng elevator hanggang sa magbukas ito. Mabilis siyang pumasok sa loob at pinindot ang magpapasara sa pinto.

Nakita niya ang reaksyon ng mga pulis. Tila gulat na gulat ang mga ito sa ginawa niya. Nagtaka nga siya kung bakit hindi man lang nagpaputok ang mga ito kaninang bukas pa ang pinto ng elevator. Pagkakataon na sana nila iyon para mapatay siya pero hindi nila ginawa.

Ano kaya ang dahilan? Wala nang oras si Puroy para alamin pa. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makapagtago sa mga ito. Habang umaakyat ang elevator ay nag-iisip na siya ng susunod na hakbang. Napalingon siya sa kanyang likuran kung saan may transparent na salamin kaya nakikita niya ang nasa labas niyon. Doon siya humarap at nag-isip.

Balak niyang tumalon na lang sa ikalawang palapag para iligaw muli ang mga ito. Marami pa naman siyang matatakbuhan sa labas. Kung tutuusin hindi na niya kailangang sumakay pa rito sa elevator para lang umakyat at sa taas tumalon. Dahil sa paligid pa lang ay marami nang butas ang mga pader na puwede niyang lusutan. Siguro ay napangunahan lang siya ng kaba kanina kaya hindi na alam ang ginagawa.

The Nightmare Within [Horror Stories Collection]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon