MANLALAWAY | Draven Black
KANINA pa napapansin ni Esmeralda ang anak na panay-silip sa labas. Alam na niya ang dahilan. Kaya nga hindi siya masaya.
"Anak, ba't ba pabalik-balik ka d'yan? Mamaya pa darating 'yon! Tumulong ka muna rito sa gawaing kusina!"
"Mamaya na po, Nay! Parating na po siya andito na 'yung motor niya," sagot naman ng kanyang anak.
Kikitain muli ng anak niyang si Karina ang nobyo nito. Palibhasa ngayon lang naranasan ng babae na umibig kaya halos mabaliw-baliw ito sa lalaking iyon.
Hindi naman niya binabawalan umibig ang anak, lalo na't nasa hustong edad na rin naman ito. Ngunit ang problema ay wala siyang tiwala sa lalaki na ayon dito ay Leomord ang pangalan.
Unang kita pa lang kasi niya rito, halatang may itinatago ang lalaki na hindi niya magugustuhan. Bukod dito, may kapansanan din ang kanyang anak.
Pinanganak na unano si Karina, kaya isa pa itong dahilan kung bakit hindi siya naniniwalang minamahal talaga ito ng lalaking iyon. Sa tingin niya, pera lang ang habol nito kay Karina, lalo na't hindi na bago sa lahat na successful ito sa buhay dahil sa negosyo.
Ayaw lang niyang masaktan ang anak kaya minsan ay nasusungitan niya ang nobyo nito.
Nahinto siya sa paghihiwa ng mga gulay nang marinig ang tunog ng motor sa labas. Paglingon niya, nandoon na nga si Leomord. Kaya naman ang munti niyang anak ay naglululundag na naman sa tuwa.
Palihim niyang pinagmasdan ang dalawa. Halos masuka-suka siya kung paano maglambing ang lalaki sa kanyang anak. Kasing lambot ng plastic ang mga haplos nito. Pakitang tao. Halatang hindi totoo.
Kung puwede lang sana niyang pikunin at komprontahin ito para malaman niya kung paano sumagot, pero ayaw lang niyang mag-away muli sila ng anak.
"Mama, aalis na po kami. Bye po!" paalam sa kanya ng babae, saka ito binuhat ng nobyo at isinakay sa likod nito.
"Bakit magmo-motor kayo? Baka mahulog ka pa!" Napalabas siya nang hindi oras."Huwag po kayong mag-alala. Protektado ko po ang anak n'yo. Hindi siya mahuhulog, dadahan-dahanin ko ang pagmamaneho," nakangiting sagot sa kanya ni Leomord.
Hindi niya nagustuhan ang tono ng pananalita nito. Parang may pagkasarkastiko, hindi katiwa-tiwala ang mga salita.
"Bakit hindi na lang kayo sumakay ng jeep o ng bus sa kung anuman ang pupuntahan n'yo, at iwan mo na lang muna rito ang motor mo? Hindi mo masisigurado na walang mangyayari sa anak ko. Kita mo naman ang kalagayan niya 'di ba?"
"Huwag po kayong mag-alala, Mother. Dati na pong umaakas sa motor ko si Karina. Hindi ko po siya pababayaan," confident nitong sagot.
Nais pa sana niyang pagsabihan ang lalaki pero bumalakid na si Karina. "Mama, okay lang po ako. Sanay na ako rito sa likod. Don't worry about me po, I will be fine."
Hindi na nga lang siya sumagot. Tinalikuran na lang niya ang mga ito at binalikan ang ginagawa sa kusina. Di rin nagtagal ay narinig na niyang umandar ang motor at tumakbo palayo.
Sa di kalayuan ay may isang lalaking kuba na nakatanaw. Kumatok ito sa pinto nina Esmeralda.
"Oh, nand'yan ka pala Terizla," bati ni Esmeralda rito at hinayaan nang makapasok ang lalaki sa loob ng kanyang bahay.
Bukod sa malaking bukol sa likod ay bulag din ang kabilang mata ng lalaki. Isa ito sa mga kapitbahay na lubos niyang pinagkakatiwalaan. Magkababayan kasi sila sa probinsiya niya sa Capiz.
"Umalis ba ang anak mo?" tanong nito agad sa kanya.""Naku, oo. Kasama 'yung nobyo niya."
"Hindi maganda ang naaamoy ko sa lalaking iyon."
BINABASA MO ANG
The Nightmare Within [Horror Stories Collection]
HorrorMga istoryang magbibigay sa 'yo ng malagim na bangungot gabi-gabi.