Ikalawang Kabanata: Ang Babae sa Gubat
"Hmmm... Hmmm... Hmmm..."
Isang nakatutuwang himig ang kanyang inaawit habang naliligo sa batis na katabi ng isang luma at abandonadong bahay. Sinasabayan sya ng mga ibon sa paligid. Niyayakap ng malamig na hangin ang kanyang maputi at mala-sutlang balat. Nararamdaman nya ang tilamsik ng tubig mula sa mababang talon na nasa dulo ng batis na kanyang pinagliliguan.
Ilang minuto rin syang nagtagal doon at umahon na rin. Tumutulo ang tubig mula sa kanyang basang katawan. Lalo nyang naramdaman ang lamig ng hangin dahil wala syang kahit anong saplot. Hindi man lang sya nag-aalalang baka may makakita sa kanyang ibang tao na naglalakad nang nakahubo pabalik sa loob ng kanyang tirahan.
Matagal na syang naninirahan sa lugar na iyon nang mag-isa lamang. Hindi sya nakararamdam ng lungkot dahil sa pag-iisa. Dahil para sa kanya, kahit kailan ay hindi sya napag-isa. Hindi kailanman.
Inakyat nya ang ikalawang palapag ng abandonadong bahay. Hinayaan nyang tuyuin ng hangin ang kanyang buong katawan. Tumatagos sa bawat butas ng dingding at bubong ang liwanag na nanggagaling sa araw. Huminto sya sa harap ng isang malaking salamin sa dulo ng malawak na ikalawang palapag. Tinignan nya ang kanyang buong katawan sa salamin.
Hinawakan nya ang kanyang mukha. Pinababa nya ang kamay sa leeg, papuntang dibdib.
Sinundan ng kanyang daliri ang linya ng isang malaking peklat na gawa ng isang hiwang hindi nya malimutan kung paano ginawa.
Isang matipid na ngiti ang ibinigay nya sa sarili at kinuha ang isang puting damit na nakasabit sa gilid ng salamin.
May isang bagay syang pilit na inaalala kahit na gusto na nyang kalimutan. May isang tao syang ayaw nang alalahanin ngunit iniiwasan nyang makalimutan.
Nais nyang magkita uli silang dalawa.
Nais nyang mayakap uli ito...
Makasamang mabuhay...
Hindi na sya iwang mag-isa...
Ngunit kapag naaalala nya ang mga ganoong bagay ay hindi nya maiwasang hindi isipin ang lungkot na idinulot nito sa kanya.
Gusto nyang makita itong muli dahil...
Gusto nyang makaganti.
At ang markang idinulot nito sa kanyang puso't katawan ay nangangahulugang naghihilom ang lahat ng sugat ngunit mag-iiwan at mag-iiwan pa rin ito ng palatandaan na kahapong kamalian.
BINABASA MO ANG
Aspasia
Mystery / ThrillerSa kagubatan kung saan sya nananahan, nakatago ang mga bagay na hindi na natatarok ng sinuman. Isang estranghero ang siya'y matatagpuan. Isang estranghero ang maaakit sa kanyang kagandahan. Ngunit ang lahat ay may lihim na ikinukubli. At sa likod n...