KABANATA II

16 2 0
                                    

Nakaupo kami ngayon sa isa sa mga upuan sa ilalim ng malaking puno. Nagpapalipas ng oras para sa susunod naming class. Kasama ko ang dalawa kong kaibigan na sina Dani at Dana, identical twins silang dalawa. Iba kasi ang schedule ko sa kanilang dalawa. Wala rin silang panggabing klase, hindi tulad ko.

“Okay ka lang ba, Andy?”

Tanong ni Dana nang hindi tumitingin sa akin. Busy s’ya sa binabasa n’yang libro.

“Parang wala ka sa sarili mo, girl.”

Dagdag naman ni Dani na busy sa cellphone n’ya. Binibisita n’ya na naman siguro ang account ng crush n’ya. Para kasi s’yang baliw na nakangiti.

“May iniisip lang ako.”

Sagot ko sabay buntong hininga. Nagulat ako nang biglang itiklop ni Dana ang librong hawak n’ya at seryosong tumingin sa akin.

“Kanina ka pa wala sa sarili mo, panay rin ang buntong hininga mo, ano ba kasi ang iniisip mo at nagkakaganiyan ka?”

Tumigil si Dani sa pagcecellphone at tumingin din sa akin.

“Share mo naman sa amin. Willing kaming makinig ni Dani sa’yo.”

Dagdag ni Dana. Tumango naman si Dani bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kambal n’ya. Parang gusto ko tuloy umiyak dahil sa dalawang ‘to. Nasa tamang mga kaibigan talaga ako.

“Hindi naman ‘to mahalaga kaya okay lang.”

Pilit akong ngumiti para hindi na sila magtanong pa. Hinawakan ko ang kamay nilang dalawa para ipaalam na sobra-sobra ko silang naaappreciate. Sumandal naman sila sa magkabilang balikat ko.

“Salamat”

Saad ko.

Magkaiba ang personality ni Dani at Dana. Si Dani ‘yong tipo ng kaibigan na sobrang madaldal. Ang dami n’yang kwento tungkol sa iba’t-ibang bagay, sa napapansin n’ya sa paligid. Kahit simpleng bagay o pangyayari ay kinukwento n’ya sa amin. Tulad nang nakakita s’ya ng ipis sa daan, may nakita s’yang paru-paro sa garden, may nakasalubong s’yang pusa, at marami pang iba.

Si Dana naman ay tahimik lang. Nagkukwento s’ya kapag nasa mood, pero limitado pa rin. Mahilig s’yang magbasa ng kahit na anong klaseng libro basta feel n’yang basahin. Mabibilang lang sa isang kamay kung ilang beses s’yang ngumiti. Palagi lang kasi s’yang seryoso hindi tulad ni Dani na masayahin.

Noong una nalilito ako kung sino ba si Dani at sino si Dana. Bukod kasi sa magkamukha sila ay pareho rin sila ng hairstyle, manamit, hubog ng katawan, pati mga gamit nila ay halos magkakapareho. Kailangan ko pang tingnan ang gilid ng mga mata nila para malaman ko. May maliit na mole kasi si Dana sa gilid ng kaliwang mata n’ya. Noong tumagal na ay hindi ko na ‘yon kinailangan pang gawin. Kilala ko na kung sino si Dana at sino si Dani.

Sobrang maswerte ako dahil naging kaibigan ko ang kambal na ‘to. Hinding-hindi ko sila ipagpapalit.

Mayamaya pa ay nagpaalam na silang dalawa dahil oras na ng kanilang klase. Kaya naiwan akong mag-isang nakaupo sa silong ng puno. May tatlong babae ang umupo sa susunod na upuan which is malapit lang sa akin. Kaya kung anuman ang pag-usapan nila ay medyo maririnig ko.

“Alam n’yo ba na may kasamang babae si Akiro kagabi.”

Nakaramdam ako ng kaba sa sinabi n’ya. Medyo lumapit ako nang konti para mas maayos kong marinig ang usapan nila.

“Sure ka na kagabi? Sa pagkakaalam ko kasi wala namang klase si Akiro na panggabi e.”

Sabi no’ng isa at tumayo ito sa pagkakaupo n’ya. Agad akong napatingin sa ibang direksyon nang sumulyap sa akin ‘yong babaeng nakatayo.

“Malay mo nagpraktis lang kaya s’ya ginabi.”

Rinig kong sabat no’ng isa.

“Wait! Pakinggan n’yo muna kasi ang sasabihin ko.”

Sabi no’ng isa na medyo naiinis na sa dalawa n’yang kasama.

“Nakita ko s’ya kagabi na may kasamang babae. Magkasukob pa nga sila sa payong e. At ang malala pa nakaakbay si Akiro sa girl.”

What? May nakakita sa amin kagabi?

Umupo ako nang maayos at nagpatay malisya na hindi ko sila naririnig. Hindi nila pwedeng malaman na ako ‘yon. Magugulo ang tahimik kong mundo. Halos lahat ng babaeng humahanga kay Akiro ay magagalit sa akin. Ayaw kong mangyari ‘yon!

Tumayo ako, pero dahil sa pagmamadali ko ay nahulog ang tatlong librong hawak ko at nalaglag ang mga papel na nakaipit dito. Habang pinupulot ko ang mga nahulog na papel ay napansin kong may nakatayo sa harapan ko. Iniangat ko ang ulo ko para makita kung sino ito. Nagulat ako nang makita ko si Akiro na may malawak na ngiti. Bumilis ang pagtibok ng puso ko habang nakatingin sa kaniya. Pakiramdam ko ay sa aming dalawa na naman umiikot ang mundo. Inalalayan n’ya akong makatayo at tinulungan sa mga hawak ko.

“Ayos ka lang?”

Pagtatanong n’ya nang may bakas ng pag-aalala sa mga mata n’ya. Mabilis akong napaatras nang akma n’ya akong hawakan sa balikat. Napatigil s’ya sandali dahil sa naging reaksyon ko. Inilayo n’ya ang kamay n’ya sa akin.

“A-Ayos ka lang?”

Pag-uulit n’ya na ngayon ay may halo nang pag-aalangan. Tumango lang ako bilang kasagutan. Inayos n’ya ang pagkapatong-patong ng mga libro at pagkakaipit ng mga papel para hindi na ito muling mahulog. Alam ko at nararamdaman ko na ‘yong tatlong mga babae na nag-uusap kanina ay nakatingin sa aming dalawa. At alam ko rin na may iba pang nakakapansin sa amin. Kailan ko nang umalis at lumayo sa kaniya. Gustuhin ko mang manatili ay hindi maaari.

“A-Alis na ako.”

Naiilang na sabi ko. Kinuha ko ang mga libro ko sa kaniya at tumalikod na. Hindi pa man ako nakakahakbang ay hinawakan n’ya ang braso ko. Mabilis ko naman itong inalis mula sa pagkakahawak n’ya. Ano sa tingin n’ya ang ginagawa n’ya? Pumunta s’ya sa harap ko.

“Sure ka ba na ayos ka lang?”

Pag-uulit na tanong n’ya. Siguro dahil halata n’yang hindi talaga ako maayos. Bukod sa naiilang ako, ayaw ko ring makaagaw pa ng mas maraming atensyon.

“Oo, ayos lang ako. Kailangan ko na umalis may klase na kasi ako e.”

Tumalikod na ako sa kaniya.

“M-May gusto lang sana akong sabihin.”

Bahagya s’yang ngumiti habang nakatingin sa mismong mga mata ko. Mas lalo akong nakaramdam ng pagkailang dahil sa tingin n’ya. Napatingin ako sa tatlong babae na nag-uusap kanina. Matalim ang mga mata nilang nakatingin sa akin. Alam ko na narinig nila ang usapan namin ni Akiro. Sigurado akong nagtataka na sila kung bakit ako kinakausap ni Akiro.

“Gusto ko lang magpasalamat sa ginawa mong pag—”

“W-Wala lang ‘yon!”

Mabilis na sabi ko para putulin ang sasabihin n’ya. Halata sa mga mata ni Akiro ang pagkagulat dahil na rin sa naging tono ng boses ko. Nagtatanong ang mga mata n’yang nakatitig lang sa akin. Sorry talaga Akiro, malalaman kasi nila na ako ang babaeng kasukob mo sa payong. Mas lalo silang magagalit sa akin. Ayaw ko na mangyari ‘yon.

Tumalikod na ako sa kaniya at tinahak ko na ang daan papunta sa susunod kong klase. Nakaramdam ako ng bigat sa dibdib ko dahil sa ginawa ko.

Sorry, Akiro.

***

NO TO PLAGIARISM ‼️

Please don't forget to vote, comment and follow!
Maraming salamaaat 🖤

©️ All Rights Reserved. His Secret Girlfriend

His Secret Girlfriend (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon