Chapter 10 "Orasan"
"There comes a time when the world gets quiet and the only thing left is your own heart. So you'd better learn the sound of it. Otherwise you'll never understand what it's saying." ― Sarah Dessen, Just Listen
"M-mahal... Mahal mo ako Erson?" nauutal at hindi makapaniwalang wika ko. Ngumiti lang ito sabay gulo sa aking buhok.
"Oo mahal kita Jao." Mahinang wika nito na tila isang magandang musika sa aking tenga.
"A-ang... Ang ibig sabihin ba niyon ay magkarelasyon na tayo?" naguguluhan na tanong ko.
"Hindi naman ibig sabihin na kapag mahal mo ang isang tao ay dapat na kayong maging magkarelasyon. Minsan mas mabuting maging magkaibigan nalang kayo." Nakangiting wika nito. Sa sinabing iyon ni Erson ay tila nadismaya ako, akala ko pareho kami ng nararamdaman, akala ko pareho naming mahal ang isa't isa. Ngunit ang lahat pala ng akala ko ay mananatiling isang akala lang.
"Halika na nga't lumabas na tayo dito sa banyo. Ang panghi na natin eh." Natatawang wika ni Erson habang hawak-hawak niya ang aking kamay palabas ng banyo.
Pagkatapos ng tagpong iyon ay masasabi kong mas naging malapit kami sa isa't isa ni Erson. May mga pagkakataong pupunta siya sa bahay at makikikain, makikitulog at makikipagkulitan sa akin. At sa bawat araw na magkasama kami ay mas nakilala ko ang tunay na pagkatao ni Erson. Yung pagiging maalalahanin niya, yung pagmamahal niya sa kanyang mga magulang, yung pag-aaral niya tuwing may quiz o exam at yung pag-aalaga niya sa akin na parang isa niyang tunay na kapatid. Yung mga katangiang iyon ang labis na minahal ko sa pagkatao ni Erson. Yun ang mga dahilan upang mas lalong mahulog ang loob ko sa kanya.
Isang araw bago kami tuluyang umuwi ay tinawag ako ni Erson at kinausap.
"May ibibigay ako sayo. Hindi tamang nasa akin ang bagay na ito eh." Wika nito sabay bukas ng kanyang bag at doon ay may ikinuha siyang isang maliit at kulay pink na kuwaderno.
"Yung diary ko yan ha!" gulat na gulat na wika ko dahil matagal ko nang hinahanap iyon. "Papaano napunta sa'yo yan ha?" pagtatanong ko.
"Eh napulot ko lang..." natatawang wika nito sabay abot nito sa akin na agad ko namang kinuha.
"Binasa mo ba 'to?" mataray na wika ko. Umiling lang ito na nagpapahiwatig na hindi niya iyon nabasa. Ngunit maya-maya ay napansin kong bigla itong napangiti kaya tila nagduda ako sa sagot niya.
"Binasa mo talaga ito noh?" pagtatanong ko ulit.
"Hindi nga... Ang kulit mo naman eh." Sagot nito sa akin na nanatiling nakangiti.
"Binasa mo eh!!!" wika ko na tila isang batang nagmamaktol.
"Oo sige na binasa ko na. Hahaha" saad nito na agad na binitawan ang kanina pang tinitiis na tawa.
"Nakakainis ka! Bakit mo binasa? Hindi mo ba alam na 'personal' ang diary kaya dapat hindi mo iyon basta-basta binabasa." Naiinis na pagpapaliwanag ko dito dahil alam kong nabasa niya yung tungkol sa pagmamahal ko sa kanya.
"Dear Diary, sa totoo lang ay hindi ko alam kung papaano ito sisimulan... Pero isa lang ang alam ko. Yun ay nasaktan ako. Nasasaktan ako kasi hindi niya na ako pinapansin at tila iniiwasan niya na ako." Pagsasalita nito at tila ginagaya ang mga isinulat ko sa aking diary.
"Tigilan mo yan! Kung ayaw mong makatikim ng sapak!" naiinis na wika ko at sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako ng hiya at tila namula ang aking mukha.
Ngunit imbes na tumigil ito ay tila nang-iinis pa ang loko.
"Akala ko hindi siya mahalaga sa akin. Akala ko kaibigan lang ang turing ko sa kanya pero hindi ko inaasahan na mahuhulog pala ang loob ko sa kanya." pag-uulit nito sa mga linyang binitawan ko sa aking diary.
"Sinabi kong tigilan mo iyan eh!" ani ko na mas lalong nagpapula sa aking mga pisngi.
"Nung una eh akala ko andyan lang siya para damayan ako, para maging magaan yung loob ko. Pero hindi ko inakalang mamahalin ko siya." Pagpapatuloy nito.
"Tama na! Itigil mo iyan kundi..." wala sa sariling wika ko.
"Kundi? Ano?" paghahamon sa akin ni Erson.
"Kundi... Hahalikan kita!" iyan ang linyang lumabas sa aking bibig. Hindi ko alam kung kaya ko bang panindigan. Tumawa ito matapos niyang madinig ang aking sinabi.
"Pwes kung halik lang pala yung magagawa mo eh di itutuloy ko nalang yung nabasa ko sa diary mo, halik lang pala eh. Dear Diary, sa totoo lang ay hindi ko alam kung papaano ito sisimulan... Pero isa lang ang alam ko. Yun ay nasaktan ako. Nasasaktan ako kasi hindi niya na ako pinapansin at tila iniiwasan niya na ako. Akala ko hindi siya mahalaga sa akin. Akala ko kaibigan lang ang turing ko sa kanya pero hindi ko inaasahan na mahuhulog pala ang loob ko sa kanya. Nung una eh akala ko andyan lang siya para damayan ako, para maging magaan yung loob ko. Pero hindi ko inakalang mamahalin ko siya. Mahal ko siya diary. Mahal ko si Ers-" wika nito ngunit bago pa man niya matapos ang kanyang sasabihin ay kusang lumapit ang aking labi sa mga labi ni Erson. Nagulat ako sa nagawa kong iyon. Hindi ko inaasahan na dadalhin ako ng aking emosyon sa ganoong sitwasyon. Sa paghalik kong iyon ay naramdaman ko ang lambot ng labi ni Erson. Naamoy ko rin ang preskong hininga nito. Ngunit bigla nalang naputol ang halik na iyon nang biglang naalala ko na si Kuya Harold ang aking hinahalikan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nanumbalik sa aking isipan si Kuya Harold. Bigla ko siyang na-miss, bigla kong naalala ang kanyang maamong mukha at ang pagsasama namin ni Kuya Harold. Bakit ganito? Ano ba ang nangyayari sa akin?
Naputol ang mapusok na halik kong iyon at pareho kaming napatingin sa isa't isa. Nanatili ang katahimikan at tila walang gustong bumasag. Hanggang sa unti-unti siyang lumapit sa akin at hinawakan ng dalawang kamay niya ang magkabilaang pisngi ko. Sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako nang magkahalong saya at kaba. Mainit ang kamay niyang nakadampi aking mga pisngi hanggang sa tuluyan na ring lumapit ang kanyang mukha sa aking mukha at kasabay 'non ang isang mabilis na halik sa aking noo. At maya-maya'y niyakap ako nito at siya'y nagsalita.
"Hindi totoo yung sinabi kong, kapag mahal mo ang isang tao ay hindi nangangahulugang dapat na maging kayo. Nagsinungaling ako sa'yo Jao dahil ang totoo'y mahal rin kita." Wika nito na tila kumurot sa aking puso.
"Naaalala mo pa ba nung minsang nakatulog ka sa puno at may dumampi sa iyong labi? Ako iyon, isang nakaw na halik mula sa taong mahal ko." Napangiti ako sa kanyang sinabi dahil akala ko dati'y ilusyon ko lang yung may humalik sa akin.
"Nakikita mo ba ito?" Wika ni Erson at inilabas ang isang panyo mula sa kanyang bulsa. "Alam mo ba ang ibig sabihin ng E and J na-nakaburda sa aking panyo?" Umiling ako na nagpapahiwatig na hindi ko alam. "Ang ibig sabihin niyon ay Erson love Jao. Haha, sorry kung medyo korni ha? Pero gusto ko kasing sa bawat dampi ng aking panyo sa aking mukha ay ikaw ang aking makikita." Pagtatapos nito sa pagku-kwento kasabay ang isang nahihiyang ngiti. Napangiti rin ako sa kanyang mga sinabi ngunit imbes na ma-kornihan ako sa mga sinabi niya ay tila isang magandang tinig iyon mula sa aking mga tenga.
"Matalino ka sana kaso ang korni mo! Haha!" Pagbibiro ko upang mas gumaan ang aming usapan. At ang ending ay nauwi ang lahat sa tawanan dahil pareho naman pala naming gusto ang isa't-isa.
"Alam mo nung nabasa ko yung diary mo yung ang turning point kung saan napagtanto ko na talagang mahal kita. Sa totoo lang ay kaya ako nag-aaral at nagpapakitang gilas ay dahil sa'yo. Kasi nga, gusto kong mapansin mo ako." saad nito at sabay kaming nagtawanan.
"Kaya pala! Hahaha! Sa tuwing magre-recite ka at nakakuha ka nang tamang sagot ay titingin ka sa akin at tila nagmamalaki. Yun pala ay kaya ka tumitingin sa akin ay dahil gusto mong mapansin kita. Haha!" Wika ko at sabay kaming nagtawanan.
Nagpatuloy ang aming pagiging magkaibigan ni Erson, sa totoo nga'y mas lalo kaming napalapit sa isa't isa simula nung inamin namin yung mga nararamdaman namin. Pero kahit alam namin na gusto at mahal namin ang isa't-isa ay hindi naging kami dahil may pangako kaming pinagkasunduan; at iyon ay magiging magkarelasyon lang kami kapag tumungtong na kami ng kolehiyo. Sabi kasi niya na kapag nakapag-antay ka sa taong mahal mo ay nangangahulugang mahal mo nga ito. Pumayag naman ako sa kagustuhan nito, isa pa'y masyado pa kaming bata at dapat ay ituon muna namin ang aming oras sa pag-aaral. At kung paghihintay lang rin naman ang pag-uusapan ay masasabi ko namang kakayanin ko. Parang orasan lang naman ang buhay eh, kung oras niyo na, oras niyo na. At kung ang oras talaga ang nagtadhana sa inyo ay walang sinuman ang makakapigil dito.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Tanikala [Bromance/BoyxBoy]
RomanceTanikala LOVE IS ALL ABOUT TRUST. Dalawang taon na pagsasama, matagal na kung tutuusin. Pero bakit kung kelan kami nagtagal eh doon niya naman nagawang magtaksil. Nung una eh hindi ako makapaniwala at talagang ayokong maniwala...