Chapter 9 Diary
“There is an ancient tribal proverb I once heard in India. It says that before we can see properly we must first shed our tears to clear the way.” ― Libba Bray
***
Kinabukasan ay araw ng Martes. Isang linggo pa bago ang aming pasukan. Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang mga nangyari kahapon. Isang halik na nagpagulo sa buong araw ko. Madaming katanungan ang pumasok sa aking isipan ngunit hindi ko magawa-gawang sagutin at kalimutan. “Mahal ba ako ni Erson? Bakit niya ginawa iyon? May nararamdaman kaya siya sa akin? O baka ginawa niya lang iyon upang pasayahin ako dahil nakita niya akong malungkot?” pero ano man ang mga kasagutan sa tanong na iyon ay masasabi kong wala akong nararamdaman para kay Erson.
Mabilis na lumipas ang mga araw at simula nanaman ng pasukan. Second year hayskul na kami at nung magpasukan ay halos kami-kami pa rin ang magkaka-klase. Unang araw ng pasukan at katulad nang dati ay si Romeo pa rin ang aking kasama. Si Kuya Harold naman ay girlfriend pa rin si Shane. Bihira na rin kaming nakakapag-usap ni Kuya Harold. Unti-unti ko na ring tinanggap na hindi talaga kami pwede ni Kuya Harold kaya wala nang dahilan pa upang sabihin ko sa kanya ang katotohanang may pagtingin ako sa kanya. At si Erson naman ganon pa rin, halos walang ipinagbago maliban nalang sa biglaan nitong pagiging tahimik. Para bang bigla ko siyang na-miss. Bigla kong hinahanap-hanap yung pagiging sweet nito sa tuwing kinakailangan ko nang taong makakasama. Sa tuwing lalapit nga ako sa kanya ay lagi siyang umiiwas o di kaya’y bigla siyang makikipag-usap sa katabi niya. Yung mga simpleng bagay na pag-iwas niya ay tila ba kutsilyong unti-unting bumabaon sa aking puso. Alam ko na dapat ay hindi ko maramdaman ito dahil sa umpisa palang ay sinabi ko nang wala akong nararamdaman para sa kanya. Pero ngayong iniiwasan niya ako ay kakaibang sakit ang aking nadarama.
Isang araw, bago kami mag-uwian ay nilapitan ko agad si Erson at hinawakan ko siya sa kanyang braso upang mapigilan ko siyang maglakad. Agad itong napalingon at nung makitang ako yung pumipigil sa kanya ay agad itong nagpumiglas at nagpatuloy sa kanyang paglalakad.
Sadya talagang mapaglaro ang tadhana. Nung una’y inakala kong wala akong pagtingin kay Erson ngunit nung mapagtanto ko na para bang may kulang kapag hindi ko siya kasama ay doon ko nalaman na mahalaga pala siya para sa akin. Kaya upang mailabas ko ang aking mga katanungan at masabi ko ang gusto kong sabihin ay isinulat ko ang lahat ng aking saloobin sa aking diary. Sa totoo lang ay bata palang ako nung sinumulan kong magsulat dito. Tuwing may katanungan ako ay doon ko lang iyon inilalabas. Alam ko kasing hindi ko kayang sabihin iyon ng direkta kaya upang mabawasan ang aking kinikimkim ay ang diary ang aking takbuhan.
“Dear Diary, sa totoo lang ay hindi ko alam kung papaano ito sisimulan... Pero isa lang ang alam ko. Yun ay nasaktan ako. Nasasaktan ako kasi hindi niya na ako pinapansin at tila iniiwasan niya na ako. Akala ko hindi siya mahalaga sa akin. Akala ko kaibigan lang ang turing ko sa kanya pero hindi ko inaasahan na mahuhulog pala ang loob ko sa kanya. Nung una eh akala ko andyan lang siya para damayan ako, para maging magaan yung loob ko. Pero hindi ko inakalang mamahalin ko siya. Mahal ko siya diary. Mahal ko si Erson.” Nagmamahal Jao
At pagkatapos kong isulat iyon sa aking diary ay hindi ko inaasahan ang biglaang pagtulo ng aking luha na unti-unting bumabasa sa isinulat ko. Hindi ko mapigilan ang maiyak. Hindi ko mapigilang ilabas ang aking nararamdaman. Sana pareho kami ng nararamdaman. Sana pareho naming mahal ang isa’t-isa. Sana mahal niya rin ako gaya ng pagmamahal ko sa kanya.
Pagkatapos kong isulat ang mga nararamdaman ko sa aking diary ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako sa aking kama. At pagkamulat ko ng aking mata ay umaga na pala. Napakabilis ng oras. Parang mas pipiliin ko pang huwag magising kung sakit ang una kong mararamdam sa pagmulat ko ng aking mga mata. Agad akong bumangon at nakita ko ang aking sarili sa salamin na mugtong-mugto at namumula ang aking mata. Agad akong naligo upang mabawas-bawasan ang aking bigat na nadarama at nung matapos na ako sa aking pagligo ay agad akong naglakad papunta sa aking eskwelahan. Alas onse palang ng umaga kaya paniguradong wala pang tao sa aming silid aralan ngunit nabigla ako nung pagkapasok na pagkapasok ko ay agad na bumungad sa aking harapan si Erson. Maging siya ay hindi makapaniwalang magkalapit ang aming mga mukha. Tila nagpapakiramdaman kung ano ang gagawin, ngunit wala sa amin ang gustong gumawa ng unang hakbang. Napakatagal nung tagpong iyon. Para bang ayoko nang matapos pa ang sandaling iyon. Ngunit mayamaya ay namalayan ko nalang na nilagpasan ako ni Erson na agad ko naman ding hinabol.
“Erson! Erson! Sandali... antayin mo ako.” Sigaw ko habang tumatakbo papalapit sa kanya. Agad itong napatigil sa kanyang paglalakad sabay lingon sa akin.
“Ano bang gusto mo Jao?” mahinahong wika nito ngunit ramdam mo ang bigat na kanyang nadarama.
“Ahh...Ehh...” saad ko at tila nag-iisip ng sasabihin. “May problema ka ba sa akin? May nagawa ba akong kasalanan?” pagtatanong ko dito ngunit isang iling lang ang kanyang isinagot.
“Eh bakit iniiwasan mo ako? Ano ba ang problema Erson? Di’ba okay na tayo?” mahinahong pagtatanong ko ngunit katulad kanina ay wala akong natanggap na sagot mula sa kanya.
“Aalis na ako Jao... May bibilhin pa ako sa canteen.” Wika nito na para bang iniiwasan talaga ang aking mga katanungan. Agad itong tumalikod sa akin at sinumulang maglakad papunta sa canteen.
“Sandali Erson! Sasama ako.” Tawag ko ulit rito ngunit tila nairita ito sa aking mga kilos.
“Bakit ba ang kulit-kulit mo? Hindi mo ba nakukuha ang gusto kong sabihin? AYOKONG MAKASAMA KA.” Bulyaw nito sa akin na tila nagpatikom ng aking bibig. Pagkatapos nang tagpong iyon ay agad na naglakad si Erson papunta sa canteen. At ako naman ay tila hindi alam ang gagawin, natameme ako nang oras na iyon at nanatiling nakatayo. Unti-unting namuo ang aking luha hanggang sa hindi ko na nga iyon napigilin at tuluyan iyong bumagsak. Bigla kong naalala si Erson. Ayaw na ayaw niya akong nakikitang umiiyak. Ayaw niya akong nalulungkot. Miss na miss ko na talaga ang superhero ko. Agad akong tumakbo papunta sa banyo at doon nagkulong ako sa isang cubicle. Doon ko ibinuhos ang kanina pang luhang gustong umagos mula sa aking mga mata. Hindi ko rin mapigilan ang mapahikbi. Hanggang mayamaya ay nagulat nalang ako nang biglang may kumatok mula sa labas ng aking cubicle. Bago ko buksan iyon ay pinunasan ko muna ang akin luha. Pinilit ko rin ipakitang masaya ako sa kabila ng aking nararamdaman.
Pagkabukas na pagkabukas ko ng cubicle ay nagulat ako nang makita ko kung sino ang nasa labas. Si Erson, nakangiti at may hawak na panyo.
“Anong sabi ko? Di’ba ayokong nakikita kang umiiyak? Eh bakit ka umiiyak?” pambungad na wika nito at madidinig mo sa tono ng pananalita nito ang pag-aalala.
Imbes na sagutin ko ang tanong niyang iyon ay hindi ko naiwasan ang aking sarili na mapaakap kay Erson. Agad din naman niyang tinugon ang yakap kong iyon at sa kanyang balikat niya ako nag-umpisang humagulgol.
“Tama na... Andito na yung superhero mo. Huwag ka nang umiyak please? Kasi kapag nakikita kong umiiyak yung taong nagmamahal sa akin ay nalulungkot ako.” Wika nito na tila nagpagulo sa akin. Ano ang sabi niya? “Yung taong nagmamahal sa kanya?” Papaano niya nalamang mahal ko siya? O baka naman umaasa nanaman ako na ako yung pinatutungkulan niya.
Hindi pa rin ako umaalis sa pagkakayakap kay Erson at mayamaya ay hinawakan niya ang aking ulo at ihinarap iyon sa kanya. Nagkatitigan kaming dalawa. Nakita ko ang kanyang inosenteng mukha, ang kanyang mala anghel na ngiti at ang kanyang mata na tila nangungusap. Habang nasa ganoon kaming posisyon ay biglang nagsalita si Erson na nagpabilis ng tibok ng aking puso. Hindi ko inaasahan ang kanyang sasabihin. Hindi ko inaakalang pareho kami nang nararamdaman. Parang isang bomba sa aking puso nang sabihin nitong “Jao... Mahal rin kita.”
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Tanikala [Bromance/BoyxBoy]
RomanceTanikala LOVE IS ALL ABOUT TRUST. Dalawang taon na pagsasama, matagal na kung tutuusin. Pero bakit kung kelan kami nagtagal eh doon niya naman nagawang magtaksil. Nung una eh hindi ako makapaniwala at talagang ayokong maniwala...