KABANATA XIV

60 9 0
                                    

KABANATA XIV:

LUMAGANAP ang nakapangingilabot na tunog mula sa kagubatan patungo sa mga kabahayan. Naglabasan sa nagtataasang puno ang mga taong galit na galit at isa-isang inatake ang mga nandoon. Nagliparan din ang mga sibat at sariwang dugo mula sa pagwasiwas ng mga nagtatalimang itak at patalim ng taga-baryo.

“Para sa kalayaan ng Danayon, sugod!” Sigaw ni Cesar sabay sugod sa mga nagwawalang halimaw na naroon.

Mapagmamasdan ang pagkaputol ng iba’t ibang parte ng katawan ng mga tao. May mga lamang-loob din ang nagkalat kasabay ang dugong nagbigay ng masangsang na amoy sa malamig at malakas na simoy ng hangin. Mula sa iilan, dumami ang mga taong naagnas ang mga balat at may naglalabasang malalaki at buhay na mga uod.

Pinaputukan ni David ang bawat magtatangkang lumapit. Mula sa likuran, harapan, kanan at maging sa kaliwa ay walang nakaligtas sa balang dulot ng kaniyang armas.

Gamit naman ang mahaba at matibay na kahoy, isa-isang pinaghahampas at pinilayaan ni Alexa ang mga nagwawala at balak siyang saktan o saksakin. Sa lakas at husay nito sa paggamit ng sandatang iyon, halos mabasag ang bawat bungo ng mga nilalang na nagwawala.

Sa panig naman ni Iza, gamit ang mahaba at matalim na tila samurai, walang humpay niyang pinagtataga, pinaghihiwa at pinagsasaksak ang bawat halimaw at mamamatay-tao na papalapit at gusto siyang atakihin. Sa bawat pagwasiwas ay siyang ring pagtalsik ng sariwang dugo na nagkalat sa buong paligid. Wala siyang ibang inisip kundi ang maipaghiganti ang pamilyang napaslang at mabigyan ito ng hustisya.

Ang ibang kabataan, kababaihan at kalalakihan naman ay walang takot na sinugod, pinagsusuntok at pinagsisipa ang mga nagtatangkang lumapit sa matatanda at batang itinago nila upang protektahan. Wala mang sapat na armas o sandata, ginamit nila ang natutunan sa combat fighting para depensahan ang mga sarili.

Nagliparan din ang napakaraming sulo at bola ng apoy. Ang bawat matatamaan no’n ay nasusunog at unti-unting nagiging abo. Napakarami na rin ng bangkay na nagkalat. Ang iba ay gumagapang o gumagalaw pa at ang iba naman ay wala ng buhay o hininga.

Mula sa itaas ay matatanaw ang madugong digmaan– sa panig ng kabutihan na ang hangad ay kapayapaan at sa kabilang panig na ang layunin lang ay pumatay o pumaslang. Ang maitim na ulap na bumabalot sa buwan ay biglang naging manipis na siyang nagbigay ng sapat liwanag sa buong paligid. Mas lalo namang lumakas sa pag-ihip ang malamig na simoy ng hangin na halos tumagos sa kailaliman ng kanilang mga balat. Samu’t saring iyakan, sigawan, halakhakan at mga boses ang maririnig sa Baryo ng Danayon na ngayon ay isa nang madugong lupain.

Samantala, mula sa mahabang patalim na nasa kaliwanag palad at baril naman sa kanan, pinagpapaslang ni Luke ang bawat magtatangkang lumapit sa kaniyang direksyon. Mababakas sa mukha nito ang galit at ambisyong makapaghiganti mula sa dinanas ng ama, dalawangpung taon na ang nakaraan. Ilang saglit, napansin niyang hindi na muli pang lumabas si Pandora kaya’t matapang niya itong tinawag at hinamon.

“Pandora! Gusto mong makaganti, ‘di ba? Bakit nagtatago ka?”

Ilang minuto, nabitawan ni Luke ang parehong armas at napahawak sa kaniyang leeg nang maramdamang tila may sumasakal sa kaniya.

“Akala mo ba mananalo kayo sa digmaang ‘to? Nagkakamali ka, Luke!”

Mula sa manipis na hangin ay sumulpot sa harap ng binata ang nakangiting si Pandora. Naging mahaba ang puti at may pagkakulot nitong buhok. Hindi gaya no’ng una, nakasuot na ito ng mahaba at itim na damit. Maiitim din ang ibabang mata nito at matutulis ang mahaba’t matatatalim na mga kuko.

“Bitawan mo siya!” sigaw ni David ngunit bago pa man ito makalapit ay umangat ito sa ere at nahirapan ding huminga.

Tinangka rin nina Alexa at Iza ang tumulong ngunit gaya ni Luke at David, umangat din sila sa ere habang nakahawak sa kanilang mga leeg dahil tila may sumasakal.

The Midnight's Curse (Soon to be publish)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon