EPILOGUE

91 9 6
                                    

LUMIPAS ang maraming taon. Ang Baryo ng Danayon na noon ay iniiwasan at kinatatakutan, ngayon ay pinupuntahan na ng maraming tao hindi dahil sa kasaysayan ng sumpa kundi sa iba't ibang magagandang pasyalan, tanawin, kagubatan, bulubundukin at iba pa. Ang dating malungkot at takot na mga taong naninirahan dito ay napalitan ng saya at galak. Bukod do'n, naging masagana pa ang kanilang mga pamumuhay. Kung noon ay puro krimen gaya ng patayan, panggagahasa, sakit at halimaw? Ngayon ay pagkakaisa, pagtutulungan at kapayapaan ang nangingibabaw sa Baryo.

Nagkaroon na rin ng mga police station ang lugar upang masigurado ang seguridad at kaligtasan ng mga tao kasama na rin ng mga turistang nagtutungo rito. Kung noon ay tago ang Baryo ng Danayon, ngayon ay kilalang-kilala na ito hindi lamang sa lupain ng Mindanao kundi sa buong Pilipinas at iba't ibang bahagi ng mundo.

Walang mapaglagyan ang kasiyahang nararamdaman ni Luke habang pinagmamasdan ang noong madilim at nakakatakot na Baryo. Nagpasiya ang binata na manatili sa lugar at dito na gampanan ang kaniyang tungkulin bilang pagpupulis. Bilang Chief of Police, sinisiguro niyang gagawin ng mga kapwa pulis ang trabaho at pananatilihin ang katahimikan sa buong Baryo. Kasama niya rin ang ama sa pagpapatupad nito na ngayon ay nanumbalik ang malakas na pangangatawan at maayos na kalusugan.

"Sasama ka ba sa gaganaping training at seminar para sa mga bagong graduate ng Criminology sa Danayon?" tanong ng ama nito.

"Madadagdagan na naman pala ang hanay ng mahuhusay na future police. Sige po, pa, susunod ako. Tapusin ko 'tong ginagawa ko." Nagpatuloy sa pagtitipa ang binata.

Nang matapos, tinungo nito ang training ground na binuo nila para sa mga nagnanais na maging police at makatulong sa bayan. Mula sa entablado, inanyayahan ang binata na magsalita at magbigay ng mensahe para sa mga bagong kapulisan.

"Gaya nang paulit-ulit kong sinasabi, hindi magtatapos ang kasamaan dahil lang sa nangyaring digmaan. Iyon ay isa lamang sa mga lumalaganap at kung lalabas kayo sa lugar na 'to? Napakaraming krimen ang nagkalat kung saan. Nagsimula ako sa pangangarap na maging isang pulis dahil sa nangyaring krimen na noon ay inakala kong ikinamatay ng aking ama. Nagsimula akong lamunin ng kuryosidad dahil pakiramdam ko, may dapat akong gawin. Noon, nasasabi ko lang na baka hindi ito totoo. Na baka... ang panaginip ay panaginip lang talaga. Pero nagkamali ako. Nang buong loob kong pinasok ang bagay na gabi-gabi akong tinatawag, doon ko nakita ang lahat. Doon ko nalaman na ang tunay ko palang tungkulin ay ang makatulong. Hindi lamang sa pagbibigay ng hustisya sa aking ama kundi sa lupain kung saan ako nagmula. Ano nga ba ang gusto kong iparating? Simple, ang pagtulong ay walang pinipiling tao, panahon, lugar o dahilan. Ang pagtulong ay isang bagay na dapat mong gawin sa lahat ng nangangailangan, maliit man iyan o malaki. Kaya sa ating mga future police, gawin at piliin ninyo ang tama. Okay lang na kabahan, matakot o mangilabot. Okay lang na magulat dahil hindi lamang kriminal ang puwede ninyong makaharap. Basta't ang tatandaan ninyo, ipagtanggol ang naapi't nangangailangan. Huli, labanan at pigilan ang mapang-abuso't kasamaan." Nang matapos sa talumpati, masaganang palakpakan ang bumalot sa buong kapaligiran.

Nakauwi na rin David sa Maynila upang asikasuhan ang ilang bagay gaya na lamang ng tungkulin bilang pulis at pagma-manage ng mga negosyo ng kaniyang ama. Si Elizabeth naman ay nagpasiya na ring bumalik sa tahanan ni Arthur at kamustahin ito kabilang ang anak na babaeng si Analiza. Ikinuwento nito ang kanilang pinagdaanan at mabigat na desisyon. Nagkaroon ng mahabang pag-uusap noon ang ginang at asawa nitong si Juanito. Naunawaan ng lalaki ang kanilang sitwasyon at nagpasiyang magparaya. Ibubuhos niya na lang daw ang buong atensyon kay Luke na hindi nakasama sa loob ng mahabang panahon at sa tungkulin sa Baryo.

Sina Alexa at Iza naman ay mas piniling mamuhay bilang ordinaryong tao sa kanilang lugar. Sa araw-araw na paggising, inilalaan nila ang oras at panahon upang tulungan ang mga simpleng taong nakakasalamuha nila sa Baryo. Masaya ang dalawa sa ginagawa dahil ang ganitong bagay ang nakapagbibigay sa kanila ng lakas at inspirasyon matapos mangyari ang madugong digmaan. Araw-araw din silang dinadalaw ni Luke habang bitbit ang ilang bulaklak at pasalubong- nililigawan kasi ng binata ang dalagang si Alexa. Taon na rin naman ang lumipas at kahit wala pang 'oo' na natatanggap ang binata, magtitiyaga siya dahil alam niyang balang araw na tatanggapin din ni Alexa ang pagmamahal na inaalay niya.

Sina Pandora naman at Leo ay mas piniling manirahan sa gitna ng kagubatan. Ngunit, hindi nila inilalayo ang sarili sapagkat handang-handa pa rin silang tumulong sa nangangailangan gaya na lamang ng panggagamot, panghihilot at marami pang iba. Ang lolo't lola naman ni Luke ay nagpasiyang magturo sa eskwelahang ipinatayo ng binata sa tulong ng mga ka-Baryo at nakalap na donasyon mula sa mga turista at gobyerno. Ang mga namatay naman dahil sa midnight's curse kabilang si Cezar ay binigyan ng maayos na libing at recognition dahil sa kabayanihang ipinakita at ipinamalas nila upang mapigilan ang naturang sumpa.

NANG magkaroon ng libreng oras sina Luke, Alexa, Iza at David na kakarating lang uli mula Maynila, nagpasiya silang balikan ang eksaktong lugar kung saan nagtapos ang midnight's curse. Medyo marami-rami na rin ang bahay na nakatayo roon ngunit ang lupain kung saan winasak ni Pandora ang itim na kuwintas at libro ay nananatili. Habang papunta roon, napansin nila ang isang lalaking naglalakad habang panay ang linga sa paligid.

"Kilala n'yo ba 'yon?" Turo ni Luke dito.

Huminto ang lalaki at nagtatakang pinagmasdan ang mga kamay, paa at buong katawan. Tila hindi ito makapaniwala sa isang bagay.

"Wait, si-" hindi naituloy ni Alexa.

"Jacob?!" nanlalaki ang mga matang naisigaw ni Iza.

Nagkatinginan naman sina Luke at David, ang pangalan kasing iyon ang nawawalang kaibigan nina Alexa at Iza limang taon matapos ang midnight's curse noong 2010.

"I-Iza? Ate Alexa?" Muli nitong inilibot ang paningin at patuloy na nagtataka.

Nang ilang metro ang layo, huminto ang apat.

"Paanong nangyari 'to? Nasaan ka sa loob ng mahabang panahon?" Pinagmasdan ito ni Iza, ganoon pa rin ang suot nito noong huli niyang makita.

Napaisip si Jacob at muling inalala ang pinagdaanan. "Nasa gubat kami 'tapos... panay ang lakad at paglalakbay namin. Parang walang katapusan at pabalik-balik lang kami sa kinalalagyan namin. Pagkatapos-"

"Kami? May iba ka pang kasama?" tanong ni Alexa.

"Oo." Tumalikod si Jacob at itinuro ang kagubatan. "Doon ako galing at papunta na sila rito." Muling humarap sa apat.

"Sinong sila, Jacob?" nakaramdam ng pagtataka si Iza.

"Ang mga nagtangkang umalis at tumakas sa lugar na ito, Iza. Hindi kami namatay o naglaho. Para kaming naligaw at hindi makaalis sa gubat na 'yon," seryosong tugon nito.

Napaisip si Luke, may point ang sinasabi nito. Kung marami noon ang biglang nawala at hindi na nakita, hindi sila pinatay o dinukot kundi inilagay lang sa isa pang tila rehas. Walang ibang susi kundi ang pagtapos sa midnight's curse.

"Para silang na-trap sa ibang dimensyon." Lumapit nang tuluyan si Luke at hinawakan ito sa magkabilang braso. "Marahil nakalabas kayo nang wasakin ni Pandora ang itim na kuwintas at Libro ng Shawika. Maligayang pagbabalik sa Baryo ng Danayon, Jacob. Ikinagagalak kitang makilala," dagdag pa ng binata.

"Ibig mo bang sabihin, wala na ang midnight's curse?"

"Oo, Jacob, wala na." Si Iza naman ang lumapit at niyakap ito nang mahigpit. "Payapa na ang lugar natin at naipaghiganti na rin namin ang ating mga magulang,"

Wala ng ibang masabi pa si Jacob at niyakap na lamang din nang mahigpit si Iza. Sumama na rin sa pagkakayakap sina Luke, Alexa at David.

"Nice to meet you, Jacob." Turan pa ni David at kinamayan ito.

Naudlot ang usapan nila nang mapagmasdan ang paparating na mga tao na iniluwa ng malawak na kagubatan. Naglabasan na rin sa kani-kanilang tahanan ang mga tao nang makumpirmang kamag-anak nila ang iba roon. Mapagmamasdan sa buong kapaligiran ang kasiyahan at walang pagsidlang kaligayahan.

THE END

The Midnight's Curse (Soon to be publish)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon