Napangiti ang babaeng kapapasok lang sa silid nang makita ang cake roon. Umikot ang mga mata ni Gwyneth para tingnan ang paligid at huminto ang kaniyang mga mata sa magulang. Mangiyak-ngiyak itong tumakbo sa kanila ay niyakap ang kaniyang ama at ina. Pagkatapos ng higit isang dekada ay ginusto na siyang makita ng mga ito at humingi ang dalawa ng tawad sa kaniya. Ito nga at naghanda pa ng surprise birthday party ang kaniyang magulang.
"Ate Gwen!" Tumungo ang dalawang babae at isang lalaki sa kaniya. Nagyakapan ang magkakapatid at halos mag-iyakan sila roon. "We miss you!"
"Mas miss kayo ng ate. Pa-kiss nga ako!" Pinaghahalikan niya ang mga kapatid at muling binigyan ng yakap ang mga ito. Hindi niya na ipinakita na may hinanakit siya o kung ano pa man dahil nawala iyon nang malaman niyang napatawad na siya ng magulang sa dati niyang maagang pag-aasawa at pagpapabaya sa pag-aaral. "Ang gaganda at guwapo niyo na, oh. Miss na miss kayo ni Ate Gwen. Kumain na tayo?"
Sa silid ng kaniyang magulang ay may malaking pabilog na lamesa kaya roon na kumain ang anim. Si Kaylee ang ikalawang kapatid ni Gwen, si Dave ang ikatlo, at si Gina ang bunso. Nandoon din si David at Lisa na kaniyang magulang. Katabi nito ang dalawa habang nasa tapat ang mga kapatid.
"Anak, Gwen." Hindi mapigilan ni Gwyneth ang kagustuhan niyang maiyak sa tuwa dahil sa pagtawag ng kaniyang nanay. Kinuha nito ang kamay niyang nagpapahinga sa kaniyang hita at hinaplos ang mga daliri nito. "I'm sorry. Pagpasensiyahan mo na kami ng ama mo sa nangyari. Natiis ka namin na anak namin. Hindi ka namin inisip at si Annie. Ano na ang balak mo ngayon na thirty one ka na? Isang taon na lang ay lagpas ka na sa kalendaryo."
"Wala pa po, Mama. Inaayos ko pa iyong foundation ni Annie. Marami pong tumutulong sa akin lalo na nang ilabas ko sa social media na tutulong ako sa operasyon ng mga batang may problema sa puso. May twenty successful operations na po kami at walang deceased so far. Sana wala na lalo na't layunin talaga namin na madugtungan ang buhay nila."
"Tama ka, Gwen. Mabuti ang puso mo kaya marami talagang dadating na magagandang bagay sa iyo. Anak." Nang abutin ito ng kaniyang ama ay nagpayakap naman si Gwen. Hinalikan din ito ng lalaki sa noo. "Pagpasensiyahan mo na rin ako. Hindi ka namin pinakinggan."
"Kalimutan na lang po natin iyon. Ayaw kong maramdaman ninyo na miserable kayo. Ang ngayon ang mahalaga, okay? Let's learn to forgive and forget. Hindi po mahirap iyon dahil magulang ko kayo."
Naging payapa ang paligid para sa lahat dahil magaan ang pakiramdam na hatid ni Gwyneth. Masayang kumain ang pamilya, at pinagkuwentuhan nila ang mga naganap noong nakaraang taon. Marami pa silang hahabuling taon pero alam nila na magagawa ulit nilang maayos ang kanilang hinaharap.
Samantala, umiikot ang magkaibigan na Eugene at Angelie sa bagong bukas na mall sa kanilang lugar. Isang linggo mula nang makauwi sila sa Pilipinas pagkatapos nilang magpunta sa Ireland para bisitahin ang lolo at lola ni Eugene. Welcome na welcome roon ang dalawa ngunit kinailangan din nilang umuwi agad.
"Gene! Tingnan mo itong pabango, bagay ito sa iyo. Hinahanap mo ito, 'di ba?"
"Saglit. Silipin mo nga ako rito sa nakita kong dress." Pumasok agad sa fitting room si Angelie at halos bumagsak ang panga nito sa nakita. Hapit sa kaniyang kaibigan ang tiger print na halter dress nito. Bagay naman sa mestizang kutis ni Eugene ang mga dark na kasuotan. Iba na rin ang hitsura nito dahil abot na sa baywang ang buhok nito kaysa sa noon na abot balikat lang. Humarap ito sa kaniya at inilagay ang mga kamay sa baywang. "Bagay ba? Ito ang balak kong isuot sa grand reunion natin."
"Oo naman! Ang ganda-ganda mo naman. Lahat siguro ng straight sa reunion natin, dalawa lang ang mararamdaman. Magiging crush ka o maiinggit sila sa iyo magdamag." Tumawa lang si Eugene at hinila na ang zipper ng dress nito pababa. Kinuha niya ang isa pang maong na dress doon habang pinapanood siya ni Angelie. Sinisipat lang nito ang kaibigan. "It's been two years, mabuti naman at naisipan mo na rin ang sumama sa akin. Ang hirap mong pilitin."