Hazel (Wakas)

1.4K 42 4
                                    


"Mama, hindi na muna ako magbubura ng make-up. Nandito iyong kaibigan kong ikinuwento ko sa inyo. Iyong taga-Japan?" Hinahabol ako ni Mama ng suklay para alisin ang kulot ng buhok ko. Kay Papa naman naka-toka ang wetwipes para bago ako sumakay ng sasakyan, pupwede na akong matulog. Iyon ang routine namin pagkatapos ng trabaho.

"Ah, ganoon ba? Hindi ka muna uuwi?" Tanong ni Mama habang lumalabas kami sa studio.

"Sasaglit lang ako. Promise." Bumeso ako kay Mama at Papa saka tinawagan ang driver.

Gusto kong magalit sa traffic sa EDSA. Pucha, kung kailan ka nagmamadali at saka naman siksikan sa daan. Nag-text ako kay Louie ng maraming beses pero wala akong natatanggap na sagot. Nabuhayan ako nang nakita ko na ang pangalan ng restaurant, halos talunin ko pa mula van ang entrada ng resto. Humahangos akong pumasok sa loob habang nagpapagala-gala ang mga mata sa mga lamesa.

"Good afternoon. Hazel Ilagan po?" Sinalubong ako ng receptionist ng tanong.

Tumango ako, "Yes, dumating na ba 'yung kasama ko?"

"He left an hour and half ago po."

Napasabunot ako ng sariling buhok. Pinagalitan ko ang sarili ko dahil hindi ako nakapagsabi kay Louie. Tatlong beses akong tumawag kay Louie pero pinapatayan niya lang ako ng tawag. Desperada na ako at sobrang guilty kaya hindi ako tumigil na sumubok sa pagtawag. Sumagot siya sa wakas.

"Louie? Sorry, sorry! Na-delay ang taping ng dalawang oras. Nagka-earthquake drill kasi eh. Sorry talaga. Nandito na ako. Nasa'n ka?"

"Ilang oras akong nagmukhang tanga diyan." Halatang napikon siya, inis. Mas dumoble ang guilt na nararamdaman ko.

"Sorry na, please? Nasaan ka? Puntahan kita."

Hindi ko alam kung napatawad na ba ako ni Louie pero nung sinabi niyang nasa National Planetarium siya, kahit alam kong panibagong traffic ang pagdaraanan ko, sinundan ko siya para mag-sorry. Lutang na ako dahil wala akong tulog pero mas inaalala ko pa rin na maharap si Louie para magsorry at para na rin kumalma.

Walang laman ang madilim na auditorium kung saan merong 360-degree presentation ng solar system. Nakita ko agad si Louie, literal na nasa ibang planeta. Tumabi ako sa kanya at mahina siyang siniko.

"Louie.." Tawag ko pero hindi siya sumagot. "Huy!"

Sinenyasan ako ni Louie na huwag maingay. Pinanood ko na lang tuloy ang pinapanood niya. Napatingin ako sa kamay ni Louie na nakapatong sa upuan, kinuha ko iyon at pinagsiklop ang mga daliri namin. Maliit ang kamay ko kumpara sa kanya, ayun nga yun eh, kaya siguro ang sarap sa pakiramdam. Ang sarap sa pakiramdam na merong mas malaki pa sa'yo na handa kang protektahan at alagaan.

Humilig ako sa balikat ni Louie. Sumaya ng husto ang puso ko sa pamilyar na pakiramdam na ibinigay ng paglalapit namin. Siguro parehas kami ng nararamdaman. Nagkatinginan kaming dalawa. Tinitingnan niya ang mga labi ko kaya inilapit ko pa ang mukha ko sa kanya. Idinampi niya ang labi niya sa akin para sa isang halik. Nakakapanghina ang labi ni Louie, simple iyon, walang keme pero masarap. Pakiramdam ko huminto ang orasan, nawala ang lahat ng pagod ko sa magdamag. Ibinuhos niya ata ang lahat sa halik na iyon para pahupain ang pagod ko. Para siyang tahanan na inuuwian.

Naabala lang kami nang may narinig kaming pumasok sa loob ng auditorium. Mahina kong itinulak ang dibdib ni Louie papalayo sa akin. Hindi ko iyon sinasadya pero natakot akong may makakita.

"Lipat ako ng upuan?" Tanong niya. Hindi ako sumagot, guilty. Umalis si Louie sa tabi ko, hindi ko alam kung saan siya naupo. Nagkita lang kami ulit nang lumabas kami sa auditorium kung saan kaming dalawa ang nagpahuli na makalabas. Nakayuko ako, hinihiling na sana walang makakilala.

"Wrong timing lang, Louie. Kakabalik lang ng career ko kaya nag-iingat." Wala pa man, alam ko agad na mali ako. Pero mukhang hindi naman naghihintay si Louie ng paliwanag. Ngumiti siya na parang nakakaunawa.

"Naiintindihan ko ang trabaho mo. Hindi lang ako sanay. Solong-solo kasi kita sa Saga. Siguro ang mali ko, umasa ako na... magiging pareho lang pagdating dito sa Maynila, lalo na't kontrolado mo na ang buhay mo."

"Sorry.."

"Wala ka naman kasalanan." Mas lalo siyang ngumiti, "At saka hindi rin. Nag-inquire na ako sa Kyushu University bago umalis ng Japan. Mag-e-enroll ako pagbalik ko."

Naramdaman ko ang kasiyahan niya, ganoon din ako para sa kanya. "Talaga? Ayos iyan, Louie!"

"So kung magiging tayo man pala habang nandito ako, hindi rin magtatagal 'no?" Pasimpleng bumulong si Louie sa akin. Mabagal akong tumango nang may pait sa ngiti. Sayang.

"O pa'no, mauna ako lumabas, ha? Para di nila tayo makitang magkasama. Oo nga pala..."

May kinuha si Louie sa backpack niya. Isang box na maganda ang pagkakabalot na parang regalo. Binuksan ko iyon at namangha nang makita ang porcelain plate kung saan kami nag-drawing ni Louie. Hindi ko akalaing maaalala niya pa ito pero si Louie iyan 'e. Sentimental talaga ang taong ito. Lahat ng sinasabi ko, sinusunod niya kahit alam niyang mas matalino siya sa akin.

"Ang ganda! Salamat."

Ngumiti siya na parang sinasabing maliit na bagay ang ginawa niya pero para sa akin, importante ang plato. Alaala ko ito, alaala namin. Tumalikod na si Louie, malalaki ang hakbang at humalo sa mga tao na nasa auditorium. Nagulat na lang ako nang marinig ko ang boses niya mula sa malayo.

"Uy, si Hazel Ilagan o! Si Hazel Ilagan! Artista iyon, di ba? Si Hazel Ilagan!"

Kumindat sa akin si Louie, isinenyas ko sa kanya ang kamao ko bago pa ako dumugin ng mga tao para humingi ng picture. Sa huling pagkakataon, sumulyap sa akin si Louie. Mukha siyang masaya. Sana nga ay totoo. Natigilan ako nang sayawin niya ang step ko sa Munting Mutya ng Maynila bago tumakbo papalayo.

"Bye, Louie.." Bulong ko. "Til next time."


Wakas

Between Maybes (Novel Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon