Punong-puno ng usok ang silid sa music studio at nilamon ng buga ng vape ng mga kasama ko ang buong pwesto kasabay ng pagkampay ng baso na may lamang alak. Ang bibilis ng bibig ng mga ka-jamming ko sa pagbigkas ng rap. Pa-sway-sway pa ang ulo ko at dalang-dala sa tugtugan. Hiphop is life.
Minahal kita na parang isang sikreto, kaunti lang ang nakakaalam pero damdamin ko'y umaasenso. (Asenso!)
Sobrang ganda mo, pero ako'y mukhang aso
Anong magagawa kung ikaw ang tinitibok nito..
Nang humupa ang makapal na usok, napatingin ako sa kagrupo kong si Douglas na prenteng nakaupo sa harapan ko, nakakasilaw na bling-bling niya na kulay ginto, makintab rin ang loose jersey jacket niya at bes, matakot ka sa singsing niyang kasing laki ng buto ng langka, feeling ko, ginagamit niyang pang-self defense sa mga agaw-cellphone na hitik na hitik daw sa inuuwian niyang apartment sa Bagong Bantay. Ginaya ko ang kilos niya, ang pagbukaka at pagpitik ng balikat kahit hindi kumakanta, gangster na gangster ang datingan, ang cool.
"Malapit na ang chorus, Hazel." Paalala ni Douglas na siya ring tumatayong leader namin nina Johnny at Kokoy- ang dalawa pang rapper na halos lumubog ang lalamunan sa paghitit ng e-cigarette na amoy strawberry ang usok.
This is it pancit, nangingig ang kamay kong iniangat ang piraso ng papel na kodigo ko ng lyrics, bumukas na ang bibig ko nang biglang nakita ko Mama, umayos agad ako ng upo at pinigilan ko ang panlalaki ng mata, walang use iyon dahil mas malalaki ang mga mata ni Mama na kasunod si Papa, patay na.
"Hazel, uwi na! Gabi na! Ano ba 'yang suot mo? Para kang hostess!" Galit na galit si Mama pero hindi na ako nagulat. Kinuha ko ang cardigan na ibinato sa akin ni Mama, pinatay naman ni Douglas ang music, bakas ang kaba sa mukha.
"Good evening po, Tita, Tito." Magalang na hinarap ni Douglas si Mama at Papa pero si Mama, tumaas lang ang kilay.
"Sino ka?" Umismid si Mama.
"Ma, huwag OA. Kaibigan ko iyan."
Inilagay ni Douglas ang hintuturo niya sa labi ko, nalasahan ko pa ang alat 'non. "Okay lang Hazel."Binuksan niya ang zipper ng jersey jacket niya at ipinakita ang mukha ko sa t-shirt niya. Hindi ko napigilang pasimpleng mapahilamos ng mukha.
"Douglas Capati po, big fan po ng anak niyo." Buong gilas na sambit ni Douglas, tumango-tango ako at saka nagpeke ng ngiti para sakyan siya. "Kilala rin ako sa hiphop world bilang Dougstyle Douglas." Itinuro niya ang iba pa naming kasama, "si Johnny AKA Mastafaka, si Kokoy po AKA Kanto Boytoy X."
Mas lalong tila nilamukos ang mukha ni Mama. Paano pa kung marinig niya ang bansag na iniisip ko para sa sarili? Hazesherep pa nga sana. Ininguso ni Papa si Douglas sa akin at saka umiling.
"Sakay na sa kotse sa labas, anak. May audition ka pa bukas." Kalmadong sabi ni Papa.
"Opo, Pa."
Tumango ako kina Johnny at Kokoy, tipid na kumaway si Douglas na halata ang panghihinayang sa practice namin na nasayang.
Dumiretso kami ng pamilya ko sa open parking lot ng studio na panay ang tago ko sa likod ni Papa na parang isang human shield. Kung nakakamatay lang kasi ang titig ni Mama, kanina pa ako nakabulagta. Dumampi sa pisngi ko ang malamig na hangin sa labas pero wala nang kakabog pa sa malamig na tingin ni Mama habang hinihintay namin ang sasakyan na sunduin kami. Hindi na nakapaghintay pa ang maaanghang na patutsada ni Mama, walang pasintabi sa tainga ko, walang censorship, walang paki sa rated SPG.
BINABASA MO ANG
Between Maybes (Novel Version)
Chick-LitAn ABS-CBN Film starring Julia Barretto and Gerald Andreson based on the screenplay of Direk Jason Paul Laxamana.