Nakapalibot sa akin ang maliwanag na mga ilaw, nagkakagulo ang mga entertainment press, ang malaking video camera at mikropono ay halos idikit sa mukha ko.
"O, huwag kayong magkagulo, mahahawakan niyo rin ako. Hi fans!"
Buong pagmamalaki akong kumaway sa lahat na parang nanalo ng kung ano. Nagsilungunan ang mga reporters sa likod para hanapin ang 'fans' na tinutukoy ko. Wala silang nakita.
Mahinhin akong ngumiti. Bakit nga ba hindi? Ngayon lang nila ulit ako pinagtuunan ng pansin, mag-iisang taon na akong hindi nasisilayan ng madla. This is my time to shine, mga Bakla!
"Miss Hazel, kung ikaw ang magiging Pangulo ng Pilipinas, paano mo babaguhin ang simpleng mga alituntunin na magiging mas epektibo ito at hindi mahihirapang sumunod ang mga mamamayan?" Napawi ang ngiti ko at kumurap-kurap ako ng ilang beses sa reporter na si Jun na nasa pinakaunahan ng nagkakagulong press.
"A-ano?"
"Paano mo nga ba babaguhin ang alituntunin ng bansa bilang kumakatawan sa mga Batang Hamog?" Ulit ng reporter. Humagikgik ang ilang mga taong nakikinig, umubo ang reporter, pinipigilan ang matawa, "I mean, Batang Humahamon sa Alituntunin ng mga Makalumang Ordinansa ng Gobyerno in short, Batang Hamog."
"Uhm, ano." Nag-isip ako ng mabuti. Masyado namang pinag-isipan ang tanong. Hindi ako ready! "Jun, hindi naman ako presidente, ano ka ba. Bakit ako ang tinatanong mo?" Humalakhak ako.
"Kung sakali lang naman, Miss Hazel." Mas inilapit niya sa akin ang mikropono. Never give up ang peg ni Bakla. Naroon sa likod niya si Mama, umaarteng ginigilitan ang leeg. Tumaas ang kilay ko, 'Ano?' bulong ko. Inis na napakamot ng ulo si Mama dahil hindi ko siya na-gets.
"Bakit nga ako? Kung ang presidente nga nahihirapan mapasunod ang mga pasaway na iyan, ako pa kaya? Huwag na ako ang tanungin mo, iba na lang. Siguro mas maigi kung si General the Rock ang tanungin mo." Suhestiyon ko pa.
Bakas ang pagkadismaya ni Jun sa sagot ko. "Sige, ganito na lang, mensahe na lang sa mga pasaway."
"Kaway-kaway mga pasaway na masasarap ang buhay! Tambay-tambay hanggang sa maumay!" Parang mga bubuyog na nagbulungan ang mga reporters. Mali ba ang isinagot ko?
"Sa pangulo na lang, may masasabi ka ba?" Napakamot ng ulo si Jun.
"Hwaiting!" Kumindat pa ako sa camera bago ako hinila papalayo ni Mama.
---
"Hindi ba sinabi kong huwag ka nang sumagot?" Ipinatong ni Mama ang salad sa hapagkainan. "Hazel naman eh!"
"Ma, hindi mo sinabing huwag akong sumagot, sumenyas kang ginigilitan ang leeg mo, magkaiba iyon. Malay ko ba kung malapit ka nang mastroke kagabi dahil sobrang init sa location na iyon, palibhasa basketball court ng Baranggay. Saka bakit mo ba ako isinali diyan sa Batang Hamog na iyan? Anong malay ko sa ipinaglalaban ng mga iyon?"
"Dahil iyon lang ang offer na dumating pagkatapos ng limang buwan. Aba, magpasalamat ka nga na meron. Kasi naman ikaw, magriribbon-cutting ka lang, ibinukas mo pa ang bibig mo. Anong akala mo riyan sa bunganga mo? Gunting? Naturn-off na naman sa iyo tiyak ang mga press!"
"Mhie, tama na. Nangyari na." Singit ni Papa na ibinaba ang freshly squeezed orange juice sa harapan ko.
"Correct, Papa. Si Mama hindi maka-move on." Umirap ako sa hangin habang nakatingin sa isang travel magazine sa harap. Inilipat ko ang pahina at nagliwanag ang mata ko sa pamilyar na nakita.
"Tingnan mo, Papa, o! Merry Blossom na pala sa Japan. Ang saya! Kakatapos lang ng Merry Christmas, Merry Blossom naman."
Tumikhim si Papa, "Cherry anak, hindi Merry."
Hindi ko pinansin ang sinabi ni Papa at nanatiling nakatingin sa magazine. Inilipat ko iyon para sa mas marami pang litratong kuha sa Japan.
"Ulitin mo."
Napawi ang ngiti ko nang magsalita si Mama, seryoso siyang nakatingin sa akin. "Cherry. Ulitin mo, Hazel."
"Ma naman, nagkamali lang. Masyadong perfectionist."
"Cherry Blossom, sakura. Tandaan mo. Baka interbyuhin ka na naman at magkamali ka. Baka sabihin hindi ka naturuan."
"Cherry Blossom, sakura. My God, ayoko na ngang magsalita, lahat na lang ng sabihin ko, may nasisilip ka. Daig mo pa ang basher."
"Ano, Hazel?"
Ibinaba ko ang magazine at kinuha ang bowl ng salad, "Sa taas na lang ako kakain ng almusal, iyong hindi ako maja-judge."
Hazel Ilagan, 21. Mestiza, maganda, may dimples, biniyayaan ng freshness, ayun nga lang kinulang sa boobs pero pupwede na. Sabi ni Mama pwedeng padagdagan kapag kapit na kapit na kami sa patalim at kailangan ko nang mag-pose sa sexy magazine. Si Mama ang tumatayong manager ko, si Papa naman ang PA.
Sikat na sikat ako dati eh, pero ngayon, hindi na....
BINABASA MO ANG
Between Maybes (Novel Version)
Chick-LitAn ABS-CBN Film starring Julia Barretto and Gerald Andreson based on the screenplay of Direk Jason Paul Laxamana.