Hazel

367 29 0
                                    


Minsan, merong mga desisyon na kahit ayaw natin, kailangan pa ring gawin. Kumbaga sa larong Super Mario, kung hindi ka tatalon sa pagitan ng biyak na lupa, hindi ka makakarating sa next level ng laro. Pero wala ako sa laro, buhay ko ito. Ano ba, Hazel? Umayos ka.

Tiningnan ko si Louie na parang mayroong banner sa mukha na 'Kaya mo yan, Hazel Ilagan!' , naroon siya sa harapan ko sa kabilang banda ng lamesa. Kinuha ni Louie ang kamay ko at hinawakan ng mahigpit. Ilang beses akong huminga ng malalim habang hinihintay na lumabas sa screen ng cellphone ko si Papa.

"Hazel? Hazel?" Napatuwid ang upo ko nang marinig ko ang boses ni Papa.

"Hello.. Pa..."

"Ano ba itong nabasa namin sa tabloid na nasa Japan ka raw, anak?" Inilayo ni Papa sa mukha niya ang cellphone kaya naman ngayon, nakikita ko na lang ang kamay niya.

"Naka-video ka, Pa."

"Ay ganun?" Inayos ni papa ang posisyon ng cellphone niya, "ayan." Inilapit pa niya ang labi sa mouthpiece ng phone, "ano, anak? Bakit 'di mo sinasagot ang mga tawag namin ng Mama mo? Nasaan ka ba?"

"Sa Japan po."

"Japan!? Kinukulit kami ni Direk Fred tungkol sa audition next week! Hindi na namin alam kung paano ka pa pagtatakpan."

'Si Hazel ba iyan?' Narinig ko si Mama sa background, namutla kaagad si Papa.

"Hala, ang Mama mo! Sige, baba ko muna—"

"Huwag. Akin na. Kausapin ko."

Bago pa ibigay ni Papa ang cellphone niya kay Mama, inagaw na ito sa kanya. Gusto kong iiwas ang tingin ko sa galit na galit na mukha ni Mama pero dumating na nga yata ako sa puntong pagod na pagod na talaga ako na makipagtalo. Gusto ko na lang sabihin ang nilalaman ng puso ko kasi tapos na akong sumabog. Napalitan na ang lahat ng pamamanhid at alam kong mas mapanganib ako kapag ganito. Pinipili ko pa ring maging mabuti kagaya ng sinasabi ni Louie. Na kasalanan ko na kung magiging masamang tao ako sa ending dahil pinalaki ako sa maling paraan.

"Mabuti naman at naisipan mong tumawag! Kapal ng mukha mong 'di sagutin ang mga tawag namin. Ano, akala mo kaya mong wala kami ng Papa mo? Tinatakwil mo na kami? Nagmamalaki ka na?"

"Hindi ako tumawag para makipag-away." Kalmado kong sabi.

"Nasaan ka?"

"Nandito nga sa Japan."

"Ano? Magja-Japayuki ka na lang? Ha? Pagkatapos ng lahat, sa ganyan ka lang mauuwi?"

"Hindi ako magja-Japayuki! Tumawag ako dahil... gusto ko lang mag-sorry." Pinakawalan ko ang pinanghahawakan kong galit noong mga nakaraang araw. Bakas ang gulat sa mukha ni Mama. Ilang segundo siyang natahimilk at nagsimula nang mamula ang mga mata.

"Ang hapdi mong manumbat, Hazel. Pinapalabas mo, puro pera ang habol namin sa'yo. Palibhasa hindi mo naranasan kung pa'no maghirap. Nu'ng bata ako? Lima lang ang panty ko. Paulit-ulit ko lang nilalabhan para may masuot. Ikaw, ilan ang panty mo? Tigmamagkano?"

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at pilit ko ring pinapatatag ang sarili. Sa tapat ko, pinipigilan ni Louie ang matawa sa narinig pero hindi ako makangiti dahil alam kong totoo ang sinasabi ni Mama tungkol sa panty. Totoong pine-pressure niya ako para sumikat pero alam ko naman na ang tanging dahilan 'non ay para hindi ko maranasan ang naranasan niya.

"Ano ba kasing problema mo, anak? Ba't 'di ka nagpaalam na pupunta ka riyan?" Humikbi si Mama. Gumuho ang mataas na pader na madalas niyang ipakita sa akin at ngayon, ang tanging nakikita ko na lang ay ang Mama ko kagaya nung bata pa ako.

"Hindi niyo naman ako papayagan, 'di ba? Kumain lang ng pizza, 'di niyo 'ko pinapayagan. Bibili lang ng bagong damit, pahirapan pa bago kayo umoo. At kung umoo man kayo, papa-guilty-hin niyo pa ako, na para bang maluho akong tao" Sumbat ko na halos tumulo ang sipon kasabay ng luha.

"Pati pakikipagkaibigan ko sa ibang tao, gusto niyo kayo ang may pasya. Tapos kapag natsismis akong suplada, ako na naman ang may kasalanan. Kapag hindi ako nakuha sa audition, kasalanan ko. Kapag may taghiyawat ako, kasalanan ko. Pambihira. Wala akong kontrol sa sarili kong buhay, pero kapag may palpak, ako ang sisisihin."

Mas lalong pumalahaw ng iyak si Mama. Ganoon din ako. Parang may showdown nga 'e. Palakasan, palaliman ng hugot. Humigpit ang hawak ni Louie sa mga kamay ko, si Mama naman yakap-yakap ni Papa. Nung hindi na niya kaya, nag-walkout. Ibinigay niya kay Papa ang cellphone.

"Usap lang kami ng Mama mo, ha? Palamigin muna natin ang mga ulo natin. Tawagan tayo ulit."

"Okay." Kahit ayaw ko.

"Basta tandaan mo, anak. Mahal ka namin ng Mama mo." Pagkasabi 'non, nawala na si Papa sa screen. Hindi roon natapos ang pag-iyak ko, pakiramdam ko kasi nagkampihan na naman iyong dalawa sa Pilipinas. Etchepwera na naman ako. Ako na naman ang masama.

Nakabukas ang mga braso ni Louie sa harapan ko, hinihintay ang aksyon ko. Lumapit ako sa kanya at nagpayakap, parang may sariling isip ang mga braso niya at alam kung gaano kahigpit ang kailangan ko. Dahil sa kanya, gumaan ang loob ko.

Between Maybes (Novel Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon