GINABI na sina Maria Elena at Evandro sa kanilang lakad dahil sa ganoong oras pa lang dumating ang mga magulang ng lalaki para magbantay sa ospital. Patungo na sila sa lugar na napagkasunduan nila ng reporter na si Melchor Tiangco. Natawagan na ito kanina ni Evandro at handa raw itong makipagtulungan sa kanila.
Isa rin si Melchor Tiangco sa mga reporter na hindi masaya sa pagkapanalo ni Felipe sa eleksyon. Kabilang kasi ang mga magulang nito sa mga nabiktima ng human rights violation noon sa panahon ng pamumuno ng ama nito. Kaya naman nang si Felipe na ang maupo sa puwesto, naalala nito ang lahat ng sakit at paghihirap na idinulot ng ama nito. Kaya wala rin itong tiwala sa magiging pamumuno ni Felipe.
Habang naghihintay ito sa kanilang tagpuan, naisipan nitong tawagan sina Evandro para kumustahin kung nasaan na ang mga ito. Ngunit bago pa nito iyon magawa ay ginulat ito ng isang kamay na humawak sa balikat nito.
"Pinili mo pang makialam sa gulong ito. Pasensya ka na sa gagawin ko, ha?"
Sa isang iglap, napaigik ang boses ni Melchor Tiangco nang bumaon sa likuran nito ang isang patalim. Nabitawan nito ang cellphone at hindi na natawagan ang lalaki. Unti-unting bumagsak sa sahig ang katawan nito habang patuloy na nakabaon ang patalim dito.
Nang hindi na makagalaw ang lalaki, doon binunot ni Nemencio ang patalim sa likuran nito. Saka nito ginitilan sa leeg ang reporter bago iniwan ang bangkay nito roon. Kinuha na rin nito ang cellphone at wallet ng lalaki saka nilisan ang lugar na iyon.
Kalahating oras ang nagdaan bago nakarating sina Maria Elena sa tagpuan. Ayon sa huling text sa kanila ni Melchor Tiangco, nasa second floor lang daw ito ng abandonadong building na iyon at nakatanaw sa bintana.
Ngunit paglingon nila sa taas, wala silang nakitang tao na nakatanaw roon. Sa labas pa lang ay halatang madilim na ang buong paligid niyon sa loob.
Pinasok na nila ang gusali at ginamit ang mga cellphone nila para magsilbing flashlight. Hinanap nila ang hagdan paakyat habang patuloy na naghahanap sa lalaki.
Sinubukang tawagan ni Evandro ang reporter pero hindi na ito sumasagot. Nang makaakyat na sila sa ikalawang palapag, may napansin si Maria Elena na nakahandusay sa gitnang bahagi ng sahig. Agad nila itong nilapitan at inilawan ng kanilang flashlight.
Ganoon na lamang ang pagkasindak nila nang makita kung sino ito. Ihinarap ni Evandro ang katawan nito para makita nila nang mabuti. Nagkatinginan silang dalawa. Hindi sila maaaring magkamali. Ito nga si Melchor Tiangco!
"Ano'ng nangyari! B-bakit ganito!" mangiyak-ngiyak na bulalas ni Maria Elena.
"Mukhang alam na rin nila ang plano nating pakikipagkita kay Sir Melchor. Kaya inunahan na nila tayo. Pinatay nila si Sir Melchor Tiangco!"
"Mga walang hiya sila! Mga wala silang puso! Pinapakita na talaga ni Papa ang tunay niyang kulay!" komento ni Maria Elena.
Napalingon sa kanya si Evandro. "Dapat na talagang pagbayaran ng papa mo ang ginawa niyang ito. Masyado na siyang uhaw sa kapangyarihan!"
"Kayo ang magbabayad sa ginagawa n'yo kay Don Felipe!"
Pareho silang nagulat sa tinig na iyon. Agad silang luminga at naghanap sa paligid. Bigla namang lumabas sa pinagtataguan ang ilan sa mga tauhan na inatasan ni Don Felipe para sundan si Melchor Tiangco at tapusin ang buhay. Kabilang na roon si Nemencio.
"Walang hiya ka! Kilala kita! Isa ka sa mga matagal nang tauhan ni Papa 'di ba? Ibig sabihin ay tama nga ang hinala ko! Kasabwat niya kayo sa lahat ng mga krimeng ginawa niya!" paninigaw rito ni Maria Elena.
Tumawa lang si Nemencio. "May magagawa ba kayo para pigilan ang aking amo? Nilalagay n'yo lang sa bingit ng kamatayan ang mga buhay n'yo!"
"Bakit ka ba masyadong nagpapakatapat kay Don Felipe? Hindi mo ba alam na may tinatago rin siya sa 'yo?" asik naman dito ni Evandro.
BINABASA MO ANG
Apoy Sa Langit
RomanceSi Maria Elena Iglesias ay nagmula sa mayamang pamilya, nagtataglay ng kagandahan at kabutihang loob na sumisimbolo sa pagiging Dalagang Pilipina. Mayroon siyang butihing ina, inggiterang mga kapatid at isang corrupt na ama. Ipapakasal siya sa isang...