PAGKAGISING ni Maria Elena ay dumiretso siya sa kitchen para magtimpla ng kape. Ganado siya sa umagang iyon dahil wala na roon si Maria Isabel. Nakatira na ito sa bahay ng asawa nito at bihira na lamang kung umuwi rito. Si Maria Lucia naman ay palagi na ring wala sa bahay at kasama naman ang nobyo nito.
Ang mas nakapagpapagaan pa sa loob niya ngayon ay ang abuela nilang tuluyan nang sumakabilang buhay kaya wala nang manggugulo sa pamilya nila.
Nahinto siya sa paghalo nang tumunog ang kanyang telepono. Sinagot agad niya ito nang makitang si Evandro ang tumatawag.
"Hello, mahal?"
"Good morning, love. I have something to tell you. Can we meet on St. Plaridel Hospital?"
Nangunot ang noo niya. "Huh? Hospital? Bakit, mahal? Ano'ng ginagawa mo d'yan?"
"Nagka-mildstroke si lola kagabi. Ako ngayon ang nagbabantay rito sa kanya. Sina mama at papa mamaya pa makakapunta rito dahil nasa work pa sila."
"Ha? Si Donya Bernadette? Na-stroke?"
"Yes, pero okay na raw siya ngayon ayon sa doctor. Nagpapahinga na lamang siya pero wala pa siyang malay. Hindi nga ako makapaniwalang malalampasan pa niya ito sa kabila ng edad niya. Napakalakas talaga niya."
"Ganoon ba? Sige, sige. Pupunta ako d'yan. Sasamahan kita sa pagbabantay sa kanya."
"Actually, hindi naman talaga iyon ang nais kong sabihin sa 'yo, mahal. Tungkol ito sa papa mo."Napalunok siya ng laway. "Bakit? Ano'ng meron kay papa?"
"I think I have a better plan for him. Bukod sa internet, balak ko ring lumapit sa isang reporter na kakilala ng pinsan ni Russell. Kailangang ma-expose din sa national television ang mga baho ng ama mo. That way, mahihirapan na siyang pagtakpan ang mga issues niya."
"Ano? Lalapit kayo sa isang reporter? Ibibigay n'yo sa kanya ang ebidensya? I-e-expose n'yo si papa sa TV?" pag-uulit niya habang bakas ang pagkagulat sa mga mata.
"Kaya nga nais sana kitang pumunta rito para makapag-usap tayo nang maayos. I just want to have your permission bago ko ituloy ito."
"Basta kung ano sa tingin mo ang makabubuti, gawin mo na lang. Sige, pupunta na ako d'yan ngayon din. Hintayin mo 'ko."
Pagkababa niya sa tawag, bigla siyang ginulat ng tinig na bumulaga sa likuran niya. "Ano ang binabalak n'yo laban sa akin?"
Gulat na gulat na napalingon si Maria Elena. Namilog ang mga mata niya nang masilayan ang kanyang ama na nagbabaga ang tingin sa kanya. "P-Papa..."
"Sagutin mo 'ko, Maria Elena! Ano ang binabalak n'yo laban sa akin!"
Wala na siyang nagawa. Hindi na niya puwedeng takasan pa ang sitwasyon. Kinompronta na niya ang ama tungkol dito. "Kailan ka pa nagsinungaling sa akin, Papa?"
"Ano ba'ng sinasabi mo!"
"Huwag mo nang itago sa akin. Alam kong nandaya ka sa eleksyon kaya ka nanalo! Hindi ka lumaban nang patas! Hindi mo deserve ang posisyong hinahawakan mo ngayon!"
Biglang tumawa si Felipe. "Hindi ko deserve? Cuidado con lo que dices, Maria Elena! Wala nang karapat-dapat sa posisyong ito kundi ako lang! Kung hindi pa ako ang naupo rito, malamang tuluyan nang malulugmok ang buong probinsyang ito!"
"Sigurado ka, Papa? Sigurado kang napauunlad mo ang ating bayan sa ginagawa mong 'yan? Akala n'yo bang hindi ko rin alam na kayo ang nagpagiba sa bahay ng mahihirap na kumonidad? Tinanggalan n'yo na sila ng tahanan, tinanggalan n'yo pa sila ng hanapbuhay! Anong klaseng pamumuno 'yan, Papa?"
BINABASA MO ANG
Apoy Sa Langit
RomansaSi Maria Elena Iglesias ay nagmula sa mayamang pamilya, nagtataglay ng kagandahan at kabutihang loob na sumisimbolo sa pagiging Dalagang Pilipina. Mayroon siyang butihing ina, inggiterang mga kapatid at isang corrupt na ama. Ipapakasal siya sa isang...