NANG magbalik ang ulirat ni Evandro, natagpuan na lang niya ang sariling nakagapos sa isang upuan habang napaliligiran ng mga wasak-wasak na kagamitan sa paligid. Tadtad din ng alikabok ang mga ito at halos maubo naman siya sa nakasusulasok na amoy ng tila patay na daga.
Nagsimula siyang magwala at magsisigaw. Doon niya unti-unting naalala ang nangyari kanina, kung paano siya tinurukan ng injection na nagsanhi ng pagkawala ng kanyang malay.
"Aaroooon! Nasaan kaaaaa! Huwag kang duwaaaag! Magpakita kayoooo!" halos mabingi siya sa sarili niyang sigaw na ume-echo sa buong silid.
Pagkalipas ng ilang minuto, biglang nagbukas ang pinto na bahagyang ikinagulat niya. Bumungad doon si Aaron na may yosi sa bibig at may hawak na baril. Tumatawa itong lumapit sa kanya at matagal siyang pinagmasdan sa mapang-asar na titig.
Muli siyang nagwala sa kinauupuan. "Ikaw, gago ka! Pakawalan mo 'ko rito! Huwag kang duwag! Ikaw ang gusto kong makalaban, hayop ka!"
Hinithit ni Aaron sa huling pagkakataon ang sigarilyo saka ito itinapon palayo. Pansamantala naman nitong ibinulsa ang baril at nilapitan siya. Isang malakas na suntok ang pinakawalan nito sa mukha niya.
"Ayan ang gusto mo 'di ba? D'yan ka magaling 'di ba? Sige! Labanan mo 'ko habang nakatali ka d'yan! Tingnan ko kung gaano ka kalakas! Lumaban ka! Laban!"
Muli itong nagpakawala ng sunod-sunod na suntok. Mas malakas. Hindi pa ito nakuntento. Ginaya rin nito ang mga round kick na ginawa niya kanina hanggang sa siya naman ngayon ang magsuka ng dugo.
Hinawakan ni Aaron nang mahigpit ang buhok niya. Saka nito dinukot ang baril sa bulsa at itinutok sa ulo niya. "Nasaan ang lakas mo ngayon, Evandro? Gamitin mo ulit para makawala ka d'yan! Gusto mo 'kong makalaban 'di ba? Ayan ang napapala mo! Akala mo siguro uumbra ang lakas ng kamao mo sa akin, huh? Pasalamat ka nga at hindi pa kita tinutuluyan. Ayoko kasing pumatay sa mabilis na paraan, eh! Gusto ko, pinahihirapan muna hanggang sa magmakaawa sa sariling buhay! Kaya tingnan natin kung hanggang saan aabot 'yang tapang mo sa akin!"
Matalim na tumitig si Evandro dito. "Ang sabihin mo duwag ka lang! Mahina kayong lahat! Bubuo-buo ka pa ng grupo mga lampa naman! Ikaw ang leader 'di ba? Dapat tinuturuan mo silang lumaban, hindi humalik ng matanda!" Saka niya ito dinuraan ng laway sa mukha.
Mukhang napikon si Aaron sa ginawa niyang iyon. Muli siya nitong binagsakan ng sunod-sunod na suntok hanggang sa pati ilong niya ay maglabas na rin ng dugo. Hindi na halos makadilat ang kabilang mata ni Evandro. Namamaga na rin ang buong mukha niya.
Kinapkap ng lalaki ang pantalon niya. Nang makapa nito sa loob ng kanyang brief ang cellphone niya, mabilis nitong dinukot iyon nang walang pag-aalinlangan.
"Ano ang password?" bigla nitong tanong sa kanya.
"Eh...di...h-hulaan mo..." nanghihinang sagot niya.
Isang malakas na sipa ang bigla nitong pinakawalan sa mukha niya. Muli siyang nagsuka ng dugo at halos pumutok na ang mga labi niya.
"Hindi mo sasabihin sa akin? Hindi mo sasabihin?" Bigla nitong ibinato sa sahig ang cellphone niya. "Hindi mo talaga sasabihin? Ha! Hindi mo sasabihin?" Saka nito paulit-ulit na pinagbabagsak ang telepono hanggang sa mabasag na ang screen nito. Tinapak-tapakan pa nito iyon saka pinagbabato sa pader.
Kasabay ng pagkawasak ng kanyang cellphone ang pagkasira din ng mga ebidensiyang nai-record niya. Hindi na kinaya ni Evandro ang nasaksihan. Napapikit na lamang siya at tahimik na iniinda ang mga sugat at pasang tinamo.
"Pero ang galing mo rin talaga kanina, pare! Para kang si Jackie Chan! Gusto ko rin matuto nang ganoon, eh. Puwede ba kitang pagpraktisan?"
Hindi na nito hinintay ang mga sasabihin niya. Muli na itong lumapit sa kanya at limang magkakasunod na sipa ang pinakawalan sa mukha niya. Napasuka uli siya ng dugo sa lakas ng impact. Ramdam na talaga niya ang panghihina ng buong katawan. Ni hindi na rin niya kayang sumigaw o magwala.
BINABASA MO ANG
Apoy Sa Langit
Roman d'amourSi Maria Elena Iglesias ay nagmula sa mayamang pamilya, nagtataglay ng kagandahan at kabutihang loob na sumisimbolo sa pagiging Dalagang Pilipina. Mayroon siyang butihing ina, inggiterang mga kapatid at isang corrupt na ama. Ipapakasal siya sa isang...