DUMATING na ang araw ng royal visit ng Prinsipe ng England sa bansa. Nagkaroon ng malawakang pagpupulong sa isang venue sa United Nations kung saan sabay-sabay na nagmartsa ang mga sundalo habang kasunod naman nila ang sasakyan nito.
Itinuturing makasaysayan ang pagbisita ng Prinsipe dahil bukod sa ito ang kauna-unahang beses na nakapunta ito sa Pilipinas, makikipagpulong din ito sa Pangulo at iba't ibang mga lokal na leader ng bansa upang palawakin ang bubuuing alyansa at partnership ng naturang mga bansa sa iba't ibang mga sektor at industriya.
Hindi lang ang Saint Gregorio na kapital ng bansa ang bibisitahin nito. Pati na rin ang iba pang mga probinsya na nais nitong matulungan at maiangat, kabilang na nga ang Hermosa Province.
Ilang sandali pa, bumaba sa itim na kotse ang isang nakapunipormeng tauhan at ito ang nagbukas sa pinto kung saan bababa ang Prinsipe. Nang makatapak na ito sa lupa ay sumaludo rito ang lahat ng mga sundalo sa paligid at masaya naman itong kumaway sa lahat.
Mag-isa itong naglakad habang sumusunod naman dito ang mga ulo ng mga sundalo. Nakipagkamay ito sa Pangulo nang sila'y magkita at sabay na umakyat sa entablado. Pagkatapos ng munti nitong speech doon, muli itong nakipagkamay sa mahahalagang panauhin sa paligid at sabay-sabay na silang pumasok sa loob ng building kung saan magaganap ang royal meeting.
Magtatagal ng tatlong araw ang royal visit ng Prinsipe sa bansa. Ngayong araw ay ang Saint Gregorio ang una nitong binisita kasama ang mismong Pangulo ng bansa. Sa ikalawang araw naman ito naglibot sa ilang mga probinsya para makausap din ang lokal na leader ng mga ito.
Pagsapit naman ng pangatlong araw, ang Hermosa Province na ang sunod na binisita ng Prinsipe. Nagkita sila ni Felipe Iglesias sa labas ng Office of the Governor kung saan nakapila rin sa paligid ang ilang mga sundalo.
Pagkatapos ng maikling pag-uusap, sabay nang pumasok ang dalawa sa loob habang nakabantay naman sa kanilang likuran ang kani-kanilang mga tauhan.
Maraming napag-usapan ang dalawa sa loob. Mga kontratang pinirmahan, mga kasunduan, at pagtalakay sa iba't ibang suliranin ng naturang probinsya. Kinamayan din ng Prinsipe ang asawa nitong si Imelda Iglesias, at ang mga anak nitong Tres Marias na pare-parehong naka-formal attire at elegant ang mga kasuotan.
Kung kailan patapos na ang kanilang meeting, saka naman biglang nilapitan si Felipe ng isa sa mga tauhan nito. "I apologize for the interruptions. But, Sir, you have to watch this!"
Ilang sandali pa, nagbukas ang malaking TV screen sa harapan nila. Napatitig dito ang lahat. Kasalukuyang ibinabalita sa telebisyon si Felipe at ang kontrobersyang nakadikit ngayon sa pangalan nito.
Ayon sa balita, may mga nag-leak daw na audio files kaninang umaga sa internet. Naglalaman ito ng mga pag-uusap niya at ng isang babaeng hinihinalang si Senator Rebecca dahil ito lang naman ang madalas tawaging "Senadora" ng matanda. Malalim na rin ang kanilang pagkakaibigan.Hindi maganda ang maririnig sa mga files na iyon. Karamihan sa mga laman nito ay boses mismo ni Felipe na nagkukuwento sa mga krimeng ginawa nito. Kabilang na ang pandaraya sa eleksyon sa pamamagitan ng vote rigging, ang pagpapasabog nito sa sasakyan ni Pamelo Delos Santos at kung paano nito tinakpan ang krimeng iyon, pati na rin ang pagpapapatay nito sa tatay ng sarili nitong tauhan.
Marami pang natuklasan ang lahat sa mga audio files na iyon. Live pa itong ini-broadcast sa TV at hindi na rin sinensor pati ang ilang masasamang salita na lumabas sa bibig ng matanda.
Nagulantang ang lahat sa loob ng opisina. Ang Prinsipe ay napatayo sa kinauupuan habang tila nagtatanong ang mga mata sa kung ano ang nangyayari. Si Felipe naman ay napako na lamang sa kinatatayuan habang naninikip ang dibdib.
BINABASA MO ANG
Apoy Sa Langit
RomansaSi Maria Elena Iglesias ay nagmula sa mayamang pamilya, nagtataglay ng kagandahan at kabutihang loob na sumisimbolo sa pagiging Dalagang Pilipina. Mayroon siyang butihing ina, inggiterang mga kapatid at isang corrupt na ama. Ipapakasal siya sa isang...