"WALA kang kuwentang ina! Sawang-asawa na akong makasama ka! Inutil!" Hinawi ko ang pinggan na naglalaman ng mga talulot ng mga bulaklak. "Ang gara ng lasa! Pagkain ba 'tong niluto mo?!"
"P-Pasensya na, anak." Yumuko siya at marahang pinulot ang mga iyon. Inutil na, mahina't hukluban pa. Wala talagang kuwenta. Tinalikuran ko na siya at ikinampay ko ang aking mga pakpak, mabilis na lumaslagas ito sa hangin at humiwalay ang aking mga paa sa lupa.
"L-Lira, saan ka na naman pupu–"
"Wala kang pakialam!"
"Anak, t-tandaan mo..." Ano na namang gusto niya? "Mag-iingat ka sa apoy ng lamparang buhay."
Apoy ng lamparang buhay? Baliw na nga talaga siya!
Hindi ko na siya pinansin at nagpatuloy ako sa paglipad palabas ng aming lungga. Bumulaga sa akin ang mga naglipanang insekto't mga hayop. Nagkakagulo sila at tila hindi mapakali.
Napangiti ako ng matamis. Ang ganda talaga rito sa labas, hindi gaya sa loob ng aming lungga na bukod sa madumi't pangit, kasama ko pa ang ina kong gamu-gamo na walang pakpak. Dahil sa kanya, walang nais makipag-laro sa akin, walang nais makipag-kaibigan o kahit makipag-usap man lang. Sumpa siya sa buhay ko!
Lumapit ako sa beracota, ito'y halamang berde ang dagta, ipinahid ko iyon sa aking mukha bilang maskara. Tiyak na pagkakaisahan nila ako kapag nalaman nilang ako ang anak ng gamu-gamong walang pakpak.
Nakarinig ako ng malakas na sigawan kaya napatingin ako sa hindi kalayuan. Iyon pala ang pinagkakaguluhan ng mga insekto't hayop, isang paligsahan na paunahan makarating sa tuktok ng bundok. "Tandaan niyo na ang mananalo'y magkakaroon ng pagkakataon na makaharap ang diwata ng bundok na ito, siya'y tutupad ng isang kahilingan!"
Gusto ko ring matupad ang aking kahilingan, gusto kong palitan ang aking inutil na ina!
"Sasali rin po ako!" sigaw ko at humilera na.
Napangiti ang lobong may hawak ng mikropono. "Isa, dalawa, tatlo... simulan na!"
Mabilis ko silang inunahan, kinontra ko ang hanging sumasalubong sa aking mukha. Kailangan kong manalo! Kailangang ako ang unang makarating sa tuktok!
"Ang anak ng gamu-gamong walang pakpak!"
"Hayun! Unti-unting nalulusaw ang beracota sa kanyang mukha!"
"Kahiya-hiya siya!"
Nang marinig ko ang malalakas na bulungang iyon, bigla akong natigilan. Ang mga salitang iyon ay tila bubog na bumabaon sa aking dibdib. Nabingi ako, nabulag, napipi... hanggang sa mapagtanto kong napag-iwanan na ako ng iba pang mga kalahok.
"Alam mo?" Nakita ko si Pagong na matalim ang tingin sa akin. "Kung iniisip mo na walang kuwenta ang iyong ina dahil wala siyang pakpak, mas wala kang kuwenta sa ginagawa mong panghahamak sa kan'ya. Tama sila, nakakahiya ka."
Naiwan akong tulala. Hindi ko alam kung bakit kumikirot ang dibdib ko, hindi ko alam kung bakit gulong-gulo ang aking pag-iisip. Ang tanging alam ko lang, kailangan kong lumayo sa lugar na ito.
Pumagaspas ang aking mga pakpak at tuluyan akong umalis. Ano bang nangyari sa akin? Ano bang nangyari sa amin ni ina?
Bakit ako nagkaganito?
Isang malakas na ihip ng hangin ang bumugso't natangay ako nito. Hindi ako makadilat sa sobrang lakas ng hangin, matagpuan ko ang aking sarili sa isang bulwagan ng kadiliman, at sa ibaba... ay nagliliyab na apoy sa gitna ng mga sangang pakorteng lampara.
"Ito na ba ang sinasabing buhay na lampara ni ina?" Lumapit ako nang lumapit, dahan-dahan, malapit na malapit. Ang ganda...
"Anak!"
Malapit ko nang mahawakan ang maliwanag na bagay nang bahagya itong pumilantik, nagbabadyang ako'y mahagip. Pumikit ako agad dahil sa sobrang takot. Katapusan ko na!
Ngunit...
Dinilat ko ang aking mga mata... ligtas ako!
"L-Lira, anak..." Napatingin ako sa gilid at nakita ko ang aking ina na nakahiga sa lupa, ang pakpak niya... natupok ng maliwanag na apoy na iyon ang pakpak niya.
Kumawala ang mga luha ko nang umatake sa aking isipan ang alaalang iyon. Ako... ako ang batang gamu-gamo na inilagtas ni ina kaya siya nawalan ng pakpak!
"A-Anong nagawa ko?" Bahagya akong nanghina, hindi ko na kinayang ikampay pa ang aking mga pakpak hanggang sa maabot ito ng dila ng apoy. Sobrang init... nakamamatay ang init na iyon!
Sinubukan ko pang lumipad muli pero nagliliyab na ang aking pakpak at bumubulusok na ako pababa sa apoy. Iyak ako ng iyak, tinatawag ko ang aking ina ngunit wala na siya sa pagkakataong ito. D'on ko naalala ang mga salitang sinambit niya n'ong oras na iniligtas niya ako.
"Walang ina na kayang tiisin ang kanyang anak. Mahal na mahal kita, Lira."
Napaluha na lang ako. Naging masama akong anak. Patawad, ina.