"BUHAY pa ako." Ito ang unang pumasok sa isipan ng isang lalaking walang saplot. Nakahiga siya sa loob ng isang tila kabaong na yari sa bakal at napapaligiran ng mga kable, na nagmumula naman sa mga makina na nakapalibot dito. Yari sa transparent na salamin ang ibabaw at nabubuksan gamit ang isang button sa tabi nito.
Napatitig naman siya sa maliwanag na puting ilaw sa itaas niya. Malinaw pa sa isipan niya ang aksidenteng nangyari sa kanila ng girlfriend niya. Pauwi na sila noon pero sa kasamaang-palad, isang rumaragasang trak ang sumalpok sa motor na sinasakyan nila. Kaso, parang may mali sa pakiramdam niya nang sandaling iyon. Hindi niya nga lang alam.
"Gising ka na pala." Isang matandang nakaputi at may suot na salamin ang bigla niyang nakita. Kasunod din noon ay ang pagbukas ng harang na transparent glass.
Napabangon ang binata. Noon lang din niya napansin ang mga kableng nakabaon sa dibdib at ulo niya. Isa-isa niya iyong inalis na parang wala lang. Inalog-alog niya ang ulo niya. Wala siyang maramdaman, hinawakan niya ang dibdib niya at may kung anong metal ang nakabaon. Napatingin siya sa matandang nasa tabi niya. Tiningnan niya iyon sa mata na nakangisi naman.
"Sino ka at ano'ng nangyari sa katawan ko?" tanong ng binata. Tumawa naman ang matanda. Inayos ang salamin sa mata at naglakad papunta sa harapan ng isang lumang computer.
"Isa akong imbentor. Isang siyantipiko. Nasa ilalim ako ng ilang kilalang tao. Marami kami at isa na ako sa bansang ito. Professor Rex, iyon ang tawag nila sa akin."
Tumayo naman ang binata. Wala siyang pakialam kung wala siyang suot. Dahan-dahang iginalaw ang mga kamay, ang mga paa at buong katawan. Wala siyang naramdaman, parang wala lang lang. Nilapitan niya ang matandang busy sa pagpindot sa keyboard ng computer.
"Isa ka nang semi-android. May mga laman ka pa rin ng tao pero ang puso at utak mo ay makina na. Tinatawag ko iyong micro-mechanical organs. Pinapatakbo iyan ng isang bagong uri ng baterya. Isang baterya na ibinigay sa akin." Napahinto ang matanda sa pagku-k'wento nang mapatingin sa binata. Naisip nitong 'wag nang ilahad lahat. Lalo pa't hindi pa siya sigurado rito.
"Isa pa nga pala. Dahil sa ginawa ko, nawala na ang kahit anong emosyong mayro'n ka." Ngumisi pa ang matanda. Ang inaasahan kasi niyang palpak na proyekto niya noon ay heto at nagtagumpay na. Nagtagumpay sa loob ng isang taong ekspiremento niya sa patay na katawan ng binata. Isa sa mga patay na katawang kanyang kinukuha sa mga morge at pinapalitan ng mga pekeng bangkay.
*****
ISANG bungkos ng bulaklak ang iniwanan ng isang dalaga sa harapan ng isang puntod. Emannuel Lazaro ang pangalan. Ang namatay niyang kasintahan, isang taon na ang nakakaraan. Ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay niya. Ang lalaking magmula pagkabata ay kasama na niya. Ang tagapagtanggol niya sa mga nang-aaway. Ang kanyang tagapagpangiti kapag nalulungkot. Kasama rin niya ito sa lungkot at saya. Ang lalaking nangako na habambuhay siyang sasamahan.
Tumayo ang dalaga mula sa pagkakaupo sa tabi ng nitso. Pinunasan din niya ang luha niya sa mga mata. Kaso, nabigla siya nang isang naka-itim na leather jacket ang bumunggo sa kanya.
"E-emman?"
Hindi siya maaaring magkamali, ito ang boyfriend niya. Nabigla siya pero agad niya iyong niyakap nang mahigpit.
Nakatingin lang naman ang binata habang niyayakap siya ng umiiyak na dalaga. Alam niya ang pangalan ng dalaga. Ito si Rina, ang girlfriend niya. Naalala niya rin ang lahat tungkol sa kanila, pero wala siyang maramdaman.
"I-ikaw ba t-talaga 'yan?" muling tanong ng dalaga nang bumitiw sa binata.
"Ako nga."
Masiglang ngiti ang sagot ng dalaga at kasunod noon ay muli niyang niyakap ito. Hindi siya natakot. Kaso, isang matigas na bagay ang bumaon sa dibdib niya. Ang kamay ng binata.
ISANG taon pa ang lumipas matapos ang insidenteng iyon. Walang nakaalam sa pagkamatay ni Rina at ang alam ng pamilya nito ay nawawala pa rin ito. Blangko silang lahat, kaso ang hindi nila alam... nasa isang lihim na laboratoryo sa ilalim ng Luneta Park na ito. Bilang isang semi-android.
"Panahon naman siguro para subukan ang reproduction sa mga ito! Kailangan ko pa ng mga bangkay!" Isang mala-demonyong halakhak pa ang narinig sa loob ng laboratoryo. Dalawang parihabang higaan ang bumukas at iniluwa noon ang walang saplot na lalaki't babae. Ang mas maayos na semi-androids na tanging ang isang lihim na organisasyon lamang ang may alam nito. Ang organisasyong sisira sa gobyerno sa mga susunod na taon.