(Fantasy-Adventure) Mga sipi sa Diary ni Prinsipe Azaiah

54 1 2
                                    

Disyembre 1, 2014

Ika-10 ng Mayo taong 2006 nang makatakas ako mula sa isang mapanganib na kagubatan. Walong taon na'ng nakalilipas ngunit hanggang ngayo'y hindi ko pa rin makalimutan ang isang kaibigan, isang itim na Ada. Siya ang dahilan kung bakit buhay pa rin ako hangang ngayon.

Hindi ko alam kung bakit pero ginusto ko noong kaibiganin si Faelan. Prinsipe rin siyang katulad ko ngunit magkaiba kami ng mundong ginagalawan. Gayunpaman, hindi 'yon naging hadlang upang kami'y maging magkaibigan. Mariin 'yong tinutulan ng aking Ama't Ina. Inakala nilang taksil ako sa'ming lahi kaya bilang parusa'y ipinatapon nila ako sa ipinagbabawal na kagubatan. Hindi ko sila nakitang tumangis, ni wala ring bahid ng pagsisisi ang kanilang mga mata. Ang kagubatan pa namang iyon ay pinagbabawal sapagkat ang mga Adang papasok doo'y mapuputol ang pakpak at hindi na muling makakabalik nang buhay. Ang akala ko'y hindi ko na muling makikita si Faelan, nagkamali ako.

Tumawa lang siya nang makita akong sugatan. Ang sabi niya'y tutulungan niya raw akong makalabas sa kagubatan kung ipipikit ko lang ang aking mata at magpapahinga. Malaki ang tiwala ko sa kanya't hapo na rin ang aking katawan, wala akong nagawa kundi ang sumunod na lang sa kondisyon niya.

Paggising ko'y nakahiga na ako sa isang malambot na kama. Kinapa ko ang higaan dahil hindi ko masyadong magalaw ang aking ulo. Nakapa ko ang isang makinis na bagay at pag-angat ko nito'y nagulat ako sa'king nakita. Ang mga pakpak ni Faelan!

Kabisado ko ang kulay at bawat guhit sa kanyang pakpak kaya alam kong sa kanya 'yon. Hindi ko alam kung bakit ngunit kinutuban ako nang masama nang mahawakan ko ang bagay na 'yon.

Disyembre 9, 2014

*Mayo 13, 2006

Nagkaroon ulit ako ng ugnayan kay Faelan sa pamamagitan ng kanyang pakpak. Kaming mga Ada'y kayang gumamit ng aming isip upang makipag-ugnayan sa iba gamit lamang ng mga bagay na iniwan nila. Nahirapan lang ako dahil nasa mundo ako ng mga mortal ngayon. Sinabi niyang makakabalik lamang ako sa'ming mundo kung isasakripisyo ko ang isang parte ng aking katawan sa balong nasa loob ng kweba. Natunton ko ang lugar na sinabi niya. Ngunit, ang pinagtatakhan ko lang ay: Paano siya nabuhay nang wala ang kanyang pakpak? Paano niya 'ko nadala rito?

*Mayo 14, 2006

Labag man sa kalooban kong isakripisyo ang kaliwa kong kamay, ginawa ko pa rin dahil sa kasabikan kong makasamang muli ang aking kaibigan. Tumalon ako sa balon dala ang palakol upang ipangputol sa'king kamay.

Hindi matingkalang sakit ang naramdaman ko nang makatungtong akong muli sa lupain ng mga ada, ang Lenticia. Nagulat ako nang mapansing wala na doon ang kagubatan. Naging itim na ang noo'y kulay lilang kalangitan at gumuho na rin ang aming palasyo.

Nakaka-ilang hakbang pa lang ako nang bigla akong napatakip ng aking ilong. Ito'y dahil sa nakasusulasok na amoy ng mga putol na katawan at pakpak ng aking mga ka-uri. Nakakalat lang ang mga 'yon sa paligid. Sa 'di kalayuan nama'y may isang Ada'ng nakangisi sa'kin. Ang una kong napansin sa kanya ay ang kanyang mapupulang mata, sunod ang kanyang mga pangil at napakalaking itim na pakpak. Hindi ako agad nakakilos sa'king nasaksihan. "Faelan ikaw ba 'yan?" tanong ko sa kanya. Wala akong nakuhang sagot. Nakatitig lang ako sa kanya nang bigla niya akong sinugod. Akala ko'y sasaktan niya ako gamit ang mahahaba niyang kuko. Sa halip, niyakap niya ako nang mahigpit. "Ako nga-" ngumiti siya sa'kin at iwinasiwas ang kanyang kamay upang matanggal ang nakaipit na laman sa kanyang kuko "-maligayang pagdating sa'ting kaharian."

*Mayo 15, 2006

Hindi ko matanggap nang sinabi niyang planado ang lahat ng nangyari sa'kin! Ang lahat kasama na'ng pagiging magkaibigan namin. Napaluhod na lang ako sa sobrang pagkadismaya. Ano pa nga bang aasahan ko sa isang itim na Ada? Talagang napakasama niya.

Napaigtad na lang ako nang bigla siyang lumuhod sa'king harapan at hinalikan ako sa labi. Malalim at marahas. Pinilit ko siyang itulak ngunit sadyang napakalakas niya. Nakita kong kumuha siya ng katana mula sa patay na Ada at isinaksak 'yon sa'king dibdib.

Pagdilat ng aking mga mata'y si Faelan agad ang una kong nakita. "Akin ka na... habang-buhay" aniya. Hindi ko mapigilan ang aking pag-iyak habang siya'y patuloy sa pagtawa. Naaninag ko sa kanyang mga mata ang aking repleksyon, ako na nangingitim at patuloy na nagbabago. Isang halimaw na muling binuhay upang maging katulad niya.

Disyembre 10, 2014

Walong taon na'ng nakalilipas ngunit wala pa ring pagbabago. Bihag pa rin ako ng kaibigang minsang nagligtas at sumira ng aking buhay at dangal.

Oval 2: The Hunt For Top 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon