"Ayoko na rito. Gusto ko nang lumabas sa aklat na ito," ani ko kay Sophia, ang nag-iisa kong kaibigan.
Nanlaki ang mga mata niya. "Ano ka ba, Kesya," saway niya sa akin. "Bawal tayong lumabas sa aklat na ito. At saan ka naman pupunta?"
Ngumisi ako. "Kanina, habang binabasa tayo ni Mommy Dione, nakita ko ang isa pang aklat ni Roberto Matute. Alam mo naman na napakaganda ng mga isinusulat niyang mga kwentong pambata. Gusto ko ring makilala ang iba pang mga tauhan ng mga kwento niya at makita kung magaganda rin ba sila kagaya natin."
Umiling-iling si Sophia. "Narinig mo iyong kwento ni Mommy Dione tungkol sa maliit na gamu-gamo?"
Nanulis ang nguso ko. "Sino namang hindi? Iyon nga ang paborito ni Kiko sa lahat. Ano bang nakita niya doon sa kwentong iyon? Wala iyong mga guhit na mga larawan hindi katulad sa atin. At ang tanda-tanda na ng kwentong iyon. Panahon pa ni Rizal." Kamakailan ko lang nalaman na si Rizal pala ang itinuturing na pambansang bayani ng mga Pilipino.
"Aral, Kesya. Iyon ang binabalik-balikan ni Kiko. Aral na nagsasabing matutong makinig sa mga payo ng mga magulang. Hindi lang mga magulang kundi pati na rin sa mga taong nagmamalasakit sa iyo."
"Ewan ko sa iyo."
*****
NASA may talon si Sophia, minamasdan ang pagbagsak ng tubig. Pilit na kinukuha ng mga ibon ang atensyon niya subalit nakapokus lang siya sa tubig. Napangiti siya. Alam ko na kung ano ang pinagmamasdan niya ngayon. Iyon ay ang mga makukulay na isda. Palagi niya iyong ginagawa tuwing hapon hanggang sa magtakipsilim na.
Pagkakataon ko na itong lumabas.
Pinagmasdan ko ang labas. Ang liwanag na nagmumula sa buwan ang tanging nagbibigay ng ilaw sa kwarto ni Kiko. Ayos na rin ito. Hindi makikita ni Kiko ang paglipad ko.
Sinimulan kong itapak ang kanang paa sa sahig. Ang lamig. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito kalamig na temperatura. Subalit, masasanay rin siguro ang katawan ko kapag tumagal ako sa labas. Hindi makapaghintay, iniwan ko ang aklat at lumipad.
Tumawa ako at nagpaikot-ikot sa loob ng kwarto. Ang sarap sa pakiramdaman. Ito pala ang labas. Parang gusto ko na dito manirahan.
Isang maliwanag na bagay ang dumaan.
Ano iyon?
Sinundan ko ito at doon ko lang napagtanto na isa iyong gamu-gamo.
Hinarangan ko ang daan niya. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa gamu-gamo. "Walang lampara rito kaya umalis ka na! Shoo!" Itinulak ko siya palabas ng bintana. Sa wakas, wala na ring istorbo. Ano na ang susunod kong gagawin? Tama. Muntik ko nang makalimutan. Hahanapin ko pala ang aklat ni Roberto Matute.
Ilang sandali ang lumipas, nakita ko na rin ang hinahanap ko. Nasa pinakaitaas ito ng hilera ng mga aklat. Nanginginig ang mga kamay ko nang hawakan ko ang pabalat. Ang tingkad ng mga kulay na ginamit.
"Si Prinsesa Anastasia at ang Gamu-gamo," basa ko sa pamagat.
Napasimangot ako. Ano ba ito? Maging si Roberto Matute, paborito ang gamu-gamo?
"Anong ginagawa mo sa tahanan ko?" Si Prinsesa Anastasia. "At nasaan ang alaga ko? Nakita kitang pinalabas mo siya."
"Ha. Hinawakan ko lang naman. Huwag mo ring hanapin sa akin ang gamu-gamong iyon. Kung gusto mo, ikaw ang humanap sa kanya. Makaalis na nga. Kung alam ko lang. Sinayang ko lang pala ang oras ko sa inyo."
Mayamaya'y lumindol. Agad na nagtago si Prinsesa Anastasia sa tahanan niya. Napahinga ako nang maluwag nang tumigil din ito.
"Diyan ka na muna," sabi ni Kiko sa aklat na pinapatungan ko. Akala ko ba natutulog na ang batang ito? Itong iba, ipapasunog ko na kay Aling Inday. Ang gusto ko lang basahin ni Mommy ay tungkol lang sa mga gamu-gamo. Aling Inday, kayo na po ang bahala sa mga aklat na iyan."
"Nakung bata ka. Sayang naman ang mga ito."
"Bibili na naman ng bago si Mommy bukas."
Lumipad ako patungo sa mga aklat na nasa kamay ni Aling Inday. Isa-isa kong binasa ang mga aklat. Tumigil ang puso ko sa pagtibok nang mapansing kasali ang tahanan namin.
Si Sophia. Kailangan ko siyang iligtas.
Hindi niya naririnig ang usapan sa labas kung pinili niyang hindi makinig. Para sa kanya, kapag nasa loob siya ng aklat, ligtas na siya.
Tumigil kami sa labas kung saan naghihintay ang pinakamalaking apoy na nakita ko. Sa tabi nito ay ang gamu-gamo.
Napakaliwanag. Napakainit. Hanggang sa...hanggang sa itapon ni Aling Inday ang mga aklat sa naghihintay na apoy.
Mas lalong lumaki ang apoy...at ako....Wala akong magawa kundi ang pakinggan ang iyak ng pagmamakaawa ng nag-iisa kong kaibigan.
