"TAHANan"
Kay tagal na panahon kong ninais matagpuan,
Lugar na magbibigay sa akin ng tunay na kaligayahan,
'Yung sa aki'y magpapatahan,
Dahil kahit sa pagtulog ay hindi ko iyon makamtan.
Nakapikit na ang mata't nakahimlay na ang katawan,
Ngunit ang isip ko'y patuloy pa rin sa pagtakbo't paghakbang,
Tinatahak ang tila walang katapusang bakit, paano at kailan,
Kailan kaya magkakaroon ng busilak na kasiyahan?
Kaya't labas na kagalakan ang aking naramdaman,
Nang Siya'y dumating at dalangin ko'y tinuran,
Ako'y niyakap sa mga panahon na wala nang maintindihan,
Pagbibigay ng kasiguraduhan sa tuwing may takot at pag-aalinlangan,
Patuloy na nananatili kahit lahat ng tao'y tumalikod man.
Nagsisilbi kong tahanan sa mundong ang hatid ay kapaguran,
Nagagawa kong ipayapa ang puso't isipan,
Nagkakaroon ng kapanatagan,
Dahil alam sa sariling Siya'y palaging nariyan.
Yahweh ang Kanyang ngalan,
Sa puso ko'y palaging nananahan,
Palagi't palagi itinatatak sa aking isipan,
"Ika'y sapat, hindi ka kulang."