CHAPTER 09

350 26 2
                                    





"ALAM mo, Boyet, one hundred percent sure ako na si Zelda 'yong babae na nakita ko sa coffee shop. Magkaparehas sila ng katawan tapos Grizelda ang pangalan niya. Kapag inalis mo 'yong Gri sa pangalan niya ay Zelda na lang ang matitira! Pagkatapos—" Biglang sinalpakan ni Boyet ng tinapay na mamon ang bunganga ni Conan habang walang preno ang kaniyang pagsasalita.

Nakatambay sila sa harapan ng isang bakery sa kanilang lugar ng hapon na iyon.

"Si Zelda na kung si Zelda! E, ano naman kung iisa sila? Crush mo? Tinarayan ka nga lang sabi mo sa kwento mo, 'di ba? Saka sa lawak nitong Pilipinas, malabo nang magkita pa kayong dalawa!" ani Boyet sabay kagat nang malaki sa mamon nito.

"Ewan ko sa'yo! Hindi ko alam kung bakit kita naging kaibigan. Sobrang nega mo, Boyet!"

"Sinasabi ko lang ang mas posibleng mangyari kesa sa ilusyon mo para hindi ka gaanong masaktan." Napakamot ito sa likod ng ulo. "Maiba ako. Kumusta na pala 'yong paghahanap mo sa tatay mo?"

Agad na nilukob ng lungkot si Conan nang mabanggit ng kaibigan ang kaniyang tatay. Totoo na hinahanap niya ito. Matagal na. Ngunit sumuko na siya dahil pakiramdam niya ay naghahanap siya ng isang karayom sa isang tambak ng dayami. Ilang presinto na ang pinagtanungan niya kung meron bang record doon ang tatay niya pero wala.

Sa presinto siya naghahanap dati dahil hindi lingid sa kaalaman niya na isang tulak ng ipinagbabawal na droga ang tatay niya. Kaya baka nahuli na ito kaya hindi na nakauwi sa bahay nila. Sumasagi sa isip niya minsan na baka wala na ito. Baka napatay ito sa isang engkwentro o raid tapos hindi naibalita. Pero malakas ang pakiramdam niya na buhay pa ang ama niya. Hindi niya nararamdaman na nasa impyerno na ito.

"Wala ka pa rin bang balita sa kaniya?" tanong ni Boyet. Dumighay ito matapos na humigop sa straw na nakasaksak sa plastik na may laman na softdrinks.

Umiling si Conan. "Wala pa rin. Mukhang ayaw magpahanap ni tatay, e. Alam mo naman na wanted siya dahil isa siyang tulak. Saka tumigil na ako sa paghahanap sa kaniya. Kung uuwi siya, umuwi siya. Kung hindi, bahala siya sa buhay niya." Pabalewala niyang sabi kahit sa loob niya ay nasasaktan siya.

Close kasi si Conan sa tatay niya. Bata pa lang siya ay ito na ang kakampi niya. Kapag pinapagalitan siya noon ng nanay at lola niya ay palagi siyang ipinagtatanggol ng kaniyang ama. Ito rin ang palaging gumagawa ng laruan niyang baril-barilan gamit ang kahoy o sanga ng puno. Marami siyang magagandang alaala sa kaniyang ama kaya kahit pa isang kriminal ang tingin ng lahat dito ay alam niya na isa pa rin itong mabuting ama.

Matapos kumain ni Boyet ay nagpaalam na ito sa kaniya dahil may kailangan pa itong gawin.

Masyado pang maaga para kay Conan ang oras na iyon para umuwi. Gusto sana niyang rumaket pero wala siyang makitang maaaring pwedeng mabiktima. Nirereserba rin niya ang kaniyang energy sa operasyon na gagawin nila sa isang gabi. Doon naka-focus ang utak niya dahil bukod sa isa iyong malaking operasyon ay delikado pa. Hindi basta-bastang mga tao ang magiging ka-transaksiyon niya. Isa iyong mafia group!

Kaya hindi siya pwedeng pumalpak. Hindi siya maaaring mamatay dahil marami pa siyang pangarap sa buhay. Kailangan pa siya ni Lola Marie at baka kapag natigok siya ay pabangunin pa rin siya nito sa hukay. Nakikini-kinita na niya ang gagawin ni Lola Marie sa sandaling mamatay siya.

Kahit ayaw pang umuwi ni Conan ay napilitan na siya dahil sa wala siyang maisipan na gagawin. Naabutan niya sa bahay na nagsasaing na si Lola Marie.

"Ang aga mo naman magsaing, 'la. Ala-singko pa lang ng hapon, a!" pakli ni Conan. May lutong ulam na rin sa maliit nilang lamesa. Itlog na maalat na may kasamang hiniwang kamatis at sibuyas.

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon