CHAPTER 11

390 18 3
                                    





"ARAY KO!" igik ni Conan nang bigla niyang nakagat nang hindi sinasadya ang dila niya habang ngumunguya siya ng pandesal na isinawsaw sa kape.

Kasalukuyan silang nag-aalmusal ni Lola Marie.

"O, anong nangyari sa iyong bata ka?"

"Wala po, 'la. Nakagat ko dila ko."

"Naku! May nakaalala siguro sa iyo! Bilis, magbigay ka ng number para malaman natin ang first letter ng pangalan ng nakaalala sa iyo!" Pumapalakpak pa si Lola Marie na parang excited.

"Talagang ikaw pa ang naniniwala sa ganoon, 'no? Millennial lang?" Isinubo na niya nang buo ang pandesal at diretsong ininom ang kape na nasa mug kahit mainit-init pa iyon. "Kailangan ko nang umalis, lola. Umpisa na ng bago kong trabaho ngayon, e. Bawal akong ma-late!"

"Aba, magbigay ka muna ng number! KJ mo naman, apo!"

"Seven!" Hindi na siya nag-isip.

Kinuha na niya ang backpack na nakasabit sa pako na nasa dingding. Isinukbit niya iyon sa magkabilang niyang balikat at mahigpit na niyakap si Lola Marie bago siya nagmamadaling lumabas ng kanilang maliit na bahay.

Habang naglalakad si Conan palabas ng eskinita ay naisip niya ang number na ibinigay niya kay Lola Marie. Seven. Nagbilang siya kung ano ang pang-pitong letra sa alphabet. "G?" Bulong ni Conan.

"Sino naman kayang letter G ang makakaalala sa akin—"

Grizelda! Sigaw ng utak niya.

Kung ganoon ay naaalala siya ni Grizelda?

Hindi niya maiwasan ang kiligin nang lihim. Bakit kaya siya maaalala ni Grizelda? Hindi kaya nagka-crush din ito sa kaniya? Aba, hindi malabong mangyari iyon lalo na't gwapo siya. Ang dami kayang mga kababaihan at kabaklaan ang nagpapapansin sa kaniya sa lugar nila pero hindi niya binibigyan ng atensiyon kasi naka-focus siya sa goal niya na magpayaman at mahanap ang kaniyang tatay. Masasabi niyang maswerte si Grizelda kasi nagustuhan ito ng pihikan niyang puso. Dapat ay magpasalamat pa ito sa kaniya.

Ngunit ang totoo ay kinakabahan si Conan. Kagabi pa niya iyon nararamdaman kaya nga wala pa siyang maayos na tulog. Mamayang gabi na kasi iyong operasyon na gagawin niya at hindi niya maiwasang mag-isip ng mga negatibong bagay na maaaring mangyari. Hindi niya iyon maiwasan lalo na't aminado siya na delikado ang kaniyang gagawin.

Palabas na siya ng eskinita nang may biglang umakbay sa kaniya. Muntik pa niya itong masuntok sa bunganga pero hindi niya naituloy nang malaman na si Boyet iyon. "Gago ka! Huwag mo akong ginugulat at masasaktan ka!" singhal niya sa kaibigan.

"O.A. mo naman, pare! Parang hindi ka pa sanay sa akin!" anito.

Obvious na kakagising pa lang ni Boyet. Magulo ang buhok nito at nakasuot ng t-shirt na maraming butas. Boxers shorts pa ang pang-ibaba nito at may natuyong laway pa sa pisngi.

"Kadiri ka, Boyet! Hindi ka pa yata naghihilamos!" Nagpatuloy siya sa paglalakad habang nakaakbay pa rin si Boyet sa kaniya.

"Talagang hindi ka pa sanay sa akin?" tawa nito. "Teka, saan pala ang lakad mo? Bihis na bihis ka, a. May raket ba tayo? Bakit hindi mo ako sinabihan? Gusto mo bang samahan kita?"

"Ang dami mo namang tanong! Hindi ko alam kung anong uunahin kong sagutin!"

"Iyong saan ka muna pupunta."

Hindi agad nakasagot si Conan. Hindi niya maaaring sabihin kay Boyet na itutuloy niya ang mapanganib na operasyon na iyon dahil isusumbong siya nito kay Lola Marie. "M-mag-a-apply ako ng trabaho," tugon niya.

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon