CHAPTER 10

319 29 4
                                    





PAKIRAMDAM ni Grizelda ay nakalutang siya sa mga ulap nang itaas ng referee ang isa niyang kamay at ideklara na siya ang nanalo sa fighting match. May kasiyahan na tiningnan niya ang kalaban na si Black Lily na walang malay na nakahandusay sa gilid ng ring.

Hindi naging madali sa kaniya na talunin si Black Lily lalo na at mas malaki at mas malakas ito sa kaniya. Maraming beses din siya nitong natamaan ng suntok at sipa na naging dahilan upang bumagsak siya. Isiniksik niya sa utak niya ang sinabi ng trainor niya na hindi sapat ang lakas sa pakikipaglaban. Kailangan din ang tatag at diskarte. Higit sa lahat, dapat niyang alamin ang kahinaan ng kaniyang kalaban.

Napansin niya na hindi ginagamit ni Black Lily ang kanang paa nito sa pagsipa. Palihim niya iyong pinagmasdan at nahinuha niya na namamaga ang binti nito. Doon niya nalaman na may injury ang kalaban sa kanang paa kaya iyon ang palagi niyang pinuntirya. Tinadtad niya ng sipa at suntok ang kanang paa ni Black Lily at sa tuwing ginagawa niya iyon ay napapasigaw talaga ito sa sakit.

Ginawa niya ang lahat hanggang sa tuluyan nang sumuko ang kalaban at bumagsak.

Hindi maipaliwanag ni Grizelda ang kasiyahan na kaniyang nadarama ng sandaling iyon. Masasabi niya sa kaniyang sarili na hindi nasayang ang ilang buwan na training niya. Hindi nasayang ang mga araw na bugbog-sarado siya sa pakikipag-sparring sa iba't iba niyang trainor.

Masayang umakyat sa ring si Ninong August at mahigpit siyang niyakap. "I am so proud of you, Grizelda! Alam kong ganoon din ang papa mo!" Tinapik pa siya nito sa likod.

"Yes, ninong! This is for papa!" At tuluyan nang umiyak si Grizelda.

"You did great!"

"Thank you, ninong! Hindi ako magiging ganito kung hindi dahil sa iyo!"

Hindi na sila nagtagal ni Ninong August sa ring at um-exit na sila agad. Umalis na sila sa lugar na iyon matapos na makuha ang perang kinita niya sa pagkakapanalo niya. Kahit gabing-gabi na ay dumiretso sila sa isang orphanage at ibinigay ang lahat ng premyo sa namamahala ng mga ampunan.

Simula nang tuluyang maulila si Grizelda ay naging malapit na ang puso niya sa mga batang walang tatay at ama. Nauunawaan niya ang nararamdaman ng mga ito. Mahirap ang walang mga magulang lalo na sa kagaya niyang nasanay na nasa tabi niya ang kaniyang ama at ina habang siya ay lumalaki. Tapos biglang isang araw ay wala na ang mga ito.

Kung wala siguro si Ninong August at baka matagal na rin siyang wala dahil paniguradong hindi niya kakayanin ang labis na kalungkutan. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa ninong niya na ngayon ay tumatayong ama at ina niya.

Tahimik lang si Grizelda sa backseat ng kotseng sinasakyan niya. Nasa tabi niya si Ninong August. Nakatingin siya sa labas. Ramdam niya ang pananakit ng buong katawan niya ngunit mas matindi ang sakit sa kaniyang puso. Lalo na kapag naaalala niya ang totoong dahilan ng pagkamatay ng mama at papa niya. Hindi pa rin nawawala sa puso niya ang kagustuhan na makaganti sa mga taong naging dahilan para mawala ang mga ito sa kaniyang buhay.

"You're ready, Grizelda."

May pagtatakang napalingon si Grizelda kay Ninong August sa bigla nitong pagsasalita. "Ready for what, ninong?"

"To be the boss. Nakikita ko na handa ka na."

Natameme siya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Masaya siya sa sapagkat alam niya na iyon ang landas na ginawa ng papa niya para sa kaniya. Kahit noong buhay pa ito, alam na nitong siya ang susunod na magiging boss ng mafia group na ilang taon nitong hinawakan. Ngunit hindi niya maiwasan na pagdudahan ang sariling kakayahan. Oo, ilang linggo na siyang sumasabak sa iba't ibang training. Halos mamatay na siya dahil walang pahinga ang katawan at utak niya pero alam niya na hindi pa sapat iyon para pumalit siya sa trono ng kaniyang namayapang ama.

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon