CHAPTER 03

661 44 5
                                    




MASAYA Si Conan ng araw na iyon. Paano ay papunta sila ng kaniyang mama sa mall. Ang sabi nito, bibili sila ng damit ni Lola Marie dahil sa kaarawan na nito sa susunod na linggo. Ang lola niya kasi ay masaya na basta merong bagong bestida na magagamit kapag ito ay sumisimba tuwing Linggo.

"Conan, huwag kang magtuturo sa mall, ha. Sakto lang ang perang dala ko para sa damit ni nanay. Pero 'wag kang mag-alala kasi ibibili naman kita ng ice cream pagkatapos nating makabili ng damit." Paalala ng mama ni Conan bago sila umalis ng bahay.

"Opo, mama. Saka hindi rin po ako magkukulit!" tugon ni Conan.

Sumakay silang dalawa ng jeep.

Habang nasa jeep ay iniisip na niya kung anong laruan ang ipapabili sa kaniyang mama pagdating sa mall. 'Yong robot siguro. Meron no'n 'yong kalaro niya at palagi siyang iniinggit kaya magpapabili siya no'n para hindi na siya mainggit.

Pagdating nila sa mall ay sumakay sila sa escalator. Kinarga siya ng kaniyang ina kasi baka raw maipit ang sapatos niya sa gilid ng escalator. Six years old pa lang kasi siya kaya kayang-kaya pa siyang buhatin ng mama niya.

Pumunta na sila sa bilihan ng mga damit. May napili ang mama niya na isang bulaklakin na bestida. Tinanong pa siya nito kung maganda ba. Sabi niya, oo. Magugustuhan iyon ni Lola Marie.

"Ice cream na tayo, 'ma!" Hila ni Conan sa palda ng ina nang mabayaran na nito ang damit.

"Oo. Sandali at mahubaran ako sa ginagawa mo!" Hinawakan nito ang palda sa takot na mahila niya iyon pababa.

Ibinili na si Conan ng ice cream ng kaniyang ina. Umupo muna sila sa pabilog na upuan na nasa loob ng mall. Nasa tapat lang nila iyong bilihan ng mga laruan. Hindi niya inaalis ang mata sa robot na nakikita niya sa tindahan habang unti-unti niyang dinidilaan ang ice cream na hawak.

Maya maya ay napatingin siya sa kaniyang mama. Nahuli niya itong nakatingin at nakangiti sa kaniya kahit parang pagod ang hitsura. "Bakit hindi ka bumili ng ice cream mo, mama?" tanong ni Conan.

"Wala na tayong pera, Conan. 'Di ba, sabi ko ay sakto lang ang perang dala ko. Saka makita lang kitang masaya sa ice cream ay masaya na rin ako."

Kahit bata pa siya ay nakaramdam siya ng konsensiya sa sinabi ng kaniya mama. Kaya naisip niya na hindi pala muna siya magpapabili ng robot. Saka na kapag sumahod na ulit ang mama niya sa paglalabada at pagpaplantsa nito kina Ate Diana.

"'Ma, ang sarap nitong ice cream. Chocolate. Tikman mo!" Inilapit ni Conan ang ice cream sa bibig ng kaniyang ina.

"Naku, huwag na. Alam ko na ang lasa ng chocolate." Tanggi nito sabay iwas ng mukha nito sa ice cream.

"Eh. Kahit na. Tikim ka lang. Kaunti." Pilit niya.

Parang nag-aalinlangan pang dinilaan ng kaniya mama nang kaunti ang ice cream. Napangiti siya nang malaki.

"Ang sarap nga!" Pakli nito. "Pero ubusin mo na iyan dito sa loob at kapag sa labas mo iyan kinain ay mabilis na matutunaw dahil sa mainit."

Tumango na lang si Conan at inubos niya na ang ice cream. Tumayo na silang dalawa para umuwi na. Baka kasi kung ano na ang nangyari kay Lola Marie dahil wala itong kasama sa bahay.

Paglabas ng mall ay naglakad na sila sa sakayan ng jeep. Pumila na sila kahit wala pang jeep na bumabyahe pauwi sa lugar na kanilang uuwian.

Hanggang sa may napansin si Conan na mga nagtatakbuhan na tao sa kung saan. May mga sumisigaw pa. Takot na takot ang lahat. Binuhat siya ng kaniyang mama at mahigpit na niyakap. Naramdaman niya ang takot nito.

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon