A

3 0 0
                                    


Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't-isa, tayong lahat at tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Umalingawngaw ang tugtog na ito araw-araw mula sa katabing bahay ngunit sa gabi naririnig nila ang mga ingay ng pinggan at pagkabasag ng mga salamin, mga baso, at iba pang mga basaging gamit kasabay ng mga pag-iyak, pagmumura, at pagsigaw. Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ng kanyang pinsang si Ricardo. Pamilyado na ito at kahit masipag ay magulo parin ang buhay dahil sa madalas na pagtatalo nito sa kanyang asawang si Toteng.

Nakarinig siya ng pag-iyak ngunit humalili ang katahimikan pagkatapos. Akala niya ay matatahimik na ang buhay niya at makakatulog na siya nang maayos. Pagod na pagod siya sa sandamakmak na asignaturang sinagutan niya kanina. Simula nang tumuntong siya sa kolehiyo ay hindi na siya nakakatulog at nakakakain nang maayos. Sinasabi ng iba na Time Management ang lunas para matapos agad ang mga gawain at maiwasan ang tambak. Ginawa niya nga ito at maaga siyang natutulog at gumigising, tumutulong sa buong bahay, ginagamit ang bakanteng oras sa nga mahahalagang bagay, ni wala na nga siyang panahon sa kanyang sarili, subalit hindi parin ito epektibo dahil sa tuwing natatapos niya ang kanyang mga gawain, may bago na namang nadadagdag sa Google Classroom. Sa kabila ng pagod, kinukumbinsi niya ang sarili na magiging positibo at kailanman ay hindi magrereklamo dahil pinili niya ito.

"Ano ba naman to?!" naalimpungatan siya nang may biglang sumigaw mula sa kusina. Nakarinig siya ng pagbagsak ng mga palanggana kaya bumangon siya. "Hana! Hugasan mo nga tong mga pinggan! Kakatapos ko lang maghugas pero may bago na namang nakatambak?!" nakahinga siya nang maluwag dahil tinawag ng ina ang kanyang bunsong kapatid.

"Ate, pagod ako at kanina ka pa nakahiga diyan!" sigaw naman ng kapatid at pumasok pa sa kwarto habang nagpapadyak. Bumuntong-hininga siya, kahit buong araw siyang nakaupo ay pagod ang kanyang isip. Nangingitim na nga ang kanyang mga mata dahil babad siya sa gadgets. Hindi ito mauunawaan ng kapatid dahil hindi pa niya ito naranasan. Siya ang sumasagot sa mga asignatura ng kapatid dahil tinatawag siyang madamot ng kanyang ina kapag tinatanggihan niya ito at ngayon pinapalabas ng kapatid na parang siya pa ang tamad. Nasapo niya ang kanyang noo.

"Magtutulak-tulakan pa kayo? Buong araw kong nilabhan ang mga tambak ninyong labahan! At ngayon gusto ninyong ako pa ang maghugas? Anong akala niyo sa akin, kasambahay? Hindi ina ang tingin ninyo sa akin kundi katulong! Mga walang silbi!" galit na sabi ng ina. "Hani, gumising ka nga diyan! Kanina ka pa natutulog diyan, aba'y kakarating lang ng kapatid mo! Hindi ka ba naaawa na siya na ang nag-igib mg tubig samantalang ikaw pahiga-higa lang at naghihintay na matapos ang mga gawain?"

Kahit nahihilo ay gumising nalang siya at nanatiling tahimik. Sumikip ng kanyang dibdib dahil marami siyang gustong sabihin ngunit hindi niya masabi dahil sa huli siya parin ang mali at sila ang tama. Humawak siya sa dingding para suportahan ang katawan dahil konti nalng ay matutumba na siya. Nang luminaw ang paningin ay bumaba na para sundin ang iniutos sa kanya.

"Ginagawa niyong dahilan ang pag-aaral para lang makatakas sa mga gawaing-bahay! Mga tamad!"

Napapikit siya.

Ma, hindi ako tamad...pagod ako.

Lumingon siya sa kanyang ina, pero naisip niya ang hahantungan kung magpapaliwanag pa siya. Hindi parin ito makikinig sa kanya. Binuhat niya ang palangganang may lamang pinggan at lumabas.

AWAKETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon