W

3 0 0
                                    


Akala niya ay nananaginip lang siya nang narinig ang boses ng kanyang ina, pero hindi pala dahil magsisimula na naman ang panibagong umaga na may kasamang sermon. Hindi niya ito naiintindihan. Ginawa niya naman ang lahat ng kailangan niyang gawin bilang isang anak. Nag-aral siya nang mabuti at sinikap na magtamo ng mga parangal, tumulong sa mga gawaing-bahay pero minsan lng dahil minsan abala siya sa pag-aaral, siya narin mismo ang gumawa ng paraan na kumita ng pera para matustusan ang importanteng bagay tulad ng load, gamit sa paaralan, at miryenda. May kulang pa ba? Marahil, marami pa. Isa siyang pabigat kaya nagbebenta siya ng mga munchkin para kahit papaano'y makatulong. Pinagsasabihan siya na pabigat ng ilan sa mga kapitbahay at pinariringgan sa tuwing kasabay niya ito sa pagligo, ngunit binalewala niya ang mga pagkutya.

Alam niyang balang araw ay makakabawi rin siya sa kanyang pamilya at hindi na magiging pabigat sa kanila. Ngayon ay kailangan niya munang magsikap sa pag-aaral. Mahal na mahal niya ang kanyang ina. Kahit mabunganga ito ay naiintindihan namn niya na para lamang ito sa kanyang kapakanan. Nakikita niya ang pagod nito kaya nauunawaan niya kung bakit tinatalakan siya. Pagkatapos kumain ng limang kutsarang kanin, nakatanggap siya ng link, hudyat na magsisimula na ang knilng klase kaya itinago nalng niya ang pagkain. Mamaya ay tatapusin niya ito. Mula alas otso hanggang sa alas onse 'y medya ng tanghali, nakaharap siya sa kanyng cellphone.

"Nagsaing ka na ba?" dumating ang kanyang ina dala ang mga nilabhang damit na nakasilid sa dala nitong palanggana.

"Hindi pa, Ma," sagot niya. "Kakatapos lang ng klase namin"

Hindi sumagot ang kanyang ina kaya iniwan niya ang gamit sa mesa at nagsaing.

"Bakit iniwan mo lang ang cellphone mo dito? Paano kapag nahulugan ito ng mabibigat na bagay?" inis na tanong ng ina at akmang itatapon ang kanyang cellphone, buti nalang dahil nakatakbo agad siya at napigilan ito. Binigay lang sa kanya ang cellphone at wala na siyang pambili ng bago kung sakaling masira ito. "Kapag may nakita pa akong gamit na iniiwan kahit saan, kahit ano pa yan talagang itatapon ko!" saad ng kanyang ina at nilagpasan siya.

Nakaramdam siya ng pag-alala at napatingin sa mga papel na nakatambak sa mesa. Agad niya itong itinago, baka mapagdiskitahan ito ng ina. Alam niyang pagod ito kaya iritable. Hindi madaling maging ina kaya sinusunod niya ang bawat utos nito. Sisikapin niyang maging mabuting anak.

"Buntis pala si Grace no?" natigilan siya at bumagal ang hakbang nang nagsalita ang isa niyang kapitbahay na naglalaba sa may balon.

"Oo, matagal na. Sabi ko nga ba, buntis siya hindi lang halata dahil maliit siyang babae," sagot nung isa, ang pangalan niya ay Lita.

"Naku, diba kilala siyang matalino? Pinagmalaki nga ng ina dahil tahimik at walang barkada, paano kaya nagkalaman ang tiyan niya?"

"Aba malay natin, malala na ang teknolohiya ngayon. Isang pindot lang, makakalandi ka na. Pwede kang lumandi ng patago," sabat nung isang babae na pinapaliguan ang kanyang anak. "Umayos ka!" sigaw pa nito sa bata nang gumalaw ito ng bahagya.

"Hindi porket kilalang mabait at tahimik ay wala nang tinatagong baho. Kung sino pa yung tahimik, sila pa yung mga desgrasyada"

Parang hindi siya makahinga sa mga pinagsasabi nila lalo na't tinatapunan siya nito ng mga tingin. Pakiramdam niya, siya ang pinariringgan ng mga ito pero nanatili siyang tahimik. Oo, tahimik siya pero hindi siya si Grace. Siya si Hani. Kilala niya ang sarili at kinu-kuntrol niya ang kanyang mga kilos. Ni wala nga siyang hinahangaang lalake dahil wala siyang tiwala sa mga ito. Nakikita niya ang mga dinanas ng ilang sa kanyang pinsan dahil lang sa tinatawag nilang 'pag-ibig'. Umiibig siya, hindi sa ibang tao kundi sa kanyang pamilya, lalong lalo na sa kanyang mga magulang. Dahil sa oras na wala siyang mapupuntahan, tanging sila lang ang nandun para sa kanya.

"Magpahinga ka muna, namumutla ka," nag-aalalang sabi ng kanyang ina at hinawakan ang kanyang leeg. Kahit pagod ay sandali siyang napangiti dahil kahit papaano'y naramdaman niya na siya ay mahalaga.

"Ayos lng ako, Ma. Tulog lang ang lunas nito"

"Aba sige, matulog ka muna at ako na ang gagawa ng mga gawaing-bahay"

"Pasensya na, Ma," malungkot niyang tugon. Palagi nalang sinasalo nito ang mga gawain na siya dapat ang gumawa, pero mabilis na bumibigay ang katawan niya kaya hindi siya nakakapagtrabaho ng mabibigat. Pabigat nga siya sa kanilang tahanan. Noon pa man ay naghirap na ang kanyang mga magulang para matustusan ang pagpapagamot sa kanya. Marami siyang sakit. Pinanganak siya walong buwan pa lamang, buti nalang at nabuhay siya na kumpleto ang bahagi ng katawan. May sakit siya sa puso, kaya hindi siya pwedeng masobrahan sa tawa o iyak. Hindi niya nagagawa ang pwedeng gawin ng iba at dahil dito, nakadepende siya sa tulong ng mga magulang.

Nagsisisi siya kung bakit nabuhay pa siya nang ganito, dahil nakikita niyang nahihirapan ang kanyang pamilya. Ngunit sa mga panahon na nararamdaman niya ang pag-alala ng ina, napapalitan ng sigla at pag-asa ang kanyang puso.

AWAKETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon