CHAPTER ONE

1.2K 12 1
                                    

HINDI alintana ng mga tao sa bayan ng Rio Buena ang mataas na sikat ng araw sapagkat patuloy sa pag-ihip ang preskong hangin sa paligid. Ang sentro ang pinakaabalang bahagi ng Rio Buena dahil doon ang pamilihang lugar ng mga tao. Naroon ang malaking palengke kung saan makakabili ng mga sariwang karne, gulay, prutas, at sari-saring pagkain. Marami ring tindahan doon ng iba't ibang klase ng souvenirs mula sa Rio Buena na patok sa mga turista. Naroon din ang ilang establisimyento tulad ng bangko, mga kainan, botika, klinika, at kung anu-ano pa.

Sadyang masayahin at mapagpayapa ang mga tao sa Rio Buena, bagay na labis na ikinatutuwa ni Rosa. Lumaki kasi siya sa magulong iskwater sa Maynila kaya halos lahat ng kaguluhan ay nasaksihan na niya. Katulad na lang ng nakawan, bugbugan, saksakan, barilan, at iba pa. Sa katunayan pa nga ay nasangkot na rin siya sa gulo noon. Napahawak siya bigla sa dibdib nang makadama ng pamilyar na kabog ng takot. Kapagkuwan ay ipinilig niya ang ulo, saka ipinaalala sa sarili na wala naman na siyang dapat pang ikatakot. Limang taon na siyang tahimik na naninirahan sa Rio Buena, sa bahay ng kanyang tiyahin kasama ang dalawa nitong anak, kaya malayo na siya sa anumang kaguluhan. Malayo na sa kanyang nakaraan.

Ang asawa ng tiyahin ni Rosa na si Tiyo Perding ay pumanaw na, dalawang taon na ang nakararaan. Kasabay niyang nanirahansa Rio Buena ang Kuya Tony niya subalit mula nang makapag-asawa ito ay sa kabilang baryo na nakatira ang kapatid.

Sa kasalukuyan ay ang pagtitinda ng mga bulaklak sa sentro ang pangunahing pinagkakakitaan ni Rosa. Pero hindi iyon tulad ng mga sosyal na flower shop na nakikita niya noon sa Maynila, bagkus iyon ay isang maliit na kuwadradong puwesto lamang na walang pintuan sa tabi ng kalsada. At hindi lang siya ang nagtitinda roon, sa katunayan, kabilang lang ang kanyang tindahan sa mahabang hilera ng mga bilihan doon ng bulaklak.

Sa kabuuan, ang Rio Buena ay napapaligiran ng mga puno at halaman. May mga bundok at bukirin din sa tanawin. Higit sa lahat, matatanawan ito ng puting buhangin na nalalatagan ng asul na dagat na kumikinang sa ilalim ng araw. Kaya naman hindi lang ang magandang tanawin ang pinupuntahan doon ng mga turista, kundi pati ang mga naggagandahang beach resorts. Sagana man sa likas na yaman ang lugar, ang kasimplehan ng pamumuhay ay nananatili sa mga mamamayan.

"Rosa..."

Mula sa inaayos na pumpon ng rosas ay dahan-dahang nag-angat ng paningin si Rosa. "Nicolas..." halos pabulong niyang usal nang makita ang kaibigan. Saglit siyang napamaang sa nakitang hitsura nito.  Mas nangayayat kasi ang binata kaysa noong huli niyang makita.

            "Bakit parang gulat na gulat ka? Huwag mong sabihin na namamangha ka na naman sa kaguwapuhan ko?"

            Totoong guwapo si Nicolas subalit hindi niyon napagtakpan ang panlalalim ng mga mata nito at pamumutla ng kulay.

            "Nagkasakit ka na naman ba?" usisa niya. Halos isang buwan din itong hindi dumalaw sa kanyang tindahan.

            "Nagkasakit nga ako.Kumusta ka?"

            "Ayos lang ako.Ikaw? Ano'ng naging sakit mo at ngayon ka lang nagpakita dito?"

            "Bakit, na-miss ba ako ng best friend ko?"

            Best friend, ulit ni Rosa sa sarili. Kung tutuusin ay kaunti pa lang ang naibabahagi niya kay Nicolas tungkol sa kanyang buhay. Pero walang duda, malapit ito sa kanyang puso. Napagsasabihan niya ang binata ng ilan sa mga problema niya at palagi itong handang tumulong sa kanya.

Kaya nakilala ni Rosa noon si Nicolas ay dahil nagpakilala ang binata sa kanya nang minsan itong mapadaan sa tindahan niya at bumili ng bulaklak, isang taon na ang nakalilipas. Mula noon ay palagi nang bumibili sa tindahan niya ang binata. Ikinatuwa naman niya iyon dahil madalas ay pinapakyaw nito ang kanyang paninda.

Dahil Sa Pag-ibig (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon