PROLOGUE

3.1K 36 5
                                    

"TISAY, sa'n ka pupunta?"

            "Bibili po ng gamot n'yo, 'Nay."

            Umubo nang ilang ulit ang ina ni Tisay bago muling nagsalita. "Hayaan mo na. Nababaon ka na sa utang nang dahil sa akin."

            "Hindi puwede, 'Nay. Kailangan n'yo na pong makainom ng gamot. Lumalala na naman 'yang ubo n'yo. 'Tapos nilalagnat na naman kayo." Dalawang araw nang hindi nakakainom ng gamot ang kanyang ina dahil sa kakapusan nila ng pera pambili. Hinagod ni Tisay ang likod ng ina nang muli itong umubo. Pagkatapos ay pinainom niya ng tubig.Muli rin niyang binasa ang gamit nitong bimpo, saka muling pinunasan ang katawan nito. Nakainom na ng gamot ang ina para sa lagnat kanina, lamang ay pabalik-balik iyon.

Dalawang linggo na mula nang makalabas ang kanyang ina sa ospital. Mabigat iyon sa loob ni Tisay dahil hindi pa ito lubusang magaling. Subalit wala na silang maipambayad pa ng kanyang kapatid sa ospital kaya napilitan silang iuwi na lang ito. Sa ngayon ay pinipilit na lamang nilang maipagpatuloy ng ina ang pag-inom ng mga niresetang gamot ng doktor.

Nang maospital ang ina ay tinanggal si Tisay sa maliit na restaurant na pinagtatrabahuhan bilang waitress. Madalas kasi siyang bumale roon, at may pagkakataon din na nawawala siya sa sarili sa oras ng trabaho dahil sa pag-iisip sa kalagayan ng ina. Kaya naman minabuti na lang ng among Intsik na alisin na lang siya. At ngayon ay hindi na naman niya alam kung saan manghihiram ng pera. Sa dami na ng nautangan, hindi niya tiyak kung mayroon pang magpapautang sa kanya. Sapat lang din naman sa pagkain nila sa isang araw ang kinikita niya sa pagtitinda ng mga gulay at isda sa tindahan ng kapitbahay nilang si Aling Zeny sa palengke. Samantala, ang nakatatanda naman niyang kapatid ay nagdodoble-kayod din sa pinagtatrabahuhang pabrika. Naipambayad din kasi sa ospital ang halos lahat ng naipon nito. Kaya sadyang gipit talaga sila sa mga panahong iyon.

Hindi nagtagal ay dumating ang kaibigan niyang si Tisoy.Dala nito ang nilalakong balot. Nakiusap si Tisay sa binata na bantayan muna sandali ang kanyang ina habang naghahanap siya ng pambili ng gamot.

            "Saan ka naman maghahanap ng pera? Ang sabi mo wala ka nang mautangan, 'di ba?" bulong ni Tisoy nang ihatid siya sa labas ng kanilang bahay.

            "Hindi ko alam, Tisoy. Pero kailangan ko nang gumawa ng paraan. Lumalala na naman ang kalagayan ni Nanay. Kahit gusto ko siyang ibalik sa ospital, wala naman kaming sapat na pera." Namasa ang mga mata ni Tisay. Agad naman niya iyong pinunasan. Kailangan niyang maging mas matatag sa mga oras na iyon. "Basta bantayan mo muna si Nanay, ha? Mayamaya nandito na rin si Kuya. Pakisabi na lang na umalis lang ako sandali. Akin na muna 'yang balot mo. Ako muna ang maglalako habang naghahanap ako ng pera." Inagaw niya sa binata ang hawak na basket ng balot.

            "Ang mabuti pa, dito ka na lang. Ako na lang ang maghahanap ng pera."

            "Hindi na, Tisoy. Baon ka na rin sa utang nang dahil sa pagtulong mo sa amin. Nahihiya na nga ako sa 'yo, eh. Salamat, ha?"

            Tinulak nito ang noo niya."Huwag ka ngang plastik!Wala ka namang hiya, eh. Isa pa, ayos lang 'yon. Parang pamilya ko na rin kayo."

"Ah, basta! Dito ka na lang muna." Inayos ni Tisay ang suot na sumbrero. Maiksi ang buhok niya, kaya naman nagmumukha siyang lalaki kapag nakasuot niyon. Pagkatapos ay tumalikod na siya.

"Siguruhin mo lang na wala kang kalokohang gagawin," pahabol nito.

            Saglit siyang natigilan."Ayokong mangako," aniya kapagkuwan, saka patakbong lumayo. Makailang beses siyang tinawag ni Tisoy ngunit hindi na niya nilingon pa ang binata.

            Ilang sandali pa ay naglalakad na si Tisay sa gilid ng kalsada. Tulala siya at isang bagay lang ang tumatakbo sa utak niya—ang makahanap ng pambili ng gamot ng kanyang nanay. At dahil desperada na, matalim na paraan lang ang naiisip niyang gawin. Saglit na napukaw ang atensyon niya nang may bumili sa kanya ng balot. Pagkatapos niyon ay lumakad na siya patungo sa madilim na eskinita na tumatagos sa kabilang kalsada upang isagawa ang naiisip. Alas-nuwebe na ng gabi at bihira na lang ang sasakyang nagdaraan sa eskinitang iyon. Madalas ay mga pribadong sasakyan na lang na umiiwas sa trapik ang dumaraan doon.

            Nagpatuloy si Tisay sa paglalakad hanggang sa mapahinto siya sa isang posteng walang ilaw. May natanawan kasi siyang kotse na tumigil sa kabilang kanto. Mayamaya pa ay may umibis na dalawang lalaki mula roon. Nakita niyang sumuka ang isang lalaki sa kanal. Ang isa naman ay nakasandal sa likuran ng kotse, pailing-iling habang tinitingnan ang kasama. Walang duda, lasing ang mga ito. Hindi nagtagal ay naglakad palayo ang lalaking nakasandal sa kotse. Hinatid niya ito ng tingin at nakitang pumasok ito sa isang convenience store.

Ibinalik ni Tisay ang tingin sa sumusukang lalaki. Kapagkuwan ay hinubad nito ang itim na kasuotan na nakaibabaw sa asul na polong may mahabang manggas. Inilapag nito iyon sa ibabaw, sa likuran ng kotse. At hindi nagtagal ay naglabas ito ng wallet mula sa bulsa ng pantalon at inilapag din iyon sa tabi ng hinubad na damit. Tinanggal din nito ang suot na relo at inilapag din doon. Mabilis pa sa kidlat ang naging pagkislap ng kanyang mga mata. Dumating na nga ang oras na hinihintay niya! Kumakabog man ang dibdib ay dahan-dahan siyang naglakad palapit sa lalaki.

"Lasing na lasing kayo, boss, ah!" ani Tisay nang malapitan ang lalaki. Nabigla pa siya nang makitang guwapo pala ito. Namumula ang mukha nito at hindi na rin makadilat nang maayos dahil sa kalasingan.

Hindi siya tinugon ng lalaki, sa halip ay inismiran lang. Pagkatapos ay nagtanggal ito ng butones ng polo hanggang sa ikaapat.

            "Baka gusto n'yo ng balot?"

            "Hindi ako bibili. Umalis ka na."

            Sungit! "Masarap 'to, boss!" aniya, sabay sulyap sa wallet at relong nakalapag sa kotse. Mukhang mamahalin ang relo. At tiyak niyang maraming pera din ang laman ng wallet. Lumapit pa siya nang kaunti sa kotse nito, sapat upang maabot niya ang pakay. "Tikman n'yo—"

            "I said go away!" sikmat ng lalaki, sabay sapo ng ulo. Napapikit ito nang hilutin ang noo.

            Iyon na ang pagkakataon niya! Sa ganoong anyo ng lalaki ay mabilis na hinablot ni Tisay ang wallet at relong nakalapag sa ibabaw ng kotse, saka tumakbo palayo.

            "Hey!" sigaw ng lalaki.

            Walang lingon na nagpatuloy sa pagtakbo si Tisay. Nang makaliko sa makipot na eskinita ay saka lamang siya huminto. Hinihingal na tiningnan niya ang nakuhang wallet at relo. Napangiti siya, subalit agad ding napalis nang may kamay na humawak sa kanyang balikat. Nanggilalas siya nang makita na kamay iyon ng lalaking pinagnakawan! Hindi niya inakala na hahabulin pa siya ng lalaki dahil sa kalasingan nito. Kung alam lamang niya na sumunod pala ito, hindi sana siya huminto!

            "Give it back to me!" galit na wika nito.

            Sinubakang tumakbo ni Tisay subalit agad din siya nitong nahuli. "Bitiwan mo ako!" sigaw niya. Nabitawan na niya ang basket ng balot sa panlalaban dito. Halos mapayakap na ang lalaki sa kanya sa pagpipilit nitong maagaw ang mga ninakaw niya. "Bitiwan mo 'ko!Saklolo!"At ako pa talaga ang nanghihingi ng saklolo?!

            Hindi naman nagtagal ay may sumulpot na isang lalaki na tiyak niyang nakarinig ng kanyang saklolo. Hindi ito kaagad nakilala ni Tisay. At palibhasa lasing, agad nailayo ng tumulong sa kanya ang lalaki. Subalit sa gulat niya, inundayan nito ng saksak sa tiyan ang lasing na lalaki. Bulagta! Natutop niya ang bibig.

            Alam ni Tisay na pagkatapos ng gabing iyon, ang buhay niya ay magbabago.

 

 

 

 

 

 

Dahil Sa Pag-ibig (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon