Estranghero

468 17 2
                                    

Beep! Beep! Beep! Puro busina ng mga sasakyan ang naririnig ko ngayong alas-nuebe ng gabi. Kahit nasa loob ako ng bus, nananaig pa rin ang tunog ng pagbusina nila, ang tunog na nagpapahiwatig na pagod na sila kahihintay. Ang bigat ng trapiko ngayon dito sa EDSA, Biyernes kasi at oras na ng uwian. Ako rin, pauwi sa probinsya. Siguro halos isang oras na rin kaming nakatigil at hindi umaabante. Pagod na rin ako.

Mugto ang mga mata ko hanggang ngayon. Bago kasi ako bumiyahe, naghiwalay kami ng nobyo ko. Para akong tangang umiiyak habang naglalakad sa kalsada. Ni hindi ko man nga alam kung ano ang dahilan niya, ang sabi lang, “Basta.” Hindi ko maintindihan. Bakit ganoon? Bakit may mga taong sadyang walang pakialam sa nararamdaman ng iba? ‘Yung tipong hindi nila iniisip kung makakasakit sila sa mga desisyong kanilang ginagawa. Nakakasawa na.

Janelle, ayoko na.

Janelle, itigil na natin ‘to.

Janelle, nakakasawa na.

Tatlong pangungusap. Tatlong beses na sakit. Tatlong taon ng pagtitiis. Tatlong taon ng pekeng pagmamahalan. Iisang tao. Sa loob ng tatlong taong pagsasama namin, tatlong beses ko ring pinilit na panatilihin ang relasyon namin. Ganoon ko siya kamahal. Ganoon ko kamahal si Ralph. Pero bakit nagawa pa rin niya akong iwan? Hindi ba talaga ako sapat?

“Miss, baba na po,” sabi nung kundoktor habang inis na inis na nakatingin sa akin. Sa sobrang pag-iisip ko sa nangyari kanina, hindi ko napansing nasa terminal na pala kami.

“Pasensya na ho,” paghingi ko ng paumanhin sabay tayo at baba ng bus. Maglalakad na naman ako papunta sa kabilang terminal. Umaambon pa naman, wala akong payong. Hindi bale na, kung sakaling lumakas, isasabay ko nalang ang mga luha ko.

Pagdating ko sa pangalawang terminal ng bus, agad akong bumili ng ticket patungong probinsya.

“Miss, 11:30 pa po ang susunod na biyahe. Last trip na ‘yun. Ito po ang ticket,” nakangiting sabi sa akin nung attendant. Nakakagaan naman sa loob ang ngiting ‘yun. Nakakainggit. Buti pa siya masaya.

“Sige, Miss,” sagot ko. Wala naman akong magagawa. Maghihintay na naman ako, dalawa’t kalahating oras rin ‘yun. Bakit ganito, lagi nalang akong pinaghihintay ng pagkakataon?

Umupo muna ako sa may sulok. Nananahimik at pilit na hindi pinapansin ang kagustuhan ng mga mata kong maglabas ng luha. Bumili ako ng kung anu-anong pagkain para malibang ang sarili ko.

Alas-diyes na. Isa’t kalahating oras na lang. Ang tagal. Gustung-gusto ko nang makauwi. Gusto ko nang magpahinga. Pagod na pagod na ako, ang katawan ko. Ang isip ko. Ang puso ko… pagod na pagod na.

“Miss, ayos ka lang?” sambit ng isang lalaki sa akin. Inabutan niya ako ng panyo, saka ko lang napansin na may dalawang patak ng luhang tumulo mula sa mga mata ko.

“Ah. Oo, pasensya na. Wala ito, pagod lang ang mga mata ko,” sagot ko. Pinagmasdan ko siya. Humahawig siya kay Ralph. Matangkad. Matipuno. Singkit. Hindi maputi, pero hindi rin maitim. Malinis ang pagkakagupit sa itim niyang buhok. Nakakagaan rin sa pakiramdam pagmasdan ang ngiti niya, at may maliit na dimple siya sa kanang pisngi.

Dahil bakante ang upuan sa tabi ko, umupo siya doon saka ako kinausap, “Namamaga mata mo, hindi ‘yan basta pagod.”

Hindi ako sumagot. Pinakaayaw ko sa lahat ay ‘yung pinanghihimasukan ang buhay ko.

“Nakipagbreak boyfriend mo, ‘no?” tanong niya sa akin. Naiirita ako, pero ayoko makipagtalo kaya naman nanatili akong tahimik. “Magsalita ka naman.”

Sa kabila ng pangungulit niya, wala pa ring lumalabas na salita mula sa bibig ko. Naiinis ako. Naaalala ko sa kanya si Ralph… at ayoko ng ganoon.

Sa wakas ay tumigil na siya sa pagpupumilit na magsalita ako. Maya-maya ay kinausap na nama niya ako.

“Alam mo, ang hirap maghintay. Lalo na kung wala ka namang hinihintay,” sabi niya. Bigla namang lumakas ng tibok ng puso ko. Ang sakit ng bawat pagpintig nito…

“Ano bang sinasabi mo?” sagot ko.

“Iyong tipo na, oo, magkalapit lang kayo pero alam mo sa sarili mo na wala siyang nararamdaman para sa ‘yo. Tapos naghihintay ka, nagbabakasakaling matutunan ka niyang mahalin ulit.”

“Pwede ba tumigil ka na,” seryoso kong sabi. Namuo na ang mga luha sa mga mata ko. Bakit ganito, ang sakit ng mga sinasabi niya. Bakit ngayon pa kung kailan ganyan ang nararamdaman ko? Bakit?

“Ang sakit nun, hindi ba? Iyong tipo na—”

“Sabi nang tumigil ka na!” nasigawan ko siya, pero nanatiling walang reaksyon ang mukha niya. Ano ba ‘to, nang-iinsulto? Kung alam niya lang ang pinagdadaanan ko ngayon.

Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko. Hinimas niya ang likod ko, gusto ko sanang patigilin pero hindi ko magawa. Alam ko sa sarili ko na kailangan ko ng dadamay sa akin.

“I’m sorry,” sabi niya habang hinihimas pa rin ang likod ko, “Hindi ko sinasadya.”

“A-ayos lang… Pa… pasensya ka n-na,” paputol-putol kong sabi. Nakakahiya. Huminga ako ng malalim saka nagsalita ulit. “Ang sakit lang kasi. Kasi totoo ‘yung mga sinabi mo. At ‘yun ang nararamdaman ko ngayon.”

Hindi siya nagsalita. Hindi rin ako nagsalita, tumitig lang ako sa orasan. Alas-onse na pala. Kalahating oras nalang akong maghihintay. Narinig kong tinawag na nung dispatcher ‘yung mga sasakay sa bus papuntang probinsya namin. Tumayo na ako at nagsimulang lumakad palayo sa estrangherong iyon.

“Janelle,” tawag niya sa akin. Napatigil ako sa paglakad nang sabihin niya ang pangalan ko. Halata sa boses niya na hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya. Ayokong tumingin. Ayokong makita ang mukha niyang nasasaktan nang dahil sa akin. "Hanggang ngayon pa rin ba ayaw mo akong alalahanin? Estranghero pa rin ba ang turing mo sa akin?"

“Janelle... Maghihintay pa rin ako. Maghihintay ako hanggang sa kaya mo na akong mahalin ulit. Kahit na ipinagpalit mo ako kay Ralph, hindi pa rin tumigil ang nararamdaman ko sa ‘yo. Mahal pa rin kita. Sana tandaan mo ‘yan. Sa tuwing masasaktan ka, sana isipin mo na nandito lang ako lagi para sa ‘yo… Hinding-hindi ako magsasawang maghintay para sa ‘yo kahit masakit na.

“Charles…” sabi ko habang nakatalikod pa rin sa kanya.

“Janelle, hihintayin kita,” Pagharap ko, nakakapagtaka pero wala siya. Ang kauna-unahang taong nagmahal sa akin ng totoo… Ang taong nasaktan ko ng husto na hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko… Charles.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isipan ko at tinawagan ko ang numero niya. Hindi sumasagot. Kinabahan ako bigla kaya naman tinawagan ko si Tita Angie, mama niya.

“Hello?”

“Tita Angie, si Janelle po ito. Si Charles po?”

“Diyos ko po, Janelle! Buti nalang at tumawag ka! Nandito kami ngayon sa ospital, naaksidente si Charles ngayon ngayon lang habang nagmamaneho siya pauwi galing trabaho,” naiiyak at nagigitlang sagot ni Tita. Kumakabog na ang dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag, naghahalong takot, lungkot, at sakit ang nararamdaman ko.

“P-po?! Papaanong nangyari ‘yun, samanatalang—” Naputol ang pagsasalita ko nang nakarinig ako ng mga boses na nagbubulungan sa kabilang linya, “Tita? Hello? Tita Angie, ano pong meron? Hello?”

“I’m sorry, misis…” rinig kong sabi ng isang lalaki bago tuluyang naputol ang linya.

Tahimik akong bumiyahe, tulalang nakatingin sa bintana. Maya-maya ay nakatanggap ako ng message mula kay Tita… Pero hindi siya text, litrato siya ng sulat.

Janelle, naghihintay ako… Alam kong magkakasama rin tayo. Mahal na mahal kita. – Charles.

Maya-maya pa ay nakarinig nalang ako ng matinis na tunog. Nagkagulo ang lahat sa bus, at ang huli kong nakita ay ang mukha ni Charles na inaabot ang kamay niya at nakangiti sa akin.

One Shot CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon