Chapter One

41.4K 406 2
                                    

NAPASIMANGOT si Celine nang marating niya ang huling boutique sa dulong bahagi ng mall na kinaroroonan niya. Wala na pala siyang mapapasukang shop dahil napuntahan na niya ang department store ng mall na iyon na halos linggo-linggo niyang ginagawa. Bagsak ang mga balikat na tinungo niya ang escalator. Pupunta na lang muna siya sa food court at kakain bago siya umuwi. Wala naman din siyang maaabutang pagkain sa apartment niya dahil hindi pa siya nakakapag-grocery.

     Dalawang araw na siyang gano'n. Hindi alam kung ano ang gustong gawin at kung paano palilipasin ang oras. Dapat ay nagpapahinga siya dahil siguradong uubusin na naman ng mga estudyante niya —-isa siyang elementary teacher sa Holy Angels Elementary School—- ang enerhiya niya kinabukasan pero wala na siyang ginawa sa buong weekend kundi ang magliwaliw na wala namang eksaktong pupuntahan. Minsan na nga lang siyang makapag-pahinga ay hindi pa niya sinusulit.

     Nang nagdaang araw ay pumunta siya sa bahay ng kanyang ina at binisita ito at ang mga half siblings niya. Ang papa niya ay namatay noong anim na taong gulang pa lang siya. As usual, naubos ang lakas niya sa kakulitan ng mga kapatid niya. Masyado kasing hyper ang mga ito at dahil minsan lang siyang makita ng mga ito, hindi tumitigil ang mga ito sa pangungulit sa kanya hangga't hindi siya nagagalit-galitan sa harap ng mga ito. Idagdag pa ang mama niyang ubod ng daldal. Lahat na yata ng nangyari dito mula nang huli silang magkita noong isang buwan hanggang sa nangyari nang nakaraang araw ay na-kuwento na nito sa kanya. Ganoon ka-tsismosa at kadaldal ang mama niya. Daig pa ang mga yaya ng mga estudyante niya sa pagka-tsismosa at dinadaig ang mga kapatid at mga estudyante niya sa kakulitan at ka-hyper-an.

     Bahagya siyang napangiti nang pumasok sa aalala ang kanyang ina. Kung titingnan sila ngayon ng mga taong hindi nakakakilala sa kanila, hindi iisipin ng mga iyon na dati silang mortal na magkaaway ng mama niya. Simula kasi nang mamatay ang papa niya ay parang namatay na rin ang kanyang ina. Nawalan na ito ng pakialam sa kanya at sa kapatid niya—-ang sumunod sa kanya—-kaya kinuha sila ng lolo't lola niya sa side na papa niya. Ang mga ito ang nagpaaral at nagpalaki sa kanilang magkapatid.

     Hindi rin naman siya nagkaroon ng magandang karanasan noong bata pa siya hanggang sa mag-dalaga siya. Kahit kasi naibibigay naman ng matatanda ang mga pangangailangan niya, hindi niya naramdaman kahit minsan na may pamilya siya. Madalas ay panlalait at pangmamaliit ang natatanggap niya sa mga ito maging sa mga kamag-anak niya sa side ng mama niya. Kahit nga ang kanyang ina ay mas madalas pa siyang laitin noon kaysa purihin sa mga ginagawa niya. Lahat na yata ng pangit na salita ay narinig na niya mula sa pamilya niya. Naranasan na rin niyang masabihan na hindi na nga siya maganda, hindi pa rin maganda ang ugali niya. Ni minsan ay hindi siya sinuportahan ng mga ito sa mga bagay na gusto niyang gawin kaya lumaki siyang walang tiwala sa sarili at mababa ang self-confidence. Ngunit kahit ganoon ay pinatunayan naman niya sa mga ito na may mararating siya sa buhay kahit na hindi siya suportado ng mga ito. Oo nga at wala siyang problema sa pinansiyal na pangangailangan dahil binibigyan siya ng mga ito ngunit bago siya nakakakuha ng pera galing sa mga ito, sangkatutak na sermon at kung ano-anong bagay muna ang sasabihin ng mga ito sa kanya. Na para bang sa kung saan-saan lang niya ginagastos ang binibigay ng mga ito. Doon siya nag-umpisang mag-rebelde at humanap ng part-time job. Pagdating naman sa emotional comfort na hindi niya nakukuha sa pamilya niya, sa mga kaibigan niya madalas na nakukuha iyon. Iyon nga lang, palagi naman siyang naiiwan sa ere ng mga kaibigan niya kapag wala nang kailangan ang mga ito sa kanya. Mabuti na nga lang at hindi naman lahat ng nagiging kaibigan niya ay ganoon kaya hindi siya nawawalan ng pag-asa na mayroon pa rin siyang mga totoong kaibigan na makakapitan at makakasama.

     Naging mas matatag ang loob niya habang lumalaki siya, iyon nga lang hindi na nawala ang mga insecurities niya sa katawan. Hindi man niya pinahahalata sa ibang tao lalo na sa mga kamag-anak niya, nasasaktan siya kapag kinokompara siya ng mga ito sa iba. Na para bang wala siyang binatbat sa ibang tao pagdating sa dami ng kayang gawin sa buhay.

Suddenly, It's Love [Unedited version, Published under Phr] (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon