Chapter Eight

11.5K 214 1
                                    

CELINE went to her brother's condo unit that day to spend the whole day with his one and only baby brother. Nami-miss na niya ito dahil bihira na silang magkita simula nang muling bumalik sa buhay niya si Ethan. Mas madalas pa niyang kasama ang binata kaysa sa kapatid niya. Ni hindi na nga niya natatawagan o nate-text ito.

     "Baka naman sunugin mo ang kusina ko ha." biro nito. Nakaupo ito sa dining table habang pinapapak ang chocolate cake na dala niya.

     Hinarap niya ito at dinuro gamit ang sandok na gamit niya. "Hoy, lalaking hindi marunong magluto, hindi ka puwedeng manlait ng babaeng marunong magluto, okay? Ni hindi ka nga marunong mag-prito eh." pambubuska niya dito. Bata pa lang sila ay hindi na ito lumalapit sa kusina dahil katulad niya, takot din ito sa mantika. Ang pinagkaiba nga lang nila, nag-aral siya kahit papa'no samantalang ito ay umaasa pa sa luto ng ibang tao.

     "If I know, konti lang ang alam mong lutuin at nagre-rely ka lang sa cook books." Hindi papatalong banat nito.

     Sumimangot siya bago muling bumaling sa niluluto niya. "Atleast marunong magluto hindi katulad mo, pagpapainit lang ng tubig ang alam. Kawawa naman ang mapapangasawa mo kapag nagkataon."

     "Ano namang gusto mong sabihin? Na suwerte sa'yo iyong Ethan na iyon dahil marunong kang magluto? Ang corny mo, Celine."

     Pumalatak siya. Magkasundo na naman ito at si Ethan pero kung minsan, iniisip niyang hindi pa rin tanggap ng kapatid niya na may nobyo na siya. Hindi naman kasi ito sanay na may kahati sa atensiyon niya. Noon kasi, palagi niya itong inaasikaso. Silang dalawa na nga lang ang magtutulungan, iiwan pa ba nila ang isa't-isa? Kaya siguro naga-adjust pa din ito.

     Tinapos muna niya ang pagluluto bago sinaluhan ang kapatid niya sa mesa. Umupo siya sa harap nito at nangalumbaba. "Bakit parang ang bitter mo pa din kay Ethan?" nagdududang tiningnan niya ito ng mataman. "Siguro nagseselos ka 'no? Umamin ka Liam, may crush ka kay Ethan 'no?" kunwari ay naghihilakbot na bulalas niya.

     Naaasar na binato siya ito ng nadampot nitong kutsara. Tatawa-tawa lang na inilagan niya iyon. Like sister, like brother talaga sila kahit kailan. Bihira nilang gawin ang mag-bonding ng ganoon dahil madalas ay abala sila sa kanya-kanyang trabaho. Minsan lang din silang magkasundo dahil madalas ay para silang aso't-pusa. Natatawa nga sa kanila ang ibang mga kamag-anak nila dahil sila lang daw ang magkapatid na kapag hindi nagkikita ay naghahanapan pero kapag nagkita naman ay palaging nag-aaway at nagpi-pikunan.

     "Talaga bang seryoso ka diyan sa boyfriend mo?" tanong nito nang sa wakas ay tumigil sila sa pag-aasaran.

     Iniikot niya ang mga mata. "Ano bang problema sa kanya? Ayaw mo ba talaga sa kanya?"

     Huminga ito ng malalim at humalukipkip. "Alam kong alam mo na hindi ako vocal na tao at hindi ako nakikialam sa mga ginagawa mo. Isa pa, mas matanda ka sa'kin kaya alam kong alam mo ang ginagawa mo pero nag-aalala lang ako sa'yo. Akala mo siguro hindi ko alam pero hindi ba't siya iyong lalaking iniiyakan mo noon?"

     Nagulat siya hindi dahil masyado nang seryoso ang pinag-uusapan nila at hindi nila iyon nagagawa, ngayon lang kundi dahil sa sinabi nito. Kilala nito si Ethan? Alam nito ang nangyari sa kanila ng binata noon?

     "Nagulat ka 'no? Sa daldal mo ba namang iyan, nagugulat ka pa na alam ko iyon?"

     Napasimangot siya. Ang akala niya ay wala itong pakialam sa mga nangyayari sa kanya dahil hindi naman nito pinapansin iyon noon. Kaya hindi niya inaasahan na sasabihin nito iyon sa kanya ngayon. "Marami akong alam tungkol sa'yo at alam ko na hindi lang natin nagagawa iyong mga bagay na nagagawa natin ngayon dati dahil kina Lola pero hindi ibig sabihin na binabale-wala na kita, okay? Kilala ko si Ethan Agoncillo. Alam kong naging kaibigan mo siya dati. Alam kong mahal mo siya at alam ko din na iniyakan mo siya noon. Kaya hindi mo maaalis sa'kin na mag-duda sa pagmamahal na pinapakita niya sa'yo ngayon."

Suddenly, It's Love [Unedited version, Published under Phr] (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon