NAKASIMANGOT si Celine habang isinusuot ang dress na gagamitin niya para sa photoshoot na gagawin niya sa araw na iyon.
Hindi niya alam kung paano siya napapayag ng Tito Ian niya na maging model nito. Basta ang alam lang niya, naiirita siya dahil bukod sa hindi niya talaga gustong tanggapin ang alok ng Tito niya, hindi pa rin nagpaparamdam si Ethan sa kanya. Magda-dalawang linggo na din nang huli itong magparamdam sa kanya. Sinusubukan naman niyang tawagan ito sa cellphone nito ngunit hindi nito iyon sinasagot. Ang sabi naman ng mga kaibigan nito ay busy lang daw ito sa trabaho nito.
Busy his face. Hindi lang siya ang busy.
It's already been six months since he told her that he'll never leave her while she's learning to love herself. Lahat ng paraan ay ginawa nito upang matulungan siya sa problema niya sa sarili niya. Hindi siya nito iniwan. He became her constant companion, her best friend, her confidante, her enemy rolled into one. Halos hindi na nga sila mapaghiwalay dahil halos ayaw na nitong umalis sa tabi niya sa mga libreng oras nito.
Wala naman siyang reklamo sa mga ginagawa nito. Kinikilig pa nga siya lalo na kapag iniisnab nito ang mga babaeng nagpapapansin dito. Masasabi niyang kahit papa'no ay nababawasan na ang insecurities sa katawan niya dahil sa ipinapakita ng binata sa kanya. Ginagawa nito ang lahat upang maiparamdam sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Pinipilit naman niya ang sarili niyang ibalik dito ang pagmamahal na nararapat para dito pero hindi rin naman niya kinakalimutan ang sarili niya. Sa tingin niya, nagi-improve na siya kumpara noon. Tumaas ng ilang porsiyento ang self confidence niya, salamat na rin sa tulong ni Ethan.
Ngunit nitong huling dalawang linggo, nagtaka siya kung bakit bigla na lang itong nawala na parang bula. Ang lahat ng mga gusto nitong sabihin sa kanya ay ipinapadaan lang nito sa facebook o twitter. Pagkatapos nitong mag-iwan ng mensahe ay bigla na naman itong mawawala at hindi na naman niya alam kung paano ito hahagilapin.
Sa sobrang frustration na nararamdaman niya, dalawang gabi siyang nagpakalasing ngunit nang malaman nito iyon ay halos punuin nito ng mensahe ang facebook account niya. Hindi pa ito nakontento, pinabantayan pa siya nito sa mga kaibigan nito.
Lahat na yata ng mura ay nasabi na niya dito nang mag-reply siya sa private message nito. Tinakot pa niya ito na kapag hindi pa ito nagparamdam sa kanya, hindi na niya ito papansinin habang buhay ngunit hindi pa rin ito natinag. Inabala na lang niya ang sarili niya sa pagta-trabaho. Mabuti na lang at naaaliw siya sa mga estudyante niya at hindi na siya masyadong binibigyan ng sakit ng ulo ng mga ito. Iyon nga lang, hindi siya makapag-sulat ng nobela. Kahit isang chapter ay wala siyang matapos. At dahil pakiramdam niya ay na-murder na ang mga characters niya, itinigil na lang muna niya ang pagsusulat at hinayaan ang sarili na katayin ng buhay si Ethan sa isip niya.
"Ano ba 'yan? Paano kita maaayusan ng maayos kung nakasimangot ka?" nakalabing sita sa kanya ni Therese. Nakahalukipkip ito habang masama ang tingin sa kanya. Katulad niya, nakaayos din ito dahil isa ito sa mga kasama niyang magmo-model.
Lalo siyang sumimangot. "Kasi naman. Talagang ako pa ang pinag-model ng ganito? Alam ninyong ayokong nagsusuot ng mga ganitong damit tapos ako pa ang kinuhang main model sa photoshoot na 'to. Ang galing din eh 'no?" sarkastikong sagot niya. Ang pangarap pa naman niya noon ay magsusuot lang siya ng magandang gown o dress sa mga importanteng araw sa buhay niya at sa importanteng araw sa buhay ng mga mahal niya.
"Anong masama kung magsuot ka ng dress? Ang arte lang ha? Photoshoot lang naman, umaangal pa?" naiinis na reklamo naman ni Ate Gaby. Halatang hindi ito komportable sa suot nito ngunit hindi niya ito kinaringgan ng kahit na anong reklamo.
"Ang sabihin mo, naiinis ka pa rin kasi hindi pa rin nagpaparamdam si Ethan sa'yo." patutsada ni Ghenny.
Matalim na tingin ang ibinigay niya dito. "Mang-asar daw ba, Ghennyrie? Ang ganda mo eh. Takot sa'yo ang asawa mo eh. Pasensya naman ha?" sarkastikong balik niya dito. "Leche naman kasi iyang kaibigan ninyo, kung bakit hindi man lang magpakita. Ganoon ba talaga siya ka-busy para hindi man lang ako mapuntahan kahit isang minuto lang?"
BINABASA MO ANG
Suddenly, It's Love [Unedited version, Published under Phr] (Complete)
RomanceMinsan sa buhay ni Celine ay nagmahal siya ng isang Ethan Agoncillo. Guwapo, matalino, mayaman at higit sa lahat, palaging nasa tabi niya kapag kailangan niya ng makakausap. Ito ang isa sa mga taong hindi nang-iwan sa kanya noong mga panahong mababa...