KABANATA XX: HASEGAWA
Yuki
Dalawang oras sa opisina. Isang pagpupulong, ang nagaganap ngayon sa loob mismo ng opisina ni Heneral Azuma. Lahat ng mga miyembro ng pwersang militar ay narito't nakiisa. Kakatapos lamang ng malawakang ronda namin sa buong Wiseman subalit ni anino ni Klean at ni Prinsesa Shanelle ay hindi namin nakita sa halip pansamantala kaming tumigil at nauwi sa pagpupulong upang muling pag usapan ang panibagong plano.
Habang tumatagal ang paghahanap sa dalawa, mas lalong tumataas ang pabuyang nakapatong sa ulo ni Klean. Bukod pa ro'n, may malaki ring problema ang lugar tungkol sa kumakalat na balita tungkol sa isang lihim na organisasyon. Ang kutob ko'y ito rin ang organisasyong nakasagupa namin noon ni Klean bago siya nawala. Marahil gumagawa na naman sila ng paraan kung paano muling ibabangon ang grupo pagkatapos ang nangyari. May posibilidad ding maghanap sila ng mga bagong miyembro.
Dahil dito, nalilito na kami kung alin ang dapat unahin sapagkat ayon sa hari, si Klean muna ang dapat na bigyang-pansin at hayaan ang ibang bagay na kailangan sanang masolusyonan ka agad bago makapagdulot ng pinsala sa lugar at sa mga mamamayan ng Wiseman.
Kung ako ang tatanungin, wala akong balak na sundin ang utos niya 'pagkat nanaisin ko pang maparusahan kaysa ang pumatay ng kaibigan na alam ko namang may dahilan ang kanilang pagtakas. Naroon ako no'ng mga sandaling umalis sila ngunit ang hindi ko nalalaman ay kung saan sila nagpunta pagkatapos no'n.
Kilala ko si Klean, alam ko ang bagay na gusto niyang gawin at ang mga hindi. May prinsipyo at tungkulin siyang pinangangalagaan, hindi niya sisirain iyon ng dahil lang sa maling akusasyon ng mga tao. Naniniwala ako na babalik siya at sasabihin ang buong katotohanan. Ngunit paano niya gagawin iyon kung hindi na makinig ang hari? Paano kung sa pagbabalik niya'y tabak ang unang sumalubong sa kanya? Hindi ba't kawalan na iyon ng karapatan? Hindi. Hindi ganoon ang dapat mangyari.
Handa akong kumalaban sa kanila, maprotektahan ko lamang si Klean.
Sa ngayon, tahimik akong nakikinig sa mga pinagsasasabi ng mga kasamahan ko. Lahat sila'y nagbibigay ng opinyon o ideya kung saan matatagpuan at mapapaslang si Klean. Hindi ako sumisingit sapagkat hindi ko alam kung anong mga salitang lalabas sa bibig ko na tiyak ikagagalit nila.
"Kung wala si sir Klean sa Wiseman, saan naman kaya siya nanatili ngayon? Ilang araw na kaming naglilibot ngunit hindi namin siya matagpuan, sa inyong palagay saan nga ba? Ayoko mag aksaya ng panahon sa kakahanap sa taong ayaw magpakita," sabi ni Hataki.
"Kung narito siya o kung nasaan man siya, dapat sana'y lumabas na siya. Maliban nalang kung nasawi siya, ’di ba?!" komento naman ni Cei-A sabay nagkamot ng batok.
"Imposible, bakit siya masasawi? May makakapagsabi ba sa inyo na humarap siya sa labanan bago dukutin ang prinsesa?" tanong ni Zei habang nakasalikop ang mga kamay.
"Hindi maaari, hindi masasawi ang taong iyon. Kung nangyari nga iyon, dapat sana'y natagpuan na natin ang prinsesa," sabat ni Heneral Azuma.
"Itinanan kaya niya ang prinsesa?" tanong bigla ni Koichi, na ikinalingon ko sa kanya, habang namumula ang pisngi.
"Hoy, tumahimik ka nga. Hindi gagawin ni Klean iyon," sagot ko na may halong inis.
Tumawa si Koichi. "Biro lang! Bakit nagagalit ka na? Pinagtatanggol mo siya?" pabirong tanong niya, kaya binato ko siya ng hawak kong panulat. Nailagan niya iyon at nag-peace sign habang nakangisi. Nang-aasar talaga ang kumag na ito.
"Koichi, huwag mong gawing biro ito. Seryoso ang usapan, kaya magseryoso ka. Kung hindi, ako mismo ang magpapalabas sa'yo," sabi ni Sir Azuma, na seryoso na ngayon.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...