KABANATA IV

365 110 2
                                    

KABANATA IV: PAG ALALA

Shanelle

Sa Palasyo. Kinakausap ako ngayon ng aking mga magulang tungkol sa naganap na kaguluhan sa paaralan. Sunod-sunod ang kanilang panenermon sa akin. Habang patuloy silang nagsasalita, napansin kong hindi pa bumabalik si Klean. Nasaan na kaya ang taong iyon? Sinabi niyang hintayin ko siya, ngunit bakit wala pa siya?

Hindi kaya natalo siya sa kalaban? Kahit paano, nakakaramdam ako ng pag-aalala. Iniligtas pa rin niya ako, kahit alam niyang napopoot ako sa kanya. Hindi ko inaasahan iyon.

Walang takot niyang hinarap ang kalaban upang makatakas kami ni Belle. Seryoso ba siya? Handa bang magsakripisyo ang taong iyon para sa kapakanan ng iba? Iyon ba ang likas na tungkulin nila? Hindi ba niya naisip na kapag namatay siya, malaki ang posibilidad na makalimutan siya ng lahat? Ano bang iniisip niya? Mas lalo lamang akong naiirita.

"Shan, nakikinig ka ba? Kung hindi sapat sa'yo si Klean, handa kaming dagdagan ang mga magbabantay sa'yo. Nangangamba kami sa iyong kaligtasan lalo na't muntik ka nang mapahamak, kaya hindi biro ang ginagawa namin. Huwag mo nang subukang magmatigas," sabi ni ama na may halong inis sa tono ng kanyang pananalita.

"Ngunit nakabalik naman po ako nang ligtas. Hindi na kailangan."

"Ngunit sa susunod, hindi na. Delikado ngayon, tapos nagpapabaya ka pa. Shanelle, prinsesa ka at hindi karaniwang babae. Tandaan mong ikaw ang magiging susunod na reyna ng Wiseman, naiintindihan mo?" sabi naman ni ina.

"Bukas, ipapatawag ko ang lahat ng tao sa palasyo. Magkakaroon tayo ng maikling pagpupulong," dagdag ni ama. Pinagkakaisahan nila ako upang matupad lamang ang kanilang kagustuhan para sa aking buhay.

"Sang ayon ako mahal ko. Hindi tayo dapat mabahala tungkol sa nangyari sa anak natin, kaya kailangan ng pagpupulong. Bukod pa riyan, mas lalo nating paiigtingin ang seguridad sa Rendell, o ilipat na lamang natin si Shanelle sa ibang paaralan," mungkahi ni ina.

"Hindi ako papayag!" pagtutol ko. "Hindi ako bilanggo para bantayan, at malaki na ako, alam ko na ang gagawin kung mangyari ulit iyon."

Hindi pinansin nina ama’t ina ang sinabi ko, at patuloy silang nag-usap tungkol sa plano nila para sa akin na hindi ko naman gusto.

Sumimangot ako at nanahimik, ngunit bigla akong sumabat sa usapan nila nang maalala ko si Klean. "Ama, ina! Gabi na, ngunit hindi pa rin bumabalik si Klean."

"Bakit? Nag-aalala ka ba sa kanya?" tanong ni Mama na may panunukso.

Iwas tingin ako bago sumagot. "Hindi gano'n, pero bakit wala siya? Dapat nagtatrabaho siya rito ngayon."

"Akala ko ba ayaw mo sa kanya? Bakit biglang nagbago ang pasya mo?" tanong ni ina.

"Sabi ko na nga ba."

"Hay nako, bata ka pa, hindi ka magaling sa mga palusot," sagot ni ina.

"Hindi po. Iniisip ko lang na alipin siya, tapos siya pa itong parang may oras para maglakwatsa. Sayang lang ang ibinabayad sa kanya kung gano'n, saka hindi ko siya gusto. Wala namang espesyal sa kanya," mataray kong sagot, dahilan upang magtinginan sina ama at ina.

"Shanelle, mag-ingat ka. Hindi namin siya ipinadala rito para magkaganyan ka. Tandaan mo, isa kang prinsesa. Ang prinsesa ay kumikilos nang naaayon sa inaasahan ng mga tao, kaya huwag mong dungisan ang ating pamilya," mahigpit na tugon ni ama.

WISEMAN KINGDOM: The War (Revise 2)Where stories live. Discover now