Prinsesa ng Retaso

161 184 1
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Buong buhay ko, naging tampulan ako ng tukso

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Buong buhay ko, naging tampulan ako ng tukso. Puno ng galos ang aking mga paa dala na rin ng maghapong pagtratrabaho. Ang buhok ko ay hindi kasing bango ng ibang dalaga sa paaralan. Maging ang uniporme ko ay pinaglumaan lang ng anak ni Aling Ising sa kabilang kanto.

"Ehem."

Napalingon ako sa pamilyar na boses ni Lando. Malalim at malumanay gaya ng lagi kong naririnig sa loob ng silid-aralan. Matipuno ang kanyang tindig. Nakasabit ang kanyang bag sa isang bahagi ng malapad niyang balikat. Nakangiti siya sa direksyon ko. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang nagmula sa prominenteng pamilya ang taong maituturing kong matalik na kaibigan.

"Jopay, may isusuot ka na ba sa Junior and Senior Prom?"

"Nako, hindi ako dadalo."

Mabilis siyang sumimangot. Pinagsalubong niya ang kanyang mga kilay at pinanguso niya ang kanyang labi. Napatingin siya sa sahig na tila sinisipa ang kanyang anino habang lumulubog ang araw sa kanyang likuran.

"Sayang naman. Wala ka bang isusuot kaya hindi ka pupunta?"

Umiling lamang ako. Binuksan ko ang aking bag na minana ko pa sa lolo kong sundalo at ipinakita sa kanya ang loob nito. Tumambad sa kanya ang mga retaso ng tela na hiningi ko sa Home Economics. Mga pirasong damit na tatahiin ko upang ibenta namin ni nanay sa susunod na Linggo.

"Lando, masyado na talaga akong abala para sa mga ganoong kasiyahan. Ang oras siguro na ilalaan ko roon ay itutulong ko na lang sa pagtatahi ng basahan."

Mabilis siyang natigilan. Pinipigilan niya ang kanyang ngiti. Tila may nais siyang sabihin na pilit niyang ikinukubli.

"Ikaw talaga. Kaya kita---" Hindi niya itinuloy. Kinagat niya ang kanyang mga labi habang tila maluha-luha ang kanyang mga mata.

"Ano?"

"Kaya kita kaibigan, e. Sobrang bait mo." Napakamot siya ng ulo. Ramdam ko ang gigil niya habang iniiwas ang kanyang tingin. "Patayuan kaya kita ng estatwa sa gitna ng eskwelahan?"

"Baliw!"

Mabilis siyang naglakad patungo sa tabi ko. Narating namin ang quadrangle ng paaralan at kulay kahel na ang paligid. Naglalakad kami sa damuhan. Ilang sentimetro ang layo namin sa isa't isa ngunit ang anino ko ay tila nakalingkis na sa kanya.

"Amin na iyang bag mo," tangkang pagkuha ni Lando sa dala ko. "Kababae mong tao, bag mo pang sundalo."

"Huwag na!" aking pagtanggi. Tinaasan ko siya ng kilay at inambahan ng suntok. "Huwag mong minamaliit itong bag ko. Lakas makaiwas dukot 'to."

Pareho kaming naghalakhakan. Nagsalitan kami ng mga kuwentong walang ibang dinala kundi tawanan sa aming pagitan. Ganito si Lando. Magaan ang loob ko sa kanya. Magkalayo man ang aming estado ay hindi niya ako itinuring mas mababa kaysa sa kanya.

"Nandito na tayo," sabi ni Lando.

Nagulat na lang ako nang nakatayo na kami sa gate ng paaralan. Kasing laki kasi ng baseball field and layo ng gusaling aming pinamulan hanggang sa labasan. Maging ang bigat ng dalahin ko ay hindi ko na napansin dahil panay ang masaya naming kuwentuhan ng matalik kong kaibigan.

Natigilan kami sa may tarangkahan. Pinagmasdan namin ang mga pares ng lalaki at babae at ang mga usapan nila patungkol sa J.S. Prom sa darating na Sabado.Mga mag-aaral na tila walang ibang iniintindi sa mundo. Mga estudyanteng paaralan lang ang aatupagin hindi gaya ko.

"Tulala ka na naman diyan." Pinipitik pa ni Lando ang kanyang mga daliri habang kinikuha ang atensyon ko. "Sabi sa iyo sumama ka na, e."

"Ikaw talaga best friend, napaka kulit mo."

Mabilis na umasim ang kanyang mukha. Agad siyang napahalukipkip at inirapan akong bahagya.

"Sabi nang huwag akong tatawaging best friend. Ang kulit."

Pinigilan ko ang aking tawa. Parang siyang batang nagtatampo sa tuwing tinatawag ko siya nang ganoon. Nakanguso pa siya na parang isang paslit.

"Oh, sige na Lando. Ako'y mauuna na at marami pa akong tatahiin."

"Sandali lang."

"Ano na naman?"

"Hindi ka ba talaga pupunta?"

Inangat ko ang kamay ko patungo sa kanyang mukha. Tinapik ko ng tatlong beses bago kinurot ang malambot niyang pisngi.

"Hindi ako bagay sa mga ganoon, Lando."

"Eh 'di, hindi na rin ako pupunta."

"Pumunta ka!" bulalas ko. Pinanggigilan ko na ang dalawa niyang pisngi habang pinipilit pakurbahin ang kanyang mga labi. "Magagalit ako kung hindi ka dadalo."

Iniwan ko siya sa tapat ng paaralan. Gaya ng dati, nilingon ko siya ng isang beses. At gaya pa rin ng nakasanayan namin, nakatitig lamang siya sa akin habang sinisiguradong ligtas akong makatatawid sa kabilang kalsada.

Pag-uwi ko sa bahay ay agad kong sinimulang tahiin ang mga inipon kong retaso. Pinilit kong maging abala upang maalis sa aking isipan ang parating na J.S. Prom. Ngunit alas dose na ng gabi at nakatulala lang ako sa kisame. Sa gilid ng kuwarto ay isang magandang evening gown na pinahiram ulit ng isa sa mga mabubuti naming kapitbahay.

"Pupunta ba 'ko?" bulong ko.

Panay ang aking buntong-hininga kakaisip kung babagay ba sa akin ang damit.

Kung babagay ba ako para sa ganoong klaseng pagdiriwang.

Kung babagay ba ako sa taong mahal ko.

Sabado ng gabi at natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa entrada ng J.S. Prom. Natatawa ako habang inaalala ang mga nangyari bakit ako naparito. Kung paano ako kinumbinsi na pumunta nina nanay, lolo, maging ni Aling Ising kanina. Kung paano nila ako pinilit pagsuotin ng gown at dalhin sa parlor para lang magmukhang presentable.

Madilim ang paligid. May mga sumasayaw na munting liwanag na ibat' ibang kulay. Nangingibabaw ang mga malalakas na tugtog mula sa malalaking speaker malapit sa entablado. Marahan ang aking mga hakbang habang pilit kong itinatago ang mukha ko sa mga tao.

"Jopay?"

Bigla akong natigilan nang marinig ang pamilyar niyang boses. Inangat ko ang aking ulo. Lahat ng tao'y nakatitig sa akin. Maging ang mga lalaking minsan kong hinangaan sa paaralan ay nasa akin ang atensyon. Marahan silang humahakbang palapit. Nakangiti sa akin na tila ngayon lang ako nakilala.

Ngunit wala akong ibang pinansin maliban sa binatang tumawag sa akin. Nakatitig siya sa akin ilang metro lamang ang layo. Nakangiti, napakaguwapo, maligaya.

"Lando," malambing kong tawag sa pangalan ng mahal ko.

TABULARASATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon