Mga Tanong Ko

83 4 0
                                    

Ganito pala sa langit

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Ganito pala sa langit. Ang akala ko'y sa impyerno ko matatagpuan ang taong hinahanap ko ngunit laking gulat ko nang sa ibabaw ako ng mga ulap napadpad.

Alam kong isang panaginip lamang ito. Dahil hindi ko siya nagawang ipagluksa, marahil dinala ako rito ng aking diwa.

Natagpuan ko siyang nakayuko sa sulok. Sa ilalim ng puno ng niyog ay abala siya sa pahahabi ng mga dahon upang maging abaniko.

Humakbang ako palapit. Sa distansya ko ay dapat mas naaaninag na niya ang presensya ko. Nakakamao ang aking mga kamay at muli akong nakaramdam ng poot.

Lumapit pa ako lalo. Ngunit, kahit sa paraiso ay hindi niya ako pinapansin. Gaya noong nabubuhay pa siya, para lamang akong isang hangin na hindi niya pinakitaan ng pagmamahal. Kakausapin niya lamang ako tuwing lalapitan ko siya kapag may kailangan akong bayaran sa paaralan.

Umupo ako sa kaniyang harapan. Pinapanood ko siyang magtrabaho habang sinisigurado niyang pulido ang pamaypay na ginagawa niya gaya ng mga inilalako niya sa palengke.

"Tama na po iyan. Hindi mo na kailangang magtrabaho," saad ko.

Hindi niya ako sinagot. Tinangka ko siyang hawakan ngunit tumagos lamang ang kamay ko sa kaniyang balat.

Napayuko akong bigla. Sa pagitan ng aking mga tuhod ay ibinuhos ko ang lahat ng mga himutok ko.

Napakarami kong nais itanong sa kaniya.

Kung bakit puro siya trabaho?

Bakit niminsan ay hindi niya ako sinamahang umakyat sa entablado ng paaralan?

Bakit hindi ko man lamang naramdamang ipinagmalaki niya ako sa mundo?

Bakit hinayaan niyang lumayo ang loob namin sa isa't isa?

Inangat ko ang aking ulo. Tila isang hiwaga nang mapansin kong para siyang bumabata. Ganoon pa rin ang suot niya. Pero sa bawat segundo ay nagbabago ang kaniyang anyo.

Ngunit ang nagpasikip ng dibdib ko, hindi pa rin siya tumitigil sa ginagawa niya.

Nagbago ang paligid. Sa harap ko ay isang dalaga. Malaki ang tiyan na tila may dinadala sa kaniyang sinapupunan.

"Bili na po kayo suki," aniya. Hawak niya ang mga hinabi niyang pamaypay habang naglalako sa gitna ng palengke. "Pambili lamang po ng pangangailangan ng magiging anak ko."

Napatakip ako ng bibig. Ramdam ko ang pamumugto ng aking mga mata.

Sa mga sumunod na sandali ay naging isa siyang estudyante. Hawak pa rin niya ang mga parehong pamaypay.

"Bili na po kayo, pambaon ko lang sa paaralan."

Nagsimula akong humagulgol. Ngayon ko lang napagtanto na halos sa pagtratrabaho na umikot ang buhay niya.

Ilang saglit pa ay naging isa siyang paslit. Isang batang yagit na nagtitinda ng sampaguita.

"Ale, manong, bili na po kayo. Pangkain ko lang po."

Mabilis ko siyang tinakbo.

Pinilit ko siyang niyakap kahit tumatagos siya sa katawan ko.

"Mama!" bulyaw ko. "Pinapatawad na kita. Alam ko na ang lahat. Ginugol mo ang oras mo sa trabaho masuportahan lamang ako buong buhay mo!"

Sa sandaling iyon ay tila naramdaman kong niyakap niya akong mahigpit. Ramdam kong hinaplos niya ang aking likod.

Nagising ako kinabukasan. Lumuluha.

Isang taon mula nang pumanaw ang aking ina ngunit ngayon ko lamang siya naipagluksa.

Isang taon mula nang pumanaw ang aking ina ngunit ngayon ko lamang siya naipagluksa

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
TABULARASATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon