Lumilipad sa langit. Sa labas ng bintana ay walang hanggang kadiliman. May mga tala na tila tumatakbo palayo sa liwanag na nagbabanta sa silangan.
"Apat na taon," bulong ko hahang nakaupo sa loob ng eroplano. "Apat na taon lamang ang hiniling ko sa kaniya ngunit hindi niya ako hinintay."
Tila kahapon lamang ang lahat. Umalis ako ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa. Pinapili niya ako bago ang araw na iyon— kung siya o ang pangarap ko.
"Makasarili ka Luis." Nakatingin ako sa mga ulap na tila naghahanap ng paliwanag. "Napakadaya mo."
Pinili ko ang pangarap ko. Ang paglisan ko ang tumuldok sa pag-ibig na inakala ko'y mapang-unawa. Pagmamahal na akala ko ay hahamakin ang lahat para sa aming dalawa. Puro akala— mga maling akala.
Wala na akong balita sa kaniya mula noon. Kung ano ang kinahinatnan niya o kung naging matagumpay din ba siya kagaya ko.
Sa guhit tagpuan ay nakakita ako ng manipis na liwanag. Una ay puti hanggang sa maging bahaghari. Sa itaas ay ang kalawakan, sa ibaba ay karagatan. Sa gitna ng lahat ng ito ay ang araw na tila inaabot ako gamit ang kumikinang nitong mga sinag.
"Mayroon po tayong espesyal na pasahero ngayong araw na nagngangalang Zach Tanner ," anunsiyo ng piloto.
Mabilis akong natauhan. Napatingin ako sa harapan. Nagsimulang mamugto ang aking mga mata nang marinig ang pamilyar niyang boses na tawagin ang aking pangalan.
"Patawad kung pinapili kita noon." Natatawa ako habang pinapakinggan ang kabado boses ni Luis. "Isa na akong piloto ngayon, Zach. Alam kong mahalaga sa iyo ang pangarap mo kaya pinagpaliban ko muna ang pag-ibig natin upang mapagtuunan mo ang kinabukasan mo."
"Siraulo," natatawa kong bulong. "Kahit kailan ka talaga."
"Maligayang pagbabalik sa Pilipinas, Zach." Ramdam ko ang ngiti niya sa likod ng mikropono. "Maligayang pagbabalik sa tahanan mo."
BINABASA MO ANG
TABULARASA
Short StoryTabularasa: Inosente, dalisay, busilak, at walang bahid. Gaya ng mga taong nagpapanggap na malinis.